FEU Law professors sa ABS-CBN closure: Kalayaan sa pamahayagan, nanganganib

FEU Advocate
May 10, 2020 10:00


By Gio Carlo D. Castro

Naglabas ng opisyal na pahayag ang mga propesor ng Far Eastern University (FEU) Institute of Law noong Biyernes ukol sa panganib ng kalayaan sa pamahayagan, dalawang araw matapos ihain ang cease at desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa ABS-CBN.

Ayon sa pahayag ng mga propesor, ang pagpapasara ay “dagok sa kapanatagan” ng masang Pilipino na matinding nahaharap sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19). Binigyang diin din sa pahayag ang panganib na tuluyang mawala ang kalayaan sa pamahayagan.

“Ang kalayaan sa pamahayagan (freedom of the press) ay nanganganib na makitil nang lubos. Kung pahihinain o patayin ito, mawawala at hihina rin ang napaka-epektibong boses ng demokrasya na nagsisiswalat ng kabuktutan, kabalbalan at pang-aapi ng maaring gawin ng mga naaupo sa gobeyrno,” saad sa pahayag.

Ipinaliwanag rin ng mga propesor na ang mga manggagawa ng kompanya na nasa humigit-kumulang 11,000 ang naapektuhan at ngayo’y nakakaranas ng matinding “kagipitan” at hirap kontra sa nasabing pandemya.

“Sa panahon na dapat malawak ang pang-unawa ng gobyerno sa kagipitan ng taong-bayan, lalo pang madadagdgan ang paghihirap ng mga manggagawang ito at ng kanilang mga mahal sa buhay.” 

Nanawagan naman ang mga ito na maging “mapanuri, mapagpuna at mapagbantay” sa panganib na banta sa ating kalayaan sa pananalita, pamamahayag, at pamahayagan.

Napaso ang prangkisa ng ABS-CBN, ang kinikilalang pinakamalaking broadcast network sa bansa, noong Mayo 4.

Basahin ang buong pahayag ng FEU Law professors dito: https://bit.ly/2WAUQ0A.