Konsyumer, tindera ng baboy, umaray sa epekto ng ASF

FEU Advocate
September 03, 2024 15:20


Kaakibat ng patuloy na pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa mga sakahan ng baboy, kasabay nito ang pagharap ng mga tindera at konsyumer sa epekto ng virus na dagdag sakit sa kanilang hanapbuhay at pagkain na mailalagay sa mesa. 

Ang ASF ay isang nakamamatay at nakahahawang sakit ng baboy na maaaring makaapekto sa parehong laking-bukid at ligaw na mga swine dulot ng virus mula sa pamilyang Asfarviridae. 

Ito ay maaaring kumalat sa direktang pakikipag-ugnayan sa mga nahawaang baboy; dumi o likido sa katawan; hindi direktang pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga fomite gaya ng mga kagamitan, sasakyan o mga taong nagtatrabaho sa sakahan ng baboy na walang epektibong biosecurity; at mga baboy na kumakain ng mga nahawaang mga produktong karne.

Ayon sa ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI), naitalang 312 sakahan ng baboy ang apektado ng ASF sa Luzon, 98 sa Visayas, habang 47 naman sa Mindanao ngayong buwan.

Virus sa baboy, sakit sa tindera

Samantala, ibinahagi ng 20 taong nagbebenta ng baboy sa Trabajo Market, Sampaloc na si Rowena Balidoy na naging matumal ang kanilang benta simula nang kumalat ang ASF.

“Naku, malaki [ang] epekto [ng ASF]…Kita mo wala na ngang halos bumibili. Konti na lang talaga, mahirap magpaubos,” giit ni Balidoy sa panayam ng FEU Advocate.

Kahit pa walang virus ang baboy, may mga oras pa rin daw na matumal ang kanilang benta kaya’t paiba-iba ang kanilang kinikita kada araw. 

Para naman kay Erma Sigirano na 10 taon nang namamasukan bilang magbababoy sa Trabajo Market, naging mahina ang benta ng karne dahil natatakot ang mga konsyumer na baka nahawaan ang mga binebentang baboy ng ASF. 

Sa paglaganap ng virus, sinisiguro ni Sigirano na ligtas ang kanilang binebentang baboy sa pagpapadaan ng mga ito sa tamang proseso.

“Kumpleto po [kami] sa papel, ‘di ka makakababa ng matadero nang walang permit (permiso). May mga doktor na nag-iinspek [sa mga baboy]…Kailangan may mga paper (papel) kang i-present (iprisenta) na safe (ligtas) ang baboy,” paliwanag ng tindera.

Kaugnay nito, isa ang unang-taong mag-aaral ng Accountancy na si Renato Pe III sa mga konsyumer na nababahalang bumili ng baboy dahil sa mga posibleng epekto ng ASF sa kaniyang kalusugan.

As much as I trust the market, medyo cautious and takot ako sa possible effects nito [ASF] since lagi ko siya naririnig. Especially as a student, need ko maging cautious sa health ko (Kahit na nagtitiwala ako sa palengke, medyo maingat at takot ako sa mga posibleng epekto nito dahil lagi ko siya naririnig. Lalo na’t bilang isang estudyante, kailangan kong maging maingat sa kalusugan ko),” pagbabahagi nito. 

Ayon naman kay Balidoy, dumaraan sa beterinarya ang mga sariwang baboy kaya’t nananawagan siya sa gobyerno na mas pagtuunan ng pansin ang mga frozen na karne dahil aniya’y hindi alam ng mga tindera kung saan ito nanggagaling.

Isa sa mga nakikitang implikasyon ni Sigirano sa patuloy na pagkalat ng ASF ay ang pagtaas ng presyo ng mga baboy dahil sa posibilidad na maubos ang supply nito. 

Tumaas ang presyo ng baboy sa Sampaloc Market, Legarda sa P380 mula P360 kada kilo noong nakaraang Agosto.

Bunga ng ASF sa konsyumer 

Madalas na ginagamitan ng karneng baboy bilang sangkap ang ulam ng mga Pilipino, kaya naman hindi makatatakas ang karaniwang konsyumer sa banta ng ASF.

Para sa ikaapat-na-taong mag-aaral ng Tourism Management na si Wen Roniel Miñoza, kinagisnan na ng kaniyang pamilya na bumili ng sariwang baboy upang siguraduhing dumaan sa tamang proseso ang pagbebenta ng karne. 

As someone na lumaki sa province (Bilang lumaki sa probinsya), kinalakihan talaga namin na bumili ng mga fresh (sariwa)...Nase-secure natin kung ‘yung kinakain ba natin is dumaan sa tamang process, especially meat nga siya (Nasisiguro natin kung ‘yung kinakain ba natin ay dumaan sa tamang proseso, lalo na karne nga siya),” anito. 

Bilang isang estudyante na naninirahan sa dormitory, nalilimitahan ang mga pagpipilian sa pagkain ni Miñoza dahil sa banta ng ASF. Naniniwala siyang maraming benepisyo ang karneng baboy sa kaniyang kalusugan kaya malaking pagsubok ang pagbabawas ng benta nito lalo na’t nais niyang siguraduhin na hindi puro de-lata ang kaniyang lamang-tiyan.

Ibinahagi rin ng ikalawang-taong mag-aaral ng Nursing na si Gerneile Klaudia Quilban na kinakailangan nilang bumili ng mas mahal na karne dahil sa banta ng nasabing virus

“‘Yung pork kasi, isa sa mga cheap na meat [kaya] s’yempre nakakaapekto siya sa’min…Mas less na ‘yung benta, mas less na kami nakakabili ng meat. Medyo nakaka-affect rin siya sa mga meal plans namin…Nawawalan kami ng choice but to buy much expensive like ‘yung beef or like chicken (‘Yung baboy kasi, isa sa mga murang karne kaya s’yempre nakaaapekto siya sa’min…Mas bawas na ‘yung benta, mas hindi na kami nakakabili ng karne. Medyo nakaaapekto rin siya sa mga meal plans namin…Nawawalan kami ng pagpipilian kundi bumili ng mas mahal gaya ng karne ng baka o ng manok),” saad nito. 

Dagdag pa rito, paalala ni Miñoza na obligasyon ng mga konsyumer na maging mapanuri sa pagpili ng binibilhan ng karneng baboy. Payo niya na alamin muna kung ang pinanggagalingan nito ay mula sa mapagkakatiwalaan na produksyon o dumaan sa maayos at malinis na proseso.

Samantala, kinumpiska naman ng BAI ang dalawang trak sa Lungsod Quezon na may kargang 87 baboy at 14 na hog nitong ika-16 ng Agosto sapagkat nagpositibo sa ASF ang mga baboy mula sa unang trak habang nakitaan ng clinical signs ng virus ang mga baboy sa pangalawang trak.

Iniulat na patungo sana ang mga ito sa probinsya ng Pangasinan.

Upang mapababa naman ang epektong dulot ng ASF, sinimulan ng Department of Agriculture ang pagbabakuna sa mga kawan ng baboy sa Lobo, Batangas, isa sa mga probinsyang pinaka-apektado ng virus noong ika-30 ng Agosto.

- Mariah Louise Miciano at Kasharelle Javier
(Kuha ni Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)