Kasakiman at kawalang-kamalayan: Banta sa kultural na pagkakakilanlan

FEU Advocate
October 16, 2024 19:38


Ang ideya ng ‘pagbabago’ sa isang sagradong pagkain tulad ng pastil ay hindi lamang simpleng pagpapalit ng isang kasangkapan. Pinapakita nito ang pagwawaksi sa malalim nitong kahulugan at pinagmulan. Sa kasaysayan ng Pilipinas kung saan nahaharap sa matinding diskriminasyon at opresyon ang mga Pilipinong Muslim, isa itong panibagong paraan ng pagpapalabnaw at hindi paggalang sa kanilang kultural na pagkakakilanlan.

Lantarang pambababoy sa kulturang hiram

Kilala ang mga lutong Pilipino sa pagkakaiba-iba at pagiging komplikado nito—maraming natatanging pagkain ang bawat rehiyon na sumasalamin sa kultura, tradisyon, at relihiyon nitong kinabibilangan.

Isa sa mga tradisyunal at tanyag na lutong Pilipino ay ang ‘pastel’ o ‘pastil.’ Gawa ito sa kanin na nilagyan ng ‘kagikit’ o hinimay-himay na manok, minsa’y isda o karne ng baka, at nakabalot sa dahon ng saging.

Mula sa mga Moro sa Maguindanao, karaniwang inihahanda ang pastil sa mga espesyal na okasyon tulad ng Eid’l Adha, Eid’l Fitr, mga kasalan, kaarawan, at iba pa.

Ito ang pangunahing pagkain ng mga Pilipinong Muslim na kalauna’y binansagang “survival food” dahil sa pagiging praktikal, abot-kaya, at ‘halal’—tumutukoy sa mga produktong inihahanda at paraan ng pagproseso nito na alinsunod sa batas o paniniwala ng Islam.

Kung kaya naman samot-saring reaksiyon mula sa mga kritiko, partikular sa mga Pilipinong Muslim sa social media, ang bumungad sa ilang kontrobersiyal na bidyo tungkol sa paggawa ng pork pastil.

Higit lalo itong nakaaalarma dahil tila matagal nang umiiral ang nasabing usapin. Sa pahayag ng The Mindanao Tech sa isang Facebook post noong nakaraang taon, binanggit nito na isang kawalang-galang sa komunidad ng Muslim ang gayong pagbabago sa pagluluto ng pastil.

Bagaman mayroong iba’t ibang bersiyon ang pastil, mahalaga ang paggamit ng kasangkapang hindi nakapipinsala sa kultura’t relihiyon ng pinanggalingan nito. Sapagkat itinuturing na ‘haram’ o mahigpit na ipinagbabawal ang pagkonsumo ng baboy sa katuruan ng Islam.

Ayon sa panayam ng Far Eastern University (FEU) faculty member at tagapagtaguyod ng mga Moro na si Ameera Milano sa FEU Advocate, malaking balakid ang paglaganap ng pork pastil sa pagkakaroon ng accessible na pagkain para sa mga Pilipinong Muslim.

“Malinaw na matatawag natin ito bilang isang cultural appropriation. Ibig-sabihin, pinapalitan natin ‘yong nakagawian nilang kultura, pinapalitan natin ‘yong kanilang identidad base sa kung paano lang natin siya gustong maging accessible para sa mga tagalabas o ‘yong tinatawag na ‘othering,’” paglilinaw nito.

Iniugnay rin dito ni Milano ang usapin ng power dynamics kung saan nakabatay sa pansariling interes at pangangailangan ng dominanteng grupo ang paghiram sa kultura ng iba.

“Kasi ito ay pagpapakita na, bukod sa hindi natin sila naiintindihan o hindi natin sila iniintindi, nagkakaroon din ng maling pag-unawa patungkol sa kanilang identity. Not to mention [that] they are already exploited (Gayon pang pinagsasamantalahan na sila),” ani Milano.

Para naman sa mag-aaral ng International Studies at tagapangulo ng Committee on Community and Volunteering ng FEU Muslim Circle na si Son Panganiban, mahalagang isaalang-alang ng publiko ang pinanggagalingan nilang mga Muslim na matagal nang ipinagtatanggol ang kanilang mga karapatan at pagkakakilanlan.

“Ang konsepto ng pastil [para sa kanila] ay nagpapatunay na para sa sariling kapakinabangan nila [at] para lang kumita. Para lang masabing unique or innovative ‘yong business idea nila na originally [ay] hindi naman sa kanila nagmula,” sambit ng tagapangulo.

Binigyang-linaw din ng lider-estudyante na maaaring ipagpatuloy ng publiko ang pagbebenta ng mga pagkaing may karne ng baboy, ngunit hindi ito dapat tawaging pastil.

“Sapagkat ang pastil na may baboy ay hindi pastil,” diin ni Panganiban.

Para sa iba, maaaring makita nila ito bilang mababaw lamang na usapin. Ngunit para sa mga Pilipinong Muslim, isa itong masalimuot na paalala kung gaano kadaling yurakan at palitan ang kanilang mga tradisyong hindi lubos na iginagalang o naiintindihan ng karamihan.

Mahalagang tandaan ng bawat isa na sa pagtangkilik o paghiram ng ibang kultura, mayroon itong kaakibat na mga tungkuling marapat sundin; ang pagiging sensitibo, pagbibigay-galang, at pagkakaroon ng kamalayan sa pamamaraan ng pamumuhay at pananampalataya ng mga indibiduwal na bumubuo nito.

Panibagong dagok sa karanasan ng minorya

Karaniwang ibinebenta ang pastil sa mga tindahang nasa kahabaan ng kalye sa halagang P15 hanggang P25. Naging patok ito sa masa dahil nakabubusog at abot-kaya, partikular sa mga indibidwal na Muslim na naghahanap ng halal na pagkain sa Maynila.

