Ellarina, pinangunahan ang Lady Tams patungong ikatlong panalo sa V-League

FEU Advocate
August 23, 2025 21:46


Ni Joshua Kyle Beltran

Tinulungan ni Jaz Ellarina ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws upang masungkit ang matinding panalo kontra Arellano University (AU) Lady Chiefs sa loob ng limang set, 23-25, 24-26, 25-9, 25-22, 15-12, sa 2025 V-League Women’s Collegiate Challenge ngayong gabi, ika-23 ng Agosto, sa Paco Arena ng Maynila.

Nagpakitang-gilas ang Player of the Game nang magtala ito ng 20 puntos sa 16 na attacks, tatlong block, at isang ace.

Sa kabila ng dikit na simula, nanguna sina Gerzel Petallo at Alyzza Devosora sa opensa ng Lady Tamaraws patungo sa pangatlong tabla sa unang set, 15-15.

Gayunpaman, hindi ito umubra dala ng matinding net defense ng AU kasabay ng ilang errors ng Morayta spikers, 23-25.

Pagbukas ng ikalawang frame, dahan-dahang nadala sa kaba ang FEU nang harapin nila ang pinakamalaking lamang, 8-13.

Sa pamamagitan ng mga mabilisang atake ni Ellarina, nakakita ang green-and-gold squad ng pagkakataon na humabol, 24-24; ngunit nabigo ang Lady Tamaraws sa katapusan ng set, 24-26.

Nagbago ang ihip ng hangin sa ikatlong frame matapos ilayo ng Morayta volleybelles ang agwat ng laban sa 16-point lead upang masungkit ang set win, 25-9.

Nag-init ang FEU pagdating ng ikaapat na set nang maka-service ace si Mitzi Panangin sa puntong 23-21, at tuluyang masungkit ang isa pang frame, 25-22.

Sa ikalimang set, nanaig ang determinasyon ng Morayta squad hanggang sa mapako ni Petallo ang winning serve, 15-12.

Sa panayam ng FEU Advocate, binanggit ni FEU head coach Tina Salak na kahit malaking bagay ang determinasyon, naging aral pa rin ang hindi maging kampante upang manalo.

“Minsan, damdamin na, eh. Pride na… Malaking lesson ‘yun sa amin, respeto, naging kumpiyansa nila… ‘Yung mga factor, hindi lang siya more on ball games, eh. It’s more of a way of life,” aniya.

Sa kabila ng injury ng atleta, binigyang-pansin din ni Coach Salak ang karakter na ipinakita ni Ellarina na naging susi sa panalo. 

“Kung napansin natin, first set hindi siya [Ellarina] ginamit, because I have to manage ‘yung lagay ng tao… Ito ‘yung isa sa mga nagustuhan kong attitude kay Jaz, na kahit in pain siya, gusto niyang magkaroon ng contribution sa team. Given naman ‘yung skills at height niya, pero ang laki rin kasi ng impact niya sa loob ng court," ani Salak.

Matapos magpakita ng puso at galing, nais pang pag-igihan ng Lady Tamaraws ang kanilang 3-1 win-loss record sa paparating na laban nila kontra Colegio de San Juan Letran bukas, ika-24 ng Agosto, sa parehong lugar.

(Litrato mula sa V-League)