Hinihintay na kanlungan ng mga Ligaw sa lansangan

FEU Advocate
December 03, 2024 11:48


Ni Hanz Joseph B. Ibabao

Makikita sila sa gilid ng kalsada, ang iba nasa may eskinita, o sa tabi ng isang kainan at nagkakalkal ng basurahan—mga aso at pusa na nagbabakasakaling may matagpuang pupuno sa kumakalam nilang tiyan. Hindi naman karangyaan ang kanilang kahilingan, sapagkat kalinga at totoong kanlungan ang kanilang kailangan. Sa mundong inilikha para sa lahat ng nilalang, nararapat na magkaroon rin ang mga hayop ng pamilyang tunay na kakalinga at gagalang sa kanila.

Mga ligaw sa daan 

Nagugutom, nanlalamig, at kadalasan ay pinagmamalupitan — ito ang ilang kondisyong nararanasan ng mga aso at pusang walang maayos na kanlungan.

Araw-araw nilang binabaybay ang walang habag na lansangan, mga nasa bingit ng kapahamakan sa maaaring pang-aabuso ng mga taong walang malasakit at kulang sa kaalaman.

Sa inilabas na datos ng Philippine Animal Welfare Society, tinatayang nasa 12 milyong mga aso ang nasa lansangan. Samantala, ang isang babaeng pusa naman ay maaaring maging dahilan ng isang kolonya na aabot sa 30 ligaw na pusa sa loob lamang ng isang taon. 

Makikita sa mga numerong ito kung gaano karami ang mga aso at pusang nagtitiis sa lamig, init, at nanganganib ang buhay dahil sa mga matitinding hagupit ng panahon.

Batay sa panayam ng FEU Advocate sa isang mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) at pet owner na si Yliana Vasquez, patuloy ang pagdami ng mga pusa at aso sa lansangan dahil sa ilang mga taong nagiging pabaya sa pag-aalaga sa kanila. 

“Sa tingin ko, kaya patuloy na [dumarami] ang stray animals [ay] dahil sa mga taong hindi kaya panindigan ang kanilang mga alaga, katulad na lang ng iba na kapag lumaki ‘yung aso or may nasirang gamit ‘yung aso, sa tingin nila wala nang kuwenta kaya itatapon o ililigaw na lang nila,” aniya. 

Dagdag pa ng mag-aaral, patuloy ang pagdami ng mga aso at pusang nasa lansangan sapagkat ang iniligaw o inabandonang alaga ay hindi pa nakakapon.  

Ayon kay Marc Salanatin, pangulo ng FEU Tameowraws, isang samahan na naglalayong itaguyod ang kapakanan at nagbibigay kalinga sa mga hayop, nakalulungkot isipin na maraming mga hayop ang nalalagay sa sitwasyong hindi disente. 

Idiniin niya na ang pagdami ng mga hayop sa lansangan ay dahil sa reactive interventions tulad ng paghuhuli sa mga stray animal ng mga lokal na pamahalaan na walang kahit na anong plano para sa ikabubuti nila. Bunsod nito, nagkakaroon ng malawakang euthanization dahil walang maayos na sistema ng pag-a-ampon para sa kanila.

Iminungkahi niya ang mga pamamaraang tulad ng TNVR (Trap-Neuter-Vaccinate-Return) bilang isang epektibong solusyon sa nasabing suliranin.

Dagdag pa ni Salanatin, bukod sa pagpapabagal ng pagdami ng mga stray, masisiguro rin ng TNVR na maliligtas ang mga ito mula sa mga sakit na maaaring maipasa sa tao. 

Ipinaliwanag din ng lider-estudyante na maraming aspekto ang isyu kaugnay ng kapakanan ng mga stray animal. Kabilang na rito ang kakulangan sa polisiya na sisiguro at magpapanatili ng kanilang kaligtasan.

“Idagdag na rito ang stigma pagdating sa mga aso at pusa mula sa lansangan na nagdudulot ng negatibong perception at nagiging sanhi ng hesitance ng mga Pilipino na mag-adopt ng Aspin o Puspin papunta sa kanilang mga tahanan,” turan niya. 