Kaugnay nito, ibinahagi ng mag-aaral ng Internal Auditing at miyembro ng FEU Muslim Circle na si Salwa Magarang na isa ang pastil sa pinakaligtas at pinakamadaling hanapin na halal na pagkain.

Ngunit dahil sa paggamit ng karne ng baboy, nakababahala na para sa mag-aaral na Muslim ang pagbili at pagkain ng pastil sapagkat walang katiyakan kung ano ang nilalaman nito.

“Ang hirap po kasing maghanap ng halal food na pupuwede sa amin [bilang mga Muslim] kasi ayun, laging may halo na [ibang kasangkapan]. It’s either fats ng pork or like something na related pa rin sa pork,” paliwanag ni Magarang.

Ganito rin ang naging saloobin ng mag-aaral ng Accountancy at miyembro ng FEU Muslim Circle na si Fatima Heart Crisostomo. Aniya, lalo lamang nitong pinatindi ang kanilang kahirapan sa paghahanap ng pagkaing halal batid na isang non-Islamic na bansa ang Pilipinas.

“Nagiging disrespectful siya in a way na parang hindi na kami nabibigyan ng importansiya. ‘Pag nalaman kasi ng isang Muslim na ang isang lutong pagkain ay specifically na ginawang halal para sa kanya, matutuwa ang isang Muslim. Bakit? Kasi mararamdaman niya na parang binibigyan siya ng importansiya [at] binibigyan siya ng inclusivity. Parang tine-take into account ‘yong needs no’ng isang Muslim depende doon sa pagkain,” ani Crisostomo.

Dagdag pa niya, hindi madali para sa kanya na magtiwala sa mga pagkaing nagpapakilala bilang halal. Sapagkat minsan, mayroon pa rin itong kasangkapang taliwas sa kanilang panuntunan.

Sa gitna ng paglaganap ng pork pastil, malaking panganib din para sa mga Pilipinong Muslim ang mga huwad na paggamit ng ‘halal’ sa ilang mga pagkain. Ang ganitong mga hakbangin ay higit pa sa isang kamalian na marapat pagtuunang-pansin ng pamahalaan.

Liban sa direktang insulto dulot ng pagbabago sa tradisyunal na pagkain, sukdulan din ang mga perhuwisyong dulot nito para sa mga Pilipinong Muslim.

Nakalulungkot lalong isipin na sa bawat lamesang nagsasalo-salo sa pagkaing nakahain, maaaring may isang indibidwal na hindi makasabay dahil sa kakulangan o pagbabago sa mga pagkaing inaasahang sumusunod sa kanilang mga alituntunin.

Patunay lamang ito na mailap pa rin ang publiko sa dinaranas at naratibo ng minoryang komunidad na matagal nang niyuyurakan ang kanilang mga karapatan.

Wastong pagtahak tungo sa kultural na kamalayan

Mayaman ang pagkakakilanlang Pilipino sa pagkakaiba-iba ng etnisidad at mga kultura nito.

Subalit sa kasaysayan ng Pilipinas, marami pa rin ang nananatiling marhinalisado tulad na lamang ng mga Pilipinong Muslim at Moro. Patuloy ang kanilang laban para sa kanilang pagkakakilanlan, paraan ng pamumuhay, lupain, at karapatan sa sariling pagpapasiya.

Kaya’t mensahe ni Panganiban para sa lahat, hindi ang mayorya ang dapat na magdikta kung ano lamang ang pagkakakilanlang Pilipino, sapagkat mayroong sari-sariling pamantayan ang bawat kultura na naaayon sa mga paniniwala nito.

“Mahalagang isaalang-alang ng publiko ang pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat isa, Muslim man ito o Kristiyano. Sa ganitong paraan, walang sinuman [ang] maisasantabi o maiiwan patungo sa pagbuo ng mas nagkakaisang lipunang Pilipino,” salaysay nito.

Paliwanag naman ni Milano, isa itong paglalarawan na maaaring nagpapakita kung ano ang patutunguhan ng ating lipunan at kung paano nito hinuhubog ang kasalukuyang sistema ng bansa.

“Napakatagal na nilang hindi nabigyan ng espasyo sa ating lipunan. Ang tagal na [rin] nilang ipinagsisiksikan ang kanilang mga sarili upang makita sila ng ating lipunan at ng ating estado. [Kaya’t] ‘wag na nating agawin ang isang maliit na bagay na bahagi ng kanilang identidad, at ‘yon ‘yong karapatan [nilang] makakain nang maayos,” mungkahi nito.

Maaaring maging mapanghamon o malikhain ang paraan ng pagluluto sa isang pagkain. Ngunit kailanman, hindi ito dapat na mauwi sa kamangmangan o kasakiman. Sa halip, marapat itong magsilbing panawagan upang palalimin ang ating kultural na kamalayan.

Makatuwiran at makatarungan lamang na hilingin ng mga Pilipinong Muslim ang mas malalim na pag-unawa at pagpipitagan sa kanilang tradisyon, pananampalataya, at pagkakakilanlan.

Kaya ngayon higit kailanman, mahalagang isulong ng mga lokal na pamahalaan ang mahigpit na pagbibigay-proteksyon sa mga kultural na gawi mula sa maling paggamit at representasyon nito. Tulad ng kanilang pananampalataya, mahalaga ring tratuhin ang kanilang mga pagkain nang may pag-iingat at pagpipitagan. Dahil sa pagtatapos ng araw, walang kabayaran ang pagbibigay-respeto at pagiging isang disenteng tao.

- Dianne Rosales

(Dibuho ni Abilene Reglos/FEU Advocate)