IL studes gather to mark end of 2019 Bar Exams
- November 27, 2019 09:40
FEU Advocate
April 13, 2021 05:37
Nina Agustin F. San Andres, Jr. at Alyssa Shaine A. Genil
Nagmahal na ang mga presyo ng bilihin, nagsara na ang ilang mga tindahan, at unti-unti nang nawala ang kakatwang ingay ng mga nagtitinda’t kanilang mga parokyano—ang dating mga palengkeng puno ng sigla ay binalot na ng nakakapanlumong mga tagpo.
Makasabay pa kaya ang sambayanang Pilipino sa malawakang pagbabagong naganap sa mga pamilihan?
Ugat ng pagbabago
Kasabay ng hamong dala ng pandemya, lalong nabutas ang bulsa ni Juan nang pumalo ang presyo ng karneng baboy at manok sa halagang P450 noong Enero. Epekto ito ng kakulangan sa supply ng mga produkto sa merkado na labis na nakaapekto sa lahat—higit na sa mga nagtitinda.
Bilang tugon ng pamahalaan sa isyu, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 1 ang Executive Order No. 124 o pagkakaroon ng selyadong talaan ng presyo ng mga karneng baboy at manok sa loob ng 60 araw sa lahat ng pamilihan sa National Capital Region (NCR).
Sa pag-awtorisa rin ng Department of Agriculture (DA) sa nasabing polisiya, ang itinakdang presyo ng liempo ay P300 kada kilo; pigue P270 kada kilo; at manok P160 kada kilo.
Bunsod nito, marami sa mga tindahan sa palengke ang napilitang nagsara magbuhat nang inilunsad ang polisiya. Sa panig nila, simula pa lamang alam na nilang hindi sasapat ang kanilang kikitain gayong hindi nalalayo ang presyo ng puhunan sa itinakdang presyo ng pamahalaan.
Pinagyaman at pinamanang tradisyon
Mula sa palapa ng niyog, pagpili ng mga butil sa malagkit na bigas, pagkuha ng gata mula sa kinudkod na sapal, at paghihintay ng higit na walong oras upang maluto at maibenta ang suman, mas pinili na lamang ng 43 taong gulang na si January “Ate Bek” Malabanan na buhayin ang isa pang tradisyon ng kanilang pamilya—ang paggawa at pagtitinda ng suman sa lihiya.
Sa kabila ng epektong dala ng pandemya sa inilunsad na 60-day price ceiling ng pamahalaan, pinili na lamang ni Ate Bek na magtinda ng suman upang maging tugon sa pang araw-araw na pangangailangan. Ang nakasanayang pagpapanday ng kutsilyo ay napalitan ng nagliliyab na pinag pira-pirasong kahoy. Malaki man ang naging pagbabago mula sa nakasanayang hanapbuhay, ngunit ito na lamang ang magsasalba mula sa pagkakahinto ng kanilang negosyo.
“Sa ngayon, ang pinagkakakitaan ko nalang ay yung tradisyon ng pamilya na pagluluto ng suman,” malungkot na pagpapahayag ni Malabanan.
Bago magka-pandemya at iproklama ang price ceiling, masayang binalikan ni Ate Bek ang malakas na kita sa palengke kahit magkakaiba ang halaga na kanilang nakukuha sa araw-araw. Halos pumapalo sa 100 kilo ng karne ang bumabagsak sa kanilang pwesto ngunit nagagawa lamang nilang makabenta ng halos 80 kilo sa maghapon na nakasalaysay sa pagdagsa ng mga parokyano.
“Depende kasi sa araw, pabago-bago ‘yon magmula Lunes hanggang Linggo. Minsan P8000-P10,000. Depende kasi sa takbo ng mga pumapasok na namimili,” pagpapaliwanag nito.
Hindi hamak na mas malaki ang kitang kanilang nakukuha kung ikukumpara ito sa mga piniling magtrabaho sa pabrika, restawran, at iba pang establisyimento na umiikot lamang sa sahod na P300 hanggang P500 sa isang araw.
Sa nararanasan nitong mapanghamon na pagkakataon, tila ang mga kinamulatang tradisyon ay nagmistulang kasangga sa panahon ng pangangailangan. Nakagagalak kung pagninilayan na naipagyayaman ni Ate Bek ang ipinamana ng kaniyang pamilya ngunit nakalulungkot din kung iisipin hindi na sumasapat ang pinagkukuhanan ng kita.