Para naman kay Eiralih Divina, isa ring mag-aaral mula sa FEU at isang pet owner, dahil napakaraming stray cats at iba pang hayop sa mga lansangan ng bansa, marami sa kanila ang humahantong sa euthanasia na nagiging sanhi ng pagkamatay nila. 

“Hindi sila nagkakaroon ng life. They also have lives just like those breeded pets na binebenta for thousands of [pesos]. Katulad ni Tammy [alaga niyang pusa], ina-abuse ‘yung iba which is the main problem din,” pagdidiin ng mag-aaral. 

Mauunawaan mula sa mga nailahad na sentimyento na hindi lamang gobyerno ang may pananagutan hinggil sa kalagayan ng mga aso at pusang nasa lansangan. Sapagkat, may kaukulang responsibilidad at pananagutan din ang mga mamamayan. 

Mahalagang maunawaan na ang kaligtasan at kapahamakan na maaari nilang maranasan ay batay sa dikta ng ating kilos at intensiyon. Sa madaling salita, nasa desisyon at pagtrato natin kung makararanas sila ng masalimuot na sitwasyon.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Roberto Baya, Corporate Secretary at isa sa Board of Trustees ng Philippine Society for the Prevention of Cruelty to Animals (PSPCA) sa hiwalay na panayam na ang patuloy na pagdami ng mga aso at pusa sa lansangan ay maiuugnay sa kapabayaan ng iilang Pilipino at ng estado.

Especially kapag puppy, ang cute, ‘di ba… so ‘yung iba magbibigay sa’yo… Kung imported binibili, ano? Pero ‘yung mga asong ordinaryo ‘pag maliit pa lang kahit na iskuwater area ‘yan, gusto nila mayroon silang [alaga], pero ano ‘yung gagawin nila [kapag] lumaki na? Hindi naman nila kinukulong ‘yan, eh, hindi nila tinatali, pinapabayaan nila dumumi sa kalye. Hanggang sa ‘pag nagkaroon ng kaunting sakit… itataboy na,” aniya. 

Ningas-kugon kung maituturing ang mga nagpapanggap na may malasakit sa hayop. Gandang-ganda sila noong una, ngunit paglipas ng panahon at nagkasakit na, itataboy na lang na parang langaw sa lamesa. 

Kaya mapagtatanto na hindi lang dapat dahil gusto o kaakit-akit ang isang hayop kaya nagnanais mag-alaga. Nararapat na alam ng mga gustong mag-ampon na malaki itong responsibilidad na kinakailangan ng matinding pasensya at paninindigan. 

Kakulangan sa kaalaman, mahinang pag-alalay ng pamahalaan 

Mainam na maunawaan na ang pagdami nila at ang nararanasang hirap at kapahamakan ay nag-uugat sa kakulangan sa kaalaman ng mga tao, at mahinang pagpapatupad ng batas ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Baya na mayroong batas na umiiral na nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop, kabilang dito ang Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act of 1998. 

Sa batas na ito, ipinagbabawal ang pagpapahirap sa kahit na anong hayop, pagpapabaya sa pagbibigay ng sapat na pangangalaga, pagmamalupit sa kanila, at iba pang katulad na gawain. 

Ngunit sa kabila ng batas na ito, mapapansin ang patuloy na pagdurusa nila, partikular na ng mga naninirahan sa lansangan—tanda na hindi malawakan ang pagpapatupad nito.  

Kaya naman nananagawan si Baya na dapat ibaba ng pamahalaan sa mga barangay ang mga polisiyang nangangalaga sa mga hayop at ipatupad ito. 

“Ibaba sa mga barangay, kasi barangay is the lowest government unit eh. Nandoon ‘yan direkta na sa tao ‘yan, eh. Ibaba nila ‘yan, ipatupad ‘yang batas na ‘yan. ‘Pag hindi wala kang makikitang mga ganiyan [mga aso at pusa na nasa lansangan],” aniya.

Dagdag niya, alinsunod sa nakasaad sa batas, dapat nakarehistro ang mga nag-aalaga at ang mga alaga nila sa barangay at dapat mag-multa ang sino mang pet owner na hahayaan ang kanilang alaga sa lansangan - 500 piso kada paglabag.

