FEU, nanalo laban sa UAAP 87 finals rival NU  

FEU Advocate
August 24, 2025 21:18


Ni Dwyane Harry L. Cabrera 

Sa muling pagkikita nila ng National University (NU) Bulldogs, nanaig ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws sa nagsilbing University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Season 87 finals rematch, 25-21, 25-20, 25-23, sa 2025 V-League Men’s Collegiate Challenge ngayong gabi, ika-24 ng Agosto, sa Paco Arena ng Maynila.

Sa dikdikang laban hanggang sa gitnang bahagi ng unang set, 12-12, nangibabaw sa opensa si Mikko Espartero kasunod ang matinding blocks mula sa Morayta squad na nagdulot ng apat na puntos. 

Winakasan ng Tamaraws ang frame matapos ang 4-0 streak gamit ang mabisang mga palo at service ace ni Bituin, 25-21.

Nakipagsagutan naman si Dryx Saavedra sa ikalawang set sa blue-and-gold squad nang umiskor siya ng siyam mula sa 15 atake ng green-and-gold team

Sa dikit na laban, 20-19, nagsagawa ng 5-1 run ang FEU na pinangunahan ni Saavedra at natapos sa error ng NU, 25-20.

Nagsalitan ng errors ang dalawang panig hanggang sa kalagitnaan ng huling frame, 12-12.

Agad namang nabawi ng Tamaraws ang kanilang momentum, na agad ding nasagot ng Bulldogs, 21-22.

Naging kritikal ang dalawang magkasunod na puntos ni Charles Absin sa pag-abante ng koponan sa ikatlong set, 23-22, bago ito natapos sa hampas ni Amet Bituin at attack error ng NU, 25-23.

Sa panayam ng V-League, isinaad ni FEU head coach Eddieson Orcullo na hindi dapat makampante ang koponan bagama’t nabawi ang kanilang talo noong UAAP.

“Siguro dapat magtrabaho pa kami. ‘Yung mga kalaro natin, kulang pa ng tao [dahil] nasa national team. Hindi pa natin masabi talaga kaya dapat pagtrabahuhan pa namin nang maigi. Kailangan hindi kami tumigil,” anito.

Nag-ambag si Saavedra ng 20 puntos mula sa 17 attack, dalawang block, at isang ace.

Hindi rin nagpahuli sina Bituin at Espartero na may tig-10 puntos matapos magtala ni Benny Martinez ng 16 na excellent set para sa maayos na opensa ng Tamaraws.

Mananatili ang win streak ng FEU na may 3-0 win-loss record at lalabanan ang De La Salle University sa ika-30 ng Agosto, sa parehong lugar.

(Litrato mula sa V-League)