3 FEU Tams, humataw ng double-digit points laban sa Ateneo
- August 04, 2024 16:14
FEU Advocate
December 02, 2021 04:00
Nina Grace Roscia O. Estuesta at Agustin F. San Andres, Jr.
Sa sinaunang alamat, pinaniniwalaan na hango ang pangalan ng Ilog Pasig sa isang mayuming dalagang nagngangalang Paz. Isang gabi habang namamangka kasama ang Kastilang binata, bumaliktad ang bangkang lulan silang dalawa. Sa pagsigaw ng binata ng katagang “Paz, sigueme! (Paz, tulungan mo ako!),” hatid ng masalimuot na pangyayari ay ang paglutang ng mayamang kasaysayan at pagkakakilanlan ng Ilog Pasig.
Ngayong ang alaala naman ni Paz ang humaharap sa rumaragasang agos ng modernisasyon, mapanatili pa kaya nito ang mga alaala ng makasaysayang Ilog Pasig?
Pagragasa ng PAREX
Nitong nakaraang mga buwan, tila nag-iba ang agos ng tubig sa Ilog Pasig. Ang dating payapang daloy ng tubig ay napalitan ng rumaragasang pagdaloy ng modernisasyon na unti-unting nagiging banta sa mayaman na kasaysayan ng ilog.
Noong Setyembre 11, pormal nang nilagdaan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang Supplemental Toll Operations Agreement (STOA) para sa 19.37 na kilometrong Pasig River Expressway (PAREX)—na isa sa mga hakbang upang mailunsad nang tuluyan ang P95 bilyong proyekto ng San Miguel Corporation (SMC).
Kahit pa man naghain ng pagtutol ang oposisyon na pinangungunahan ng AltMobility PH at iba pang mga organisasyon, naituloy pa rin ang groundbreaking ceremony noong Setyembre 21 ng six-lane expressway na naglalayong “padaliin” ang pagbiyahe mula sa kanluran at silangang bahagi ng Metro Manila.
Sa isang petisyon na may higit 18,000 na lagda, inilahad ni Hyacenth Bendaña ng Move As One Coalition na nagpadala sila ng labing-apat na liham sa TRB subalit ang nakuha lamang ng grupo ay walang katiyakan na tugon.
“Walang nailabas na malinaw na detalye tungkol sa buong technical requirements para sa pag-apruba ng TRB sa proyekto; maging ang piskal, ekonomikal, at pangkalikasang epekto ng PAREX,” pagbabahagi pa nito.
Daloy ng Pagtindig
Sa pakikipagpanayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Jedd Ugay, isang transport economist at chief mobility officer ng AltMobilityPH, na nararapat lamang na hindi matuloy ang pagtatayo ng PAREX dahil nakalipas na ang basehan ng pag-unlad na nakabatay sa mga imprastraktura.
“Since nakita na natin na 'yung mga ibang bansa nagbe-veer away na or umiiwas na sa ganitong proyekto, bakit tayo ginagawa pa rin natin?” dagdag nitong pahayag.
Samantala, ipinaliwanag din ni Ugay ang mga negatibong epekto na dinudulot ng pagtatatag ng expressway sa kabuhayan ng mga tao pati na rin sa daloy ng trapiko.
“...for example, dumaan ka sa mga areas na may expressway, [kung mapapansin] medyo patay sa baba, parang 'yung business sa baba, mahina; walang masyadong vibrancy sa ilalim. Tapos, dumadami lang din ang traffic volume... kasi kapag [mayroong] mas maraming road, parang signal 'yun sa tao na bumili na lang din ng sasakyan," pagpapalawig ni Ugay.
Sa kabilang banda, nagpakita naman ng pagkadismaya sa proyektong ito si Jamae Estrada, 21 taong gulang at apat na taong residente ng Pasig. Ayon dito, kahit pa man may magandang maidudulot ang PAREX, hindi maiiwasan ang kalakip nitong pinsala–lalo na sa mga naninirahan sa Manggahan Floodway at sa mga tulad nitong naninirahan malapit dito.
“Pinakamakakaapekto ito sa akin at [sa mga] residente ng Pasig pagdating ng baha, dahil maapektuhan at makokompromiso nito ang aming floodway, at paniguradong bago maisagawa ang proyektong ito ay maraming maapektuhang squatters na hindi naman nabibiyayaan ng kakayahang bumili o magrenta ng kanilang sariling tahanan,” turan nito.
Nagbigay rin ng parehas na pananaw si Jun Rey Tabarno, direktor para sa outreach ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Society of Biology Students. Kaakibat aniya ng proyekto ay ang pinsala sa kapaligiran at pampublikong kalusugan. Dagdag pa ni Tabarno, ang pagpapatuloy ng PAREX ay hudyat ng tuluyang pagkamatay ng saribuhay ng ilog, at indikasyon ng hindi maka-masang tugon sa problema ng transportasyon sa bansa.
Ngayo’y ang mga alaala ni Paz at ng Kastilang binata ang nagbabantang malunod, ang pwersa ng mga naninirahan sa loob at labas ng Pasig ang magsisilbing boses upang masagip ito sa mapaminsalang daluyong hatid ng proyekto.
Pagsalba sa Mapaminsalang Daluyong
Batay sa mga oposisyon ng proyekto, may mga alternatibong maaaring gawin upang ayusin ang daloy ng trapiko at linisin ang Ilog Pasig. Sa halip na expressway, ang konkretong suhestiyon na nakikita ni Ugay ay ang pagtatayo ng esplanade gaya ng itinatag sa Iloilo dahil aniya mas mura, maka-masa, at sustainable ito.
"Ganito na lang, kaysa 'yung damaging pa sa urban life na expressway. Plus, kung kaya i-revive pa 'yung river ferry. Kung kaya ng Iloilo, kaya rin dapat ng Maynila,” pagtatapos ni Ugay.
Umayon din sa rekomendasyon na ito si Tabarno, pati na rin ang PUP Society of Biology Students, sa pagsusulong ng Pasig River Esplanade (PARES) kaysa sa mapaminsalang PAREX. Dagdag pa nito, mahalagang bigyang-pansin ng pamahalaan ang larangan ng agham at teknolohiya.
Sa isang artikulong nailathala sa The Manila Times, binigyang-diin naman ni Robert Siy, isang ekonomista, city at regional planner, ang mga dulot ng mga expressway sa ibang bansa. Isa na rito ang pagluwag ng daloy ng trapiko at pagbilis ng oras ng paglalakbay.
Dagdag pa nito, napatunayan nang “false promise” at magdudulot pa ito ng problema sa pamana ng kasaysayan, pampublikong kalusugan, kalikasan at iba pa.
Sa daloy ng modernisasyon, tunay na ang pag-akay sa kasaysayan, kalikasan at kabuhayan ay nararapat bigyang-pansin—kasama pa ang kaunlaran na bahagi rin ang mamamayan.
Bigyan nawa ng puwang ang kolektibong panawagan ng mamamayan at mga eksperto sa iba’t ibang larangan. Huwag nawa hintayin ng kinauukulan na sagipin ang nagdadalamhating ilog sa negatibong epektong namataan na.
(Ilustrasyon ni Jazmine Merry Veluya/FEU Advocate)