Pagtanaw sa mga benepisyo’t pagbabago sa pagtitinda ng karne
Sa pagbabalik tanaw sa kinalakhang pagtitinda ng karneng baboy, naging daan ito upang matamo ng kaniyang pamilya ang maginhawang buhay na naging kaagapay rin sa pag-aaral nilang limang magkakapatid. Bunsod nito, ito rin ang naisipan niyang daan upang mapagtapos ang kanyang dalawang anak.
Ang namayapang ama nito ang nagsimula ng kanilang negosyo, at tila nagkaroon ng matinding pagbabago sa pamilihan magmula ng mag-umpisa itong magbenta hanggang magkaroon ng pandemya. Ibinida rin nito na noong nagsisimula pa lamang sa pagbebenta ang kaniyang ama, ang kuha nila sa kilo ng buhay na baboy ay pumapalo lamang sa halagang P80 hanggang P100. Sa paglaon ng panahon, mas tumaas pa ang presyo nito mula P180 hanggang P190 kada kilo bukod pa ang ibang mga gastusin tulad ng transportasyon, renta sa pwesto na umaabot sa P10,000 kada buwan, pagpapalinis at pagpapakatay sa matador na kumukunsumo ng halos P2,000 hanggang P3000 na siya ring ibabawas sa pangkalahatang kita sa loob ng isang araw.
Bumaba sa halagang P300 ang kanilang naging kita mula sa noo’y P8,000 hanggang P10,000 na halaga. Hindi na rin nila matustusan ang pang araw araw na gastusin kasabay ang pagiging mailap ng pag-asang maitawid sa gutom ang kanyang pamilya. Kung susuriing mabuti, sadyang naging malaki ang pagbabago ng polisiya hindi lamang sa kanilang hanap-buhay kundi pati na rin sa sariling pamumuhay.
Nakalulungkot isiping kung sino pa ang dating nagsusuplay ng karneng baboy sa mga palengke ay sila pa ngayon ang hindi makabili at makapaghain ng ganitong klaseng pagkain sa kanilang hapag. Lahat ng paghihirap na sinasapit ng kanyang pamilya ay sumasalamin din sa mga Pilipinong patuloy na naghihikahos mairaos lamang ang bawat araw.
Panawagan ni Ate Bek
Sa tuluyang pagsasara ng kanilang tindahan, mariing kinontra ni Ate Bek ang pag-aawtorisa sa 60-day price ceiling dahil patunay ang kaniyang naging karanasan sa magiging epekto nito sa buhay ng bawat tindera.
“Actually hindi ako pabor dyan, tutol ako dyan, kaya nga hindi na ako nakakapagtinda ngayon wala na ‘kong kinikita magpapagod lang ako, mauubos lang yung puhunan ko,” sentimyento nito.
Kasabay ng problemang kinahaharap ng bansa, tulad na lamang ng paglubog ng ekonomiya dahil sa pandemya, tila inilulubog din nito ang bawat tinderang higit na apektado ng kinakaharap na krisis.
“Tayong mga normal na mamamayan, hindi natin kayang sumabay sa pagtaas ng presyo,” pagpapahayag nito.
Napipilitan ang masang Pilipinong magpaanod sa rumaragasang pagbabago na dulot ng magkabilaang krisis sa bansa. Labag man sa kanila ang hindi makaturungang pagtaas ng mga presyo, wala silang magagawa kung hindi tanggapin at sumabay na lamang sa pagbabagong ito.
Sa pagdedesisyon ni Ate Bek na pansamantalang isara ang pwesto sa palengke, nagsilbi itong agarang solusyon upang maisalba ang natitirang perang pampuhunan para sana sa pagkakataong makabalik sa dating puwesto. Kung ito’y pagpapatuloy, para siyang tumaya sa lotto na malayo ang kasiguraduhan sa pagkapanalo.
Malaki na ang nawala at patuloy na nawawala sa mga tinderang kagaya niya, ang pagbubukas-palad sa iba’t ibang oportunidad ang tanging resolusyon upang maipagpatuloy ang pangarap at planong binuo ng kanilang pamilya. Sa kabilang banda, para kanino nga ba talaga ang pagpapalayon sa naturang polisiya kung hindi naman ito pantay at positibong natatamasa ng kabuuang masa?
Pagpapalalim sa tugon ng pamahalaan
Ayon kay G. Ramces Dili na nakapagtapos ng kursong Master of Arts (MA) in East Asia Sustainable Economic Development Study sa Kyoto University, ang price ceiling ay isang pang-ekonomiyang polisiya na madalas ipinapatupad ng pamahalaan upang proteksyunan ang mga mamamayan sa mga negosyante. Isang pag-garantiya rin umano ito ng pamahalaan sa kaniyang mamamayan na handa nilang tugunan ang mabilisang price increase na bunga ng kalamidad gaya ng pandemya at kakulangan ng supply ng mga produkto.
