Human rights group, nanawagan sa pagpapalaya ng magsasakang kinasuhan sa Negros

FEU Advocate
October 21, 2024 21:14


Ni Mark Vincent A. Durano

Nanawagan ang mga grupong pangkarapatang pantao sa pagbabasura ng pag-aresto sa 63 taong gulang na magsasakang si Jose Puancing sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Jonob-Jonob, Lungsod ng Escalante sa Negros Occidental noong ikapito ng Oktubre.

Kasabay ng panawagan upang palayain ng mga grupo si Puancing ay ang paggunita sa Buwan ng mga Pesante ngayong Oktubre.

Pinaratangan ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang magsasaka ng iligal na posesyon ng mga armas at pasabog pati ang pagsuporta sa New People’s Army.

Nagmula ang aresto sa warrant na inilabas noong 2019 sa kasagsagan ng ‘Negros Crackdown’ noong rehimeng Duterte matapos ang sunod-sunod na mga raid sa mga progresibo sa Bacolod at Escalante.

Inilabas ito ni Regional Trial Court Branch 89 Judge Cecilyn Burgos-Villavert na binansagang “warrant factory” buhat ng mga sunod-sunod na pagpatong ng mga kaso laban sa mga aktibista.

Matatandaang nasa likod ng hindi bababang 59 search warrants ang iginawad ni Burgos-Vilavert noong 2019 sa Negros, kabilang ang ilang mga menor de edad.

Kaakibat naman nito ang pagbabasura ng korte sa ilang mga desisyon dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya at hindi pagkakaayon ng mga maayos na naratibo ng AFP. 

Ayon sa grupong KARAPATAN, isiniwalat ng PNP na mayroong natagpuang mga baril, bala, at pasabog sa bahay ni Puancing.

Isinaas nila na wala naman ang magsasaka noong pinasok ng kapulisan ang kaniyang tahanan.

Iginiit naman ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) na itinanim lamang ito sa kaniyang bahay kabilang ang 40mm rifle grenade.

Kinondena naman ng KARAPATAN ang awtoridad ni Burgos-Villavert na naglalabag umano ng mga karapatang pantao.

Until now, her abuse of power of authority continues to deny freedom and violate the rights of people like Puancing. She is unfit to hold any higher position in the judiciary, being complicit to rights violations against numerous persons, as a lower court judge. Villavert should be held accountable for these rights violations, to render justice for all victims,” saad ng kanilang pahayag.

Ayon sa HRAN, pangarap lamang ni Puancing ang magkaroon ng mas magandang buhay sa gitna ng kanyang pakikibaka para sa pagtaas ng sahod at benepisyo sa 200-hektaryang lupain.

Si Puancing ay ang Tagapangulo ng Paghili-usa sang mga Obrero sa Barangay Jonob-Jonob, lokal na organisasyon ng mga magsasaka sa kanilang lugar.


(Litrato mula sa Human Rights Advocates Negros)