iTatak Tamaraw: Isang Gabay para sa Tam Freshies

FEU Advocate
August 21, 2022 14:25


Nina Samantha Cheyenne Gail D. Pagunuran at Alexia Andrea M. Maravilla

Pagkatapos ng dalawang taon, nagbukas na muli ang pinto ng Far Eastern University (FEU) sa pagbabalik ng face-to-face classes. Maituturing ito na isang panibagong kabanata para sa karamihan ng Tamaraws lalo pa’t online classes ang nakasanayan nila sa loob ng halos pitong semestre—kasama na ang mid-year

Noong ika-21 ng Enero 2020, dumating sa bansa ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) at idineklara ito ng World Health Organization (WHO) bilang pandemya noong ika-12 ng Marso sa parehong taon.

Kinailangan ng mga eksperto at gobyerno ang pakikiisa ng sektor ng edukasyon sa pagbalangkas ng alternatibong modalidad ng pag-aaral upang magpatuloy ito kasabay ng pagtiyak sa kalusugan at kaligtasan ng lahat.

Sa kabila ng limitasyong dala ng pandemya, ang institusyon ng FEU ay nagsagawa ng masusing pagsasaayos at mga patakarang tungo sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa kampus. Kaya naman, ibinahagi ng 4th year Tamaraw students sa mga baguhang mag-aaral ang kanilang mga karanasan sa Unibersidad bago ang pandemya upang gisingin ang pagiging tunay na Tamaraw.

Partisipasyon sa mga Organisasyon

Higit sa akademikong kakayahan, tatak ng pagiging isang Tamaraw ang pagkakaroon ng malalim na adbokasiya sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa institusyon para sa ikabubuti ng kanilang mga kamag-aral. 

Kabilang dito ang FEU Student Central Organization (FEUSCO), ang konsehong pangkalahatan na kinakatawan ang core values ng Unibersidad na Fortitude, Excellence and Uprightness. Nariyan din ang mga konseho sa ilalim ng iba’t ibang departamento at institusyon ng FEU. 

Higit pa rito, maaaring ipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang mga kakayahan sa pamamagitan ng pagsali sa iba’t ibang pangmalawakang organisasyong tanging Tamaraws lamang ang nabibigyan ng pagkakataong makalahok at magpakitang gilas.

Samantala, ilan sa mga University-wide organizations ay ang FEU Esports (TamsFX), The FEU Advocate, Red Cross Youth Council (RCYC), Oratorical and Debate Council (ORADEC), Sexuality and Gender Alliance (SAGA), College Y Club at marami pang iba na maaaring makilala at salihan sa pagsisimula ng panibagong akademikong taon. 

Hindi lamang basta “extra-curricular activities” ang mga ito sapagkat bawat isa sa mga organisasyong nabanggit ay nagbibigay oportunidad sa mga Tamaraws na mapalawak pa ang sakop ng kanilang kaalaman at kakayahan sa larangang nais nilang tahakin. 

Binigyang-diin ng isa sa mga Senior Tamaraw at Pangalawang Pangulo ng FEUSCO na si Gabryelle Aliza Samonte na hatid ng mga University-wide organizations ang pagkakataong bumuo ng isang matatag na samahan at pagkakaibigang hindi matatawaran sa kabila ng pagkakaiba ng kursong kinuha.

“Ang mga organisasyong ito, ang mga taong nakapaligid sa akin, ay naging instrumento sa paglinang ng aking katapangan,” pagbabahagi ni Samonte.

Sa Dakong Mapag-aralan, Masiglang Kinabukasan

Maliban sa pakikilahok sa iba’t ibang organisasyon, hangad ng isang Tamaraw ang maunlad na hinaharap. Bitbit ang kanilang mga libro at pangarap sa buhay, handa na silang muling harapin ang mga pagsusulit, presentasyon, at mga aktibidad sa napipintong face-to-face classes

Ilan sa mga paboritong tambayan ng mga Tamaraws sa oras man ng pag-aaral o pagpapahinga ay ang FEU Library, Gazebos, at FEU Plaza.  