Sa kakulangan ng fresh product ng bansa sa karneng baboy at manok, ipinaliwanag ni Dili na napilitang magpatupad ang pamahalaan ng price ceiling ngayong may pandemya dahil lubusang naapektuhan ang sektor ng agrikultura at hindi nakalampas dito ang mga manukan at babuyan.
Sa panahong hikahos ang mga Pilipino dahil sa pandemya, pinalawig nito na ang naturang polisiya ay may layon ding proteksyunan ang mga tindera laban sa mga mapagsamantalang meat suppliers o producers.
Binigyang-diin ni Dili na ang polisiya ay may malaking epekto sa ekonomiya ng bansa. Kung hindi ito mababantayan, maaring magkaroon ito ng negatibong implikasyon sa lahat hindi lamang sa mga producers kundi lalong-lalo na sa ordinaryong mamamayan.
“Sa panahong ito, maaaring hindi na tuluyang ilabas ng mga producers ang kani-kanilang mga produkto sa kadahilanang ikalulugi ng mga ito. Sa ganitong pagkakataon, lalong magkakaroon ng insufficient supply ang merkado,” dagdag nitong paliwanag.
Tulong o dagdag kalbaryo?
Maraming implikasyong dala ang inilunsad na 60-day price ceiling sa mga nagtitinda, mamimili, at sa buong ekonomiya ng Pilipinas. Sa kabila nito, binigyang-linaw ni Dili maging kapaki-pakinabang ang price ceiling para sa lahat kung mahusay itong naipapatupad. Ngunit, kung magiging mabagal ang pagtugon ng pamahalaan sa isyu, may kakayahan ang naturang polisiya na i-paralisa ang bentahan ng karne sa merkado. Bunsod nito, mapipilitang tumigil ang mga middleman o producers sa pag-angkat ng mga baboy at manok dahil hindi sila kikita sa itinakdang presyo ng pamahalaan.
“Kapag ganito ang mangyayari, walang supply sa merkado, kaya't wala ring mabibili ang mga mamimili. Sa panig naman ng mga tindera, magiging ganoon din ang desisyon nila, mas nanaisin na nilang huwag munang magtinda kung ikakalulugi lang din naman nila ang presyo na itinakda ng pulisiya sa kabila ng mataas na kanilang pagbili ng karne mula sa suppliers' producers," pagbabahagi nito.
Tunay na magiging malaki rin ang epekto ng polisiya sa ating ekonomiya kung kaya’t maaaring maging pabor ito sa mga dayuhang frozen meat producers dahil mapipilitang kumuha sa kanila ang mga nagtitinda ng karne upang mapunan ang kakulangan sa supply nito sa bansa. Samantala, papatayin din ng polisiya ang local meat producers at merkado sa ating bansa.
"Ito 'yung sinasabi nating kailangang pag-ingatan ng pamahalaan kapag ipinatupad niya ang price ceiling sa isang produkto. Para siyang double-edged sword na kapag hindi ka marunong gumamit ay maari mo itong ikapahamak," dagdag na pagpapaalala ni Dili.
Sa kabilang dako, ang paghinto ng mga tindero’t tindera ay mayroon ding epekto sa mga mamimili sa kadahilanang ito ang madalas i-konsumo ng bawat pamilyang Pilipino sa hapag bunsod ng mababang presyo nito noon.
Sa pakikipagpanayam ng FEU Advocate kay Dili, isinaad niya natural lang na tumigil ang mga nagtitinda ng karne dahil kung pipilitin nilang magpatuloy, ikalulugi lang nila ito. Samantala, naniniwala rin siya na kailangang maging maingat ng pamahalaan at siguraduhing ang pagpapatupad ng polisiya ay para sa ikabubuti ng lahat.
Kung titingnan, ang naturang polisiya ay sadyang naghatid ng malaking epekto sa buhay ng bawat Pilipino. Naging epektibo man ang hangarin ng pamahalaan upang makatulong at muling gawing abot-kaya ang presyo ng karneng baboy at manok sa mga mamimimili, nakaligtaan naman nito ang kagaya ni Ate Bek na nadagdagan ang kalbaryong kinakaharap sa araw-araw matapos mawalan ng hanapbuhay na tanging nagtataguyod sa kanilang pamilya.
(Ilustrasyon ni Shalea Miñon/FEU Advocate