​FEU, natamo ang unang talo sa V-League kontra DLSU

FEU Advocate
August 30, 2025 22:39


Ni Fibby Ann Mercado

Nabigo ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws laban sa De La Salle University (DLSU) Green Spikers, 27-29, 14-25, 25-12, 25-21,13-15, dahilan upang masira ang kanilang undefeated record sa 2025 V-League Men’s Collegiate Challenge ngayong gabi, ika-30 ng Agosto, sa Paco Arena ng Maynila.

Sa unang set pa lamang, matindi na ang labanan ng atake at depensa ng Tamaraws kontra Green Spikers nang tumagal ito ng halos 45 minuto, 27-29.

Sinubukan ng FEU na humabol sa ikalawang frame, ngunit nangibabaw pa rin ang opensa ng DLSU, 14-25.

​Nagsimula namang makabawi ang green-and-gold squad sa ikatlong set sa pangunguna ng malalakas na palo ni Dryx Saavedra at matibay na depensa ni Charles Absin. Matagumpay nilang nakuha ang frame sa malaking kalamangan, 25-12.

​Nagpatuloy ang mainit na laro ng Tamaraws nang makuha rin nila ang ikaapat na set sa iskor na 25-21, dahilan upang umabot sa ikalimang frame ang laban.

Kahit na dikit ang laban at maraming service error ang DLSU, nahirapan pa rin ang FEU na sungkitin ang panalo, 13-15. 

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng Morayta libero na si Vennie Ceballos kung paano naapektuhan ang kumpiyansa ng team matapos ang kanilang unang pagkatalo sa nasabing torneo.

"Siguro para sa amin, ‘yung laro kanina ay nagbigay ng wake-up call sa team na madami pa talagang bagay-bagay na chemistry sa loob ng court na mai-improve namin," aniya.

Pinangako naman ni outside hitter Amet Bituin sa FEU community na pagbubutihin pa ng koponan ang kanilang paglalaro sa mga susunod na laban.

"Kailangan nilang abangan ‘yung mas malinis pa namin na galaw, at ibibigay pa namin ‘yung pinaka-best namin hanggang sa huling set ng laro,” saad nito.

Pinangunahan ni Saavedra ang opensa ng Tamaraws nang may 21 puntos mula sa 19 na atake at dalawang block, habang nagpakitang-gilas din si Lirick Mendoza nang magtala ng 17 puntos at pitong block.

Kasalukuyang 3-1 na ang standing ng Tamaraws sa V-League, at sunod nilang lalabanan ang University of Santo Tomas sa ikaanim ng Setyembre sa parehong lugar.

(Litrato mula sa V-League)