Matatagpuan sa ikatlong palapag ng Nicanor Reyes Hall (NHR) ang pugad ng mga masisipag at determinadong Tamaraw Students, ang FEU Library. Hatid nito ang tahimik at mapayapang lugar para sa mababagsik at masidhing kaisipang nagsisiklab sa pagkakataong mag-aral at matuto. 

Ayon kay Lanz Jolo Dela Cruz, isang fresh graduate mula sa Bachelor of Arts in Political Science, epektibo ang mga pasilidad ng FEU Library dahil tahimik at nakakapagpokus siyang mag-aral dito.  

Higit pa sa pagiging tahimik na lugar, ang FEU library ay para din sa mga Tamaraws na nais magpalipas-oras sa pagitan ng mga bakanteng klase. Kung nais namang mag-alay ng mataimtim na dasal, tahakin ang direksyon patungo sa harapan ng Unibersidad kung saan matatagpuan ang FEU Chapel. Maliban dito, hindi dapat kaligtaan ang lugar na siyang saksi sa kwento ng pag-ibig, pag-asa, at kasiyahan sa buhay kolehiyo ng mga Tamaraws—walang iba kundi ang FEU Plaza. 

Sandigan ng Magkakaibigan

Hindi na lingid sa kaalaman ng nakararami ang suliraning kinaharap ng Tamaraws kamakailan lamang sa paunahang pagkuha ng magandang iskedyul para sa darating na semestre. Tugma man o hindi ang mga oras ng magbabarkada, paniguradong magtatagpo at magtatagpo ang mga bakanteng pagkakataon upang sila ay magsama-sama.

Maliban sa FEU Library, Gazebos, at FEU Plaza, karaniwan ding tinatambayan ng mga Tamaraws ang freedom park, pavilion, at grandstand

Mula sa NRH, sa harap ng Science Building matatagpuan ang Gazebos, ang natatanging pook para sa mga Tamaraws na hangad ang ideya ng open space. Sa lugar na ito, higit na madarama ang sariwang hangin at ang init na haplos ng araw na nagbibigay ng kapanatagan sa busy life ng mga Tamaraws.

I think experiencing the open space of FEU, in general, is one thing an upperclassmen would always get back to and something that the freshies should make the most out of (Sa tingin ko, ang maranasan ang open space ng FEU, sa pangkalahatan, ay isang bagay na palaging babalikan ng mga upperclassmen at isang bagay na dapat sulitin ng mga freshie),” saad ni Samonte.

Mungkahi naman ni Luisa Erika D. Canieta, isang 4th year student mula sa Bachelor of Science in Medical Technology (BSMT), nakagawian nilang puntahan ang library para sa kaunting social interactions. Madalas din ang kanilang pagtigil sa open spaces ng FEU kung saan maraming nakapalibot na upuan at mga halaman.

“Freedom park and chapel if you ought to have a peaceful and relaxing mind for the day.  PAV for friends and other social interactions (Freedom park at chapel kung nais mong magkaroon ng mapayapa at nakakarelaks sa pag-iisip para sa isang araw. PAV para sa mga kaibigan at iba pang pakikipag-ugnayan) ,” paglalahad ni Canieta.

Bukod sa mga ito, bumuo ng bagong abenida ang FEU na tinatawag na “The Huddle”. Ito ay isang malaking silid na mayroong iba’t ibang upuan at lamesa na matatagpuan sa Education Building. Layunin nitong pag-isahin ang mga student-lider ng FEU sa pagbuo ng mga proyekto at kaganapan para sa mga Tamaraws.

Mga Pagpipiliang Kainan

Araw-araw, nag-iiba ang desisyon ng mga mag-aaral sa kung ano ang nais nilang kainin para sa “cravings satisfied” o dahil sa kanya-kanya ring sitwasyon. Kadalasan, lalagpas ng walong oras ang pananatili sa Unibersidad dahil sa oras ng klase, kaya nararapat lamang na humanap ng mga pagkain at inumin na swak sa badyet. 

