Sterling
- May 21, 2016 23:37
FEU Advocate
August 22, 2024 18:33
Ni Mark Vincent A. Durano
Tinugunan ng Far Eastern University Faculty Association (FEUFA) Labor Union ang hinaing ng mga regular full-time (RFT) na miyembro ng faculty ukol sa kanilang mga ranggo at teaching load sa ginanap na General Assembly sa Mini Auditorium noong ika-16 ng Agosto.
Inaasam ng FEUFA na linawin ng management ang mga napansing “insertion” sa instrumentong ginagamit upang matukoy ang ranggo ng isang empleyado simula 2014.
Ayon sa mga kasapi, hindi nagkaroon ng diskusyon at konsultasyon sa mga guro ukol dito.
Isang halimbawa ang pagdeklara ng hindi bababa sa dalawang nailathalang research sa mga publication venue na may “editorial integrity at reputasyon” base sa University Publications Committee para maging assistant professor.
Inilahad din ng ibang miyembro na wala sa unang instrumento ang batayan para sa Instructor IV-A, IV-B, IV-C, at IV-D na sana ay mas mataas ang ranggo sa imumungkahing bagong instrumento.
Sa ginawang survey ng FEUFA na sinagutan ng 227 faculty, makikitang 101 ang may katayuan bilang lecturer, 62 ang assistant professor, 55 ang associate professor, at 9 ang professor.
Para sa mga empleyado ng FEU, mahirap makamtan ang mga pamantayan upang ma-promote.
Lumitaw rin sa parehong survey na karaniwang saloobin ng faculty sa lumang instrumento ang kawalan ng klarong komunikasyon, pagdiin sa mga publikasyon, pagsubok sa promosyon, pagkakaiba ng sahod, at pangangailangan ng rebisyon at konsultasyon.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng Pangulo ng FEUFA at assistant professor mula sa FEU Department of Communication na si Karen Lee Panela na limitado ang oras ng mga guro upang makapagsagawa ng mga pag-aaral sa kabila ng mataas na demanda ng kanilang mga teaching load.
“Paano pa namin isisingit? Kaya gusto namin siyang ilatag na bawasan naman natin ‘yung minimum units na kung gusto n’yo kami talaga mag-research, ‘wag naman kami bigyan ng [maraming units],” aniya.
Isinaad niya na 12 units lang ang mayroon sa bawat empleyado sa ibang mga institusyon, gaya ng De La Salle University at University of the Philippines, kung saan mas maluwag silang nakapagsasaliksik.
Saad din ng pangulo na hindi garantisado ang pag-deload ng mga faculty kapalit ng oras na ipanggugugol sa research. Sa kasalukuyan, nakabatay pa rin sa University Research Center kung gaano karaming units ang mababawas sa isang empleyado ayon sa pagiging komplikado ng pag-aaral.
Mayroong katumbas na 27 units ang isang RFT sa unang semestre, kung hindi ito nagturo noong summer term. Ayon kay Panela, obligasyon ng Pamantasan na kumpletuhin ang 54 salary units nila pagdating ng ikalawang semestre.
Isa rin sa mga gustong ilinaw ng FEUFA ang pagtatakda ng mga overload sa bawat empleyado.
Sa hiwalay na survey ng asosasyon, 97 sa 174 na sumagot ang nabigyan ng overload noong A.Y. 2023-2024 habang 104 naman sa nakaraang taon nito.
Giit ng FEUFA, nakasaad sa Section 3 ng Article VI ng Collective Bargaining Agreement (CBA) na prayoridad ang RFT na makatanggap ng teaching load kumpara sa mga retiree, Department Chair, Associate Department Chair, at kontraktwal na lecturer.
Nilalaman ng CBA ang mga tuntuning napagkasunduan sa pagitan ng FEUFA at ng Unibersidad.
Dagdag pa rito, mayroong mga hindi regular na faculty ang nabibigyan ng overload kahit na sila ay dapat na makatanggap lamang ng 3 hanggang 14 units.
Ayon naman sa Section 35.1.a. ng Article VIII ng CHED Memorandum Order No. 40 Series of 2008, dapat may master’s degree ang mga nagtuturo sa kolehiyo. Pinahihintulutan din magturo ang mga may batchelors’ degree kung mayroon itong propesyonal na lisensya.
Karamihan ding hindi nakaangkop ang kanilang field of specialization at kinukuhang post-graduate studies sa mga kursong tinuturo na iginiit ng FEUFA na nagpapahirap sa promosyon.
Sa kabila ng memorandum, mayroong autonomous status ang FEU kaya maaari pa ring magturo ang mga hindi regular na lecturer sa ilang mga kurso.
“Tinanong ko na ito sa isang technical panel ng CHED [Commission on Higher Education], ang sinabi n’ya ay academic freedom. Kaya lang ang point (punto) ko lang din is dapat bago academic freedom, nami-meet (napupunan) muna ‘yung minimum requirement, and the (at ang) minimum requirement is (ay) dapat may MA [master’s degree] ang nagtuturo sa college,” dagdag ni Panela.
Nakatakda ang pangulo ng FEUFA na makipagpulong sa management ng Pamantasan upang isulong ang ilang mga ekonomikong pagbabagong kaakibat ng kanilang CBA sa unang araw ng Setyembre.
“There are economic benefits that we would like to request for improvement or upgrade and additional benefits… So it is strictly about economic benefits, so we cannot bargain or present any new benefit that is not economic (May mga ekonomikong benepisyo kaming gustong hilingin para sa pagpapabuti at dagdag na mga benepisyo… Ito ay mahigpit na tungkol sa aming ekonomikong benepisyo kaya bawal kami tumawad ng bagong benepisyo na hindi ekonomiko),” ani Panela.
Kabilang dito ang hiling ng pagtaas ng sahod, rice allowance, mga bonus, service award, scholarship, at iba pang may kinalaman sa pinansyal na kapasidad ng isang RFT.
Ginaganap ang CBA year tuwing dalawang taon upang magkaroon ng mga “re-negotiation” sa kasunduan.
Nagsisilbing gabay ang CBA para sa mga alituntunin at karapatan ng mga RFT simula noong Setyembre 2021 hanggang Agosto 2026.
(Kuha ni Zedrich Xylak Madrid/FEU Advocate)