“... Kasi ‘yun lang pinabayaan mo ‘yung aso mo tapos puro ano, nakagala, that is cruelty. That is punishable by law (Iyan ay may karampatang parusa sa batas),” turan niya. 

Mula rito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapaigting ng mga polisiya sa mga barangay. 

Bukod sa mahinang implementasyon o hindi pagpapatupad ng batas sa ilang mga barangay, maiuugnay rin sa kakulangan sa kaalaman ng mga tao ang patuloy na paglala ng isyung ito.

Ayon kay Baya, hindi alam ng iba na mayroong batas na nagbibigay-proteksiyon sa mga hayop. 

“‘Yung iba nga magugulat ‘pag nakasuhan pa sila, eh,” sambit niya. 

Ibinahagi rin ni Baya ang pagkakataon na nagbigay siya ng lecture para sa halos 500 na mga elementary students sa Lungsod ng Baguio. Sa kaniyang pagtuturo sa mga mag-aaral, natuklasan niya na maraming mga bata at guro sa nasabing lungsod ang kumakain ng aso.

Kaugnay nito, dapat maunawaan na bukod sa ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta ng karne ng aso, delikado rin itong kainin dahil hindi ito dumadaan sa tamang pagsusuri ng karne. Maaari itong magdala ng sakit tulad ng rabies na maituturing bilang isang banta sa buhay ng tao.

Kaya naman sa sitwasyong ito, nararapat lang na mas paigtingin pa ang pagpapatupad ng batas ng gobyerno at mas palawakin pa ang pagbibigay-kaalaman sa mga tao, lalo na sa kabataang Pilipino. 

Mula sa puso at responsableng pagkupkop

Napakahalagang tandaan, hindi lang basta laruan ang mga hayop na maaaring pabayaan kapag hindi na nagugustuhan. Hindi rin sila bantay na hahayaang nasa labas lang ng bahay at mas lalong hindi sila pagkain na maaring kainin. Nararapat na ituring silang pamilya, hindi isang bagay na kahit anong oras maaaring pabayaan o abusuhin. 

Kaya naman batid nina Salanatin, Vasquez, Divina, at Baya ang kahalagahan ng pag-aampon sa mga nangungulila at walang maayos na kanlungan. 

Ayon kay Salanatin, pinalalakas ng pagbili at pagbenta ng mga alagang hayop ang ideya na mas maganda at maayos ang mga pusa at asong may breed.

“Dahil dito, nagiging talamak ang inhumane breeding sapagkat ang pag-aalaga ng mga hayop ay nagiging business na lamang para sa iilan,” aniya. 

Sinang-ayunan naman ito ng pahayag ni Vasquez na ipinaliwanag kung paano nakatutulong ang pag-aampon upang mabawasan ang mga aso at pusang nasa lansangan na nakalinya para sa euthanasia.

Idiniin naman ni Divina ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga susunod na henerasyon ng pagmamahal sa mga hayop, lalo na iyong mga nasa lansangan. 

“Ang pag-aampon o pagbili ng mga pets ay hindi parang laruan lang na ‘pag hindi na kaya, itatapon o papamigay na. Lifetime commitment sila. The moment you have them, for lifetime na ‘yun,” aniya. 

Ayon naman kay Baya, napakahalaga na dapat responsable, hindi lang mapagmahal, sa hayop ang isang taong nagbabalak mag-ampon. 

Katulad ng isang sanggol, ng isang tao, may buhay rin ang mga hayop gaya ng pusa at aso. Hindi man sila marunong magsalita, ngunit, alam nila kung paano maging tapat sa mga taong nagkakalinga sa kanila. Higit pa, sila ay mga tunay na katuwang sa buhay—sa hirap at ginhawa. 

Kaya’t napakahalaga na makiisa tayo sa mga organisasyong nagmamalasakit sa mga hayop, magpalaganap ng mga kaalaman ukol sa responsableng pag-aalaga, at isulong ang mga polisiyang magbibigay proteksiyon sa kanila. Sa ganitong paraan, mabibigyan sila ng bagong pag-asa at kanlungan na maituturing nilang isang mapagmahal na tahanan. 

(Dibuho ni Abilene Reglos/FEU Advocate)