Halimaw sa Arawan

FEU Advocate
May 11, 2022 11:41


Ni James Pascua

Isa, dalawa… tatlong katok.


‘Tao po?’, sambit ng sigbin na nakangisi. 

Mahusay itong nakarating gamit ang liksi—

liksing nalikom mula sa pahintulot

ng mga traydor na umani ng konting kurot.


Sa husay nito na lantarang manloko,

Dahan-dahan mong binuksan ang pinto,

Bumungad sa iyo ang masangsang na amoy

at siguro’y naisip mong huli na para ito’y itaboy.


Agad niyang sinunggaban ang iyong leeg,

Nais nakawin ang iyong boses na nanginig.

Sipsip ang dugo mong pulang-pula,

Ngayo’y tiwala siyang wala ka nang kuda.


Ngunit siguro ay nakalimutan niya na rin,

Dala ng kumpiyansa sa maduming hangarin,

Kahit na ika’y nanghihina, lumaban ka pa din

dahil ang tumitindig ay pagpapalain! 


Sa malawak at makasaysayang lansangan,

Ika’y makibaka—kinabukasan mo’y bantayan.

Bitbit ang mga matutulis na sibat ng katotohanan,

Sa muling pag-awit, manilbihan ka—para sa bayan!