FEU, unang beses nakapasok sa top 10 ng psychometrician boards

FEU Advocate
August 20, 2024 21:42


Nakamit ng Far Eastern University (FEU) ang ikasiyam na puwesto sa mga top 10 performing school sa unang pagkakataon sa August 2024 Board Licensure Examination for Psychologists and Psychometricians (BLEPP) na inanunsyo ngayong ika-20 ng Agosto.

Nagtamo ang FEU ng 80.21 porsyentong passing rate kung saan 308 mula sa 384 alumni ang magiging ganap na mga Registered Psychometrician.

Noong 2023, nakapagtala ang Unibersidad ng mas mataas na passing rate na 83.54 porsyento ngunit mas mababa ang bilang ng mga kumuha ng BLEPP kung saan 203 sa 243 ang pumasa.

Samantala, apat na Tamaraw ang napabilang sa top 10 examinees ng psychometrician boards.

Natamo ni Maricris Bueno ang ikatlong pwesto na may average na 86.8. 

Pumangpito naman sina Christabelle Jan Galvante at Jemimah Gonzalo na may 86 porsyentong iskor. Ikawalo naman si Ara Bansing na nakakuha ng 85.8 porsyentong rating.

Dagdag pa rito, nakapasa ang Tagapangulo ng FEU Psychology Undergraduate Studies Department na si Myra Landagan at faculty na sina Kathleen Joy Carizo, Bonn Justin Esguerra Jr., James Castillo, at Denise Ang sa pagsusulit para maging psychologist.

Isinagawa ang BLEPP sa mga testing center sa Metro Manila, Baguio, Cebu, at Davao noong ika-11 hanggang 12 ng Agosto.

- Kasharelle Javier
(Kuha ni Alyssa Andrea Quiogue/FEU Advocate)