Kung hanap mo ay mga budget meals, sulit sa sarap ang mga pagkain sa mga kantina sa loob ng FEU. Marami-rami ang iyong pagpipiliian sa iba’t ibang kainan rito—nariyan ang Accounts, Business, and Finance Building (ABB) Canteen, Tayuman Canteen (Science Building), Nicanor Reyes Hall (NRH) Canteen, Cafe’ Alfredo, at FEU Food Court (Technology Building)

Para sa mga lutong ulam at meryenda gaya ng pansit, pasta, at Potpots, maaari kang pumunta sa ABB Canteen at NRH Canteen. Bukod doon, binabalik-balikan din ang ABB Canteen dahil sa kanilang mga timpladong mga inumin katulad ng lemonade at coffee jelly. At hindi naman magpapahuli ang Tayuman Canteen kung saan matatagpuan ang sikat na sisig rice, madaling bitbitin na mga breakfast rice bowls, at abot-kayang mango graham shake at iskrambol.
At noong nakaraang buwan lamang, ang Cafe’ Alfredo ay muli ring binuksan. Tanyag sila sa kanilang pasta, breakfast meals, at iced coffee drinks. Ito ay matatagpuan sa unang baitang ng Alfredo Reyes Hall. Bilang preparasyon sa kanilang internship, ang nagseserbisyo rito ay mga mag-aaral mula sa Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management (BS HRM).  

Siklab ng Tatak Tamaraw

Pasiklabin at damhin ang pagiging tunay na Tamaraw sa pagsama sa dalawang nakakapanabik at hindi malilimutang kaganapan bawat taon sa loob ng Unibersidad—ang Tatak Tamaraw at ang One Concierto.

Hatid ang patikim sa buhay kolehiyo, ang Tatak Tamaraw ay isang takda ng pagsisimula ng bagong taon sa FEU. Kasama sa kaganapang ito ang Institute Orientations, Campus Tour, at Welcome Fest. Narito rin ang mga masasayang aktibidad tulad ng Tam Challenges at Tam Hunt na sumasalubong sa mga Tamaraw Freshmen taon-taon.

Hatid ng mga aktibidad na ito ang mga hindi malilimutang karanasan. Higit pa rito, isang magandang pagkakataon ang Tatak Tamaraw upang bumuo ng mga bagong pagkakaibigan na magiging daan sa mas makabuluhang buhay kolehiyo.

Maliban sa Taktak Tamaraw, isa rin sa mga inaabangan ay ang One Concierto kung saan iniimbitahan ang iba’t-ibang local bands upang maghatid ng saya at tugtugan. Bukod sa saya, ang One Concierto ay isa ring ‘Concert for a Cause’ dahil hatid nito ang magandang mithiin para sa napiling charity o foundation ng Unibersidad. 

Ang One Concierto ang maituturing na highlight sa FEU Foundation Week kung saan nagbibigyang pagkakataon ang mga mag-aaral na makapagpahinga mula sa pag-aaral at makihalubilo sa kanilang kapwa Tamaraws. Isa ang nasabing pagdiriwang sa mga highlight ng buhay kolehiyo ng bawat Tamaraw dahil sa pagkakataong makapagpahinga at makisaya kasama ang barkada gaya na lamang ni Dela Cruz.

“Ito [One Concierto] yung highlight ng foundation week sa FEU kung saan pwede kayo mag bond ng friends mo. Sa dulo, lagi rin inaabangan yung fireworks,” saad ni Dela Cruz  

Ngayong nagbalik na ang face-to-face classes, simula na ng panibagong kabanata para sa mga Tamaraw Freshmen.  Iba-iba man ang mga kanilang pagdadanan at magiging karanasan sa loob ng apat na taong pananatili sa Unibersidad, hindi maikukubli na nasa iisang haligi lamang ng FEU ang kanilang magiging pangalawang tahanan—na siyang magbibigay-daan upang maging produktibo at matagumpay ang kanilang hinaharap.

(Litrato nina Alexzhis Mark Belga, Ralph Mari Castro, at Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)