Magpagpag Ka Muna
- August 11, 2025 19:33
FEU Advocate
November 10, 2025 16:29

Ni Joana Angelika Mikaela Sindac
Nagsisilbing tahian ang Kamaynilaan ng mga pira-pirasong kultura na nagmula sa iba’t ibang lalawiganin. Pinagtatagpi-tagpi ito ng mga estudyanteng dala-dala ang kuwentong-bayan na kanilang kinagisnan, kumakatawan sa mitolohiyang isinalaysay pa ng kanilang mga ninuno.
Nagbubuklod sa siyudad ang mga kuwentong isiniwalat ng mga katutubo mula sa koneksiyon ng tao sa kalikasan at ang mga nilalang na naninirahan dito. Itinuturing nila itong pangangatwiran sa mga pangyayaring tila hindi mabigyang-paliwanag.
Sinasabuhay ang mga kuwentong ito sa paraang naratibo, pagkukuwento, at diyalogo o pakikipag-usap. Nabibigyang-halaga tuwing isinasabuhay, malayo man sa orihinal na kinaroroonan.
Sa kumperensiyang pinamagatang ‘Filipino Folklore & Mythology’ na pinangasiwaan ng organisasyong Balikbayan sa University of Texas at Austin noong ika-29 ng Oktubre, tinalakay at pinag-usapan ang konsepto ng kuwentong-bayan at mitolohiyang Pilipino mula sa ugat at kamalayan nito.
Klasik din ang mitolohiyang Pilipino
Tuwing usaping klasik, bantog sa isipan ng karamihan ang mitolohiya sa Kanluran. Malakas, ma-awtoridad, at makapangyarihan. Lantad ang ganitong konsepto partikular na sa pakikipagsapalaran ng mga karakter sa mitolohiyang Griyego.
Sa kagustuhang sundan ang ganitong tema ay nalilihis ang lehitimong hulma ng kuwentong-bayan sa nakasanayan, pinipilit ang estrukturang pasok sa panlasa ng mga dayuhan ngunit taliwas ang diwa sa mitolohiyang Pilipino.
Makalipas ang mga taon, mistulang nag-aalinlangan pa rin ang mga Pilipino na tangkilikin ang sariling kulturang humubog sa kanilang pagkakakilanlan. Hindi kinakailangang bayani palagi ang bida sa karakter ng mga istorya, sapagkat klasik din ang mga pangunahing karakter na may katangiang hinulma base sa iyong tradisyon at kultura.
Tinalakay ni Sapphire Sandalo, isang Filipino-American na kilala bilang YouTuber, filmmaker, at podcaster, sa nabanggit na kumperensiya ang estado ng mitolohiyang Pilipino kumpara sa kanluranin.
“Western mythology are considered classics while everything else is just auxiliary (Ang mga Kanluraning mitolohiya ay itinuturing na mga klasik samantalang ang iba ay pandagdag lamang),” aniya.
Mas talamak na ang pagpapalabas ng mga bampira at taong-lobo batay lamang sa kuwento ng mga banyaga sa midya. Kaya naman para kay Sandalo, importanteng tangkilikin ang mga mitolohiya sa bansa tulad ng mga kuwentong umiikot sa aswang o tikbalang upang mas makilala pa ito ng karamihan.
Ipinaliwanag ni Robert John Pastera, isang propesor mula sa Departamento ng Wika at Panitikan ng Far Eastern University (FEU), sa naganap na kumperensiya ang kahalagahan ng pagpapalaganap ng mitolohiyang Pilipino.
“It is important to share this to the younger generation [as it] allows them to go back to their roots (Importante itong ibahagi sa mas nakababatang henerasyon dahil pinahihintulutan nito na balikan nila ang kanilang pinanggalingan),” saad ni Pastera.
Dagdag pa niya, wala siyang intensiyon ibahin ang relihiyon ng kaniyang mga estudyante o pilitin silang maniwala at sumamba sa kaniyang pinaniniwalaan. Subalit importante itong talakayin sa ngalan ng akademiya nang mabuksan pa ang kamalayan ng mga mag-aaral patungkol dito, maselan man mga konseptong umaaligid sa usaping mitolohiya.
Binibigyang-halaga rin ang iba pang uri ng pagkukuwento tulad na lamang ng pagbabahagi nito sa YouTube, kung saan ginagamit ang teknolohiya bilang daan upang maisalaysay pa ang mitolohiyang Pilipino sa mas malawakang madla.
Dumaan man ang maraming taon ay pinananatili nitong buhay ang sariling mitolohiya ng Pilipinas na produkto ng kultura—isang klasiko ng bansa.
Pagsingil sa mga salbahe
Natuklasan ng mga nilalang sa mga kuwentong-bayan ang tunay na karapatan ng kalikasan—ang manatiling likas sa kinaroroonan, malaya sa kasuklam-suklam na pagturing ng mga nakatira sa lupa.
Ayon kay Pastera, naninirahan ang mga ito sa mga kagubatan, katubigan, at kabundukan dahil mayroon silang kaakibat na tungkulin dito. Pinaaalala na baldado man ang kalikasan bunsod ng marahas na trato ng mga tao, nariyan sila upang ipagtanggol ito.
“One creature may be tied to the mountains because it talks about balance of nature and humans, [while] aswangs are tied up to the morale of people, prompting us to be kind (Ang isang nilalang ay maaaring nakaugnay sa kabundukan dahil tinatalakay nito ang balanse sa pagitan ng kalikasan at sangkatauhan, ang aswang naman ay maiuugnay sa moral ng mga tao, inuudyok na maging mabuti tayo),” pahayag niya.
