'Tumindig': Student-led orgs unite in dissent through online movement
- July 31, 2021 03:59
FEU Advocate
August 26, 2024 13:57
Ni Vince Matthew Jaramilla
Naungusan ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraw Booters ang Kaya Football Club (FC) - Iloilo, 1-0, sa kampeonato ng United Women's Invitational Football League kagabi, ika-26 ng Agosto, sa Rizal Memorial Stadium sa Lungsod ng Maynila.
Isang mainit na tunggalian ang nasaksihan dala ng agresibong laro ng dalawang koponan na nagresulta sa sunod-sunod nilang palitan ng shots at possessions.
Sa kabila nito, nanatiling nil-nil ang iskor sa unang 30 minuto dahil sa mahigpit na depensa ng magkatunggali. Subalit, ang depensa ring ito ang nagbigay ng pagkakataon para sa FEU na makaiskor sa tulong ng pagkuha ng mga corner kick opportunity.
Ginamit ng Lady Tam Booters ang corner kick play sa ika-37 minuto upang magkaroon ng magandang tingin sa goal si Carmela Altiche at makamit ang kalamangan hanggang sa katapusan ng first half, 1-0.
Sa panayam ng FEU Advocate, sinaad ng midfielder ang pagtutulungan nilang koponan na siyang dahilan ng kanyang pag-iskor.
“Hindi lang po dahil ‘yon sa akin. It’s a team effort po (Nagtulungan po kami bilang koponan). Kung hindi naman dahil po sa teammates (mga kakampi) ko, hindi po kami maka[kukuha] ng goal. Though (Kahit na) ako ‘yung nakaiskor, I dedicated it [to] my teammates (nilalaan ko ‘yun para sa mga kakampi ko) po and (at) sa lahat po [ng sumusuporta],” ani Altiche.
Ipinagpatuloy ng Morayta squad ang matibay na pagsalubong sa mga atake ng mga atleta ng Iloilo sa simula ng second half upang protektahan ang kanilang lamang.
Gayunpaman, muntik nang maitabla ng Kaya FC ang laban sa pamamagitan ng sarili nilang corner kick sa ika-68 minuto ngunit napigilan ito ni FEU goalie Yasmin Elauria.
Nagkaroon ng isa pang atake para tumabla ang Kaya gamit ang shot on target sa ika-81 minuto subalit naharangang muli ito ni Elauria upang panatilihin ang pangunguna ng Tamaraws.
Hindi na muling pinasubok ng FEU na makahabol ang kalaban at matagumpay nilang naprotektahan ang kanilang agwat at ang pagkapanalo hanggang sa huling pito ng laro.
Matapos tiyakin ang kampeonato, ipinahayag din ni Altiche ang tulong nito bilang paghahanda sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
“Masaya and dagdag ‘to sa motivation and preparation (panghuhugutan at paghahanda) namin towards (para sa) UAAP. Malaking bagay po siya kasi nakakapag-start (nakapagsisimula) na kaming ma-build (maitaguyod) ‘yung confidence and chemistry (lakas ng loob at samahan) namin. Kahit may lapses, we try to improve every training and every game (mga pagkukulang, sinusubukan naming mas gumaling sa bawat ensayo at laro),” wika nito.
Sa awarding ceremony, iprinoklamang Best Goalkeeper si Elauria habang Best Midfielder si Sarahgen Tulabing ng FEU. Si green-and-gold forward Dionesa Tolentin naman ang kinilalang Most Valuable Player.
Kinilalang kampeon ng plate division o losers' bracket ang De La Salle University habang ang Tuloy FC mula Muntinlupa ang nakapag-uwi ng pilak. Nasungkit naman ng University of Santo Tomas ang tanso at Ateneo de Manila University ang ikaapat na puwesto.
Sa cup division o top four naman, sumunod sa FEU at Kaya FC ang Manila Digger FC sa third place at ang University of the Philippines sa fourth place.
Bukod sa trophy at mga individual award, nag-uwi ang Lady Tamaraw Booters ng P30,000 gantimpala mula sa paligsahan.
Ang United Women's Invitational Football League ay isang preseason tournament kung saan pinalalahok ang sari-saring mga FC at varsity team ng mga pamantasan upang mahasa sila sa iba't ibang lebel ng kompetisyon.
(Litrato mula sa United Women's Invitational Facebook page)