Discounted beep cards, inulan ng samot-saring reaksiyon mula sa Tamaraws

FEU Advocate
August 23, 2025 20:50


Ni Art Santiago

Nagpahayag ng iba’t ibang reaksiyon ang mga pasahero ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) kabilang ang mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) sa implementasyon ng 50 porsiyentong bawas-presyo sa personalized beep card na magsisimula sa Setyembre.

Noon lamang ika-20 ng Hunyo, ipinahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang 50 porsiyentong deskuwento para sa nakatatanda, persons with disabilities (PWD), at estudyanteng gumagamit ng LRT at MRT, kaugnay ng dumaraming panawagan na gawing mas abