FEU remains unbeaten, gets mettle tested against Ateneo in UAAP thriller
- February 25, 2019 12:26
FEU Advocate
October 29, 2024 22:06
Nina Mark Vincent A. Durano at Eunhice Corpuz
Nanawagan ang mga progresibong grupo ng kabataan sa University Belt na agarang tugunan ang krisis ng edukasyon, kabalikat sa minamadaling pagsasabatas ng Mandatory Reserve Officers Training Corps (MROTC) ng administrasyong Marcos Jr. sa isang kidlat-protesta sa tapat ng FEU Gate 4 ngayong ika-29 ng Oktubre.
Iginiit ng pagkilos na posibleng magpataw ng panganib sa mga pamantasan ang pagsasalamin ng mga operasyong pangmilitar sa ibabaw ng mga pasaning buhat ng K-12 na kurikulum.
Isinalaysay ni Kabataan Partylist UST Chairperson Annie Nicholle Agon
ang umanong pagpapatahimik sa mga mag-aaral ng University of Santo Tomas (UST) na nagsasalita ukol sa mga karapatang pangmag-aaral na pinuri ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Ngayon palang na makitid na ang democratic spaces natin sa loob, hindi ba ito mas papalain pa ng Mandatory ROTC na dahil commendeble na nga ito sa AFP ngayon pa lamang, paano pa kaya kung mismong AFP na ang nasa loob ng UST?” anito.
Nakiramay din si Agon sa matatandaang pagpaslang kay Mark Nelson Chua, matapos nito ibunyag ang kanyang karanasan sa ilalim ng MROTC noong 2001.
Isa ang kaso ni Chua sa mga nag-udyok sa pagpapatatag ng National Training Service Program (NSTP) na dapat ayusin at pagtuunan ng pansin ayon kay Agon.
“Ang gusto natin ay mas maging better pa siya [NSTP] at pondohan pa mismo ng mismong gobyerno… Tinatawag natin ang Mandatory ROTC na makabayan at ang NSTP ba hindi?” saad niya.
Maliban dito, ibinahagi rin ng National Union of Students of the Philippines NCR Regional Coordinator na si Rebecca Baliton ang pagkaubos ng slots sa Civic Welfare and Training Service (CWTS).
“Ilan sa matitingkad na kalagayan ay ang pagkakaroon ng Mandatory ROTC o ‘di kaya [ay] CWTS sa ibang kurso o strand. Ang ilan naman ay nauubos ang slots ng CWTS at [Literacy Training Service] LTS habang nananatiling bukas ang ROTC,” pahayag nito.
Binigyang-pansin din niya ang paggamit ng insentibo bilang pandagdag grado upang sumali ang mga estudyante.
Ayon kay Baliton ang MROTC ay “isang iskema” upang manghimasok ang mga kapulisan sa mga pamantasan.
Inudyok naman ni Kyla Sofia Benedicto mula sa League of Filipino Students NCR ang kabataan na tuligsain ang MROTC buhat ng masalimuot nitong kasaysayan.
“Ilang beses na rin pong nasabi ng mga naunang nagsalita na madilim at represibo ang naging kasaysayan noong magkaroon ng Mandatory ROTC at kaming mga kabataan ay ayaw namin ng mas madilim pang kinabukasan para sa amin,” salaysay nito.
Samantala, kinondena naman ni Anakbayan FEU Chairperson Alecx Ymson ang mga umano’y komersyalisado at represibong sistema sa Far Eastern University (FEU).
“Sa buong kasaysayan ng FEU, walang tigil na pinipiga ang mga Tamaraw para lang sa kita ng mga shareholder,” aniya.
Binanggit ni Ymson ang kamakailang pagtaas ng matrikula sa Unibersidad at paghingi ng FEU High School sa karagdagang P650 na bayarin para sa pananaliksik na nagpapahirap umano sa mga Tamaraw.
Bumalik-tanaw din siya sa nangyaring pagsupil sa karapatang magsalita ng mga estudyante nang hulihin ang tatlong mag-aaral sa FEU noong paggunita ng Batas Militar noong 2022.
Kinondena ni Ymson ang patuloy na banta ng estado sa mga gusto lamang ipaglaban ang kanilang karapatan.
“Ilang beses na tayong pinagbibintangan na naghahawak tayo ng armas dahil lamang nag-iingay tayo sa lansangan, ngunit sila, ang rehimeng Marcos Jr., ang nagtutulak na gawin tayong bala para sa mga imperyalista,” saad nito.
Mariin din niyang isiniwalat ang kawalan ng pakialam ng pambansang administrasyon sa kanilang prayoridad lalo’t kamakailan lamang ay marami ang nasalanta ng Bagyong Kristine.
“Tila'y iba pa rin ang prayoridad ng mga nanduon sa puwesto nitong nakaraang linggo lang po binaha [at] binagyo ang ating bansa ni Kristine,” saad ni Yamson.
Nanawagan din ang protesta na agarang isabatas ang Students’ Rights and Welfare Bill pati ang pagkakaroon ng libre at dekalidad na edukasyon para sa lahat.
Nakatakda namang magkaroon ng congress hearing tungkol sa minamadaling pagpasa ng Mandatory ROTC o Senate Bill No. 2034 sa ikaapat ng Nobyembre.
(Kuha ni Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)