Dagdag pa ng propesor, nasasaktan ang mga ito tuwing binababoy ang kanilang tirahan at biglaang pinuputol ang mga punong kanilang sinisilungan. May kadahilanan ang ganti ng mga nilalang na ito sa mga gumagambala sa kanila.
“These ‘monsters’ are not per se monsters, but rather, they are mediators that create meaning and mechanism, and they are active in communicating the rules of society, the cosmos, and most especially the environment. Their actions are not just pure malice like out of nowhere, ‘I am going to curse you and hurt you,’ they are conditional (Ang mga ‘halimaw’ na ito ay hindi talaga mga halimaw, bagkus ay mga tagapangalaga na gumagawa ng kahulugan at mekanismo. Sila ay aktibo sa pakikipag-ugnayan sa patakaran ng lipunan, kalawakan, at lalo na sa kapaligiran. Ang kanilang mga aksiyon ay hindi purong kasamaan lamang na walang pinanggalingan, na biglang ‘isusumpa kita at sasaktan kita,’ sila ay kondisyonal),” paliwanag niya.
Pinaaalala ng mga pangunahing karakter sa kuwentong-bayan na may hangganan ang pagsupil ng sangkatauhan sa kaluntian. Ang labis na pagputol ng puno, pagbaha, pagguho ng lupa, gayon na rin sa pagkamkam sa likas na yaman, ay ang pangunahing binabahala ng mga nilalang na ito.
Nalulunod ang kalikasan sa suliraning likha ng tao at ang lagas na kagubatan ang pruweba nito. Hindi purong kathang-isip ang pagsusubaybay sa mitolohiyang napupuno ng kasuklian sa kagagawan, pananagutan, tungkulin, at pag-iingat, bagkus ay pagsasatao ito ng paniningil ng kalikasan.
Kapuwa sa kalikasan
Bagaman nakatatakot ang usaping mitolohiya, pahayag ng propesor na rito mismo umuusbong ang pakikipagkapuwa ng mga Pilipino. Ang kuwentong-mitolohiya, iba-iba man ang bersiyon sa bawat rehiyon, ay may layuning magbigay-babala sa kapuwa.
“I would always like to reiterate on the concept of ‘kapuwa’ that we are all different… [It is about] how our differences allow us to interconnect with one another. Mythology [and] folklore are large networks of connections, populations; it's not like a single centralized doctrine (Gusto ko lang din balikan muli ang konsepto ng ‘kapuwa’ na lahat tayo ay magkaiba… lahat tayo ay magkakaiba ngunit may layuning magbigay-babala sa kapuwa. Ang mitolohiya at kuwentong-bayan ay malawakang sanga-sangang koneksiyon, populasyon, at hindi iisang sentralisadong doktrina),” paliwanag ni Pastera.
Sa pagtalakay ng mga kababalaghang pumapaikot sa mitolohiyang Pilipino, naipapasok sa diskusyon ang mga ninunong nagpasa ng mga kuwentong ito, gayundin ang pagsalin-salin ng mga sariling interpretasyon.
Umiikot ang mitolohiyang Pilipino sa pakikipag-usap at pakikipaghalubilo sa iba. Ang diwa ng kuwentong-bayan ay galing sa pakikipag-ugnayan at mas malalim ito kaysa sa takot at agam-agam. Kaya tuwing dala-dala ito ng mag-aaral kung saan man siya pumunta, nagiging daan ito upang makipagkapuwa sa iba.
“Because ‘kapuwa’ restores our sense of unity and our sense of empathy towards one another. It will allow us to interpret mythology or the myths of the Philippines not just as a fear-based stories, but our expression of connectedness, connection with our ancestors, ourselves, our nature. And of course, to raise more harmony to our community as well as to the other people around the world (Dahil binabalik ng ‘kapuwa’ ang ating pagkakaisa at pakikiramay sa isa’t isa. Binibigyan tayo ng nito ng pagkakataon na intindihin ang mitolohiya o mga alamat ng Pilipinas hindi lamang bilang nakatatakot na kuwento, bagkus ay bilang pagpapahayag ng ugnayan natin sa ating mga ninuno, mga sarili, at kalikasan. At siyempre, upang maitaguyod pa ang pagkakaisa sa ating komunidad at gayundin sa iba tao sa buong mundo),” paalala pa ng propesor.
Mahalagang ilakip ang kapuwa sa mga istoryang ipinalalaganap sa kapisanan sapagkat lubos makisimpatiya ang tao tuwing naiuugnay ang sarili sa kuwento. Mahalagang instrumento ito upang tuluyang mapamahal sa sariling mitolohiya ang mga Pilipino.
Walang mali at tama. Ang kuwentong mitolohiya ay tungkol sa pakikipag-ugnayan. Ang koneksiyon ng kalikasan, tao, at kababalaghan ay nauuwi palagi sa paghahalintulad nito sa isang komunidad. Hindi tulad ng Kanluraning mitolohiya kung saan makapangyarihan ang isa, ang mitolohiyang Pilipino ay binuo ng kapuwa bilang pundasyon ng pagkukuwento.
Isinantabi na ng lipunang kampante sa katahimikan at kalayaan ang hiwaga ng mitolohiya dahil nakakapagpabagabag ang kabuoang elemento nito. Ang tanging hiling ng mga yumayakap sa kalikasan ay pagtalima ng tao sa nararapat at pagkilala sa mga nilalang na naninirahan hindi bilang halimaw, kung hindi bilang tagapagtanggol nito.
(Latag ni Armina Juliana Guerrero/FEU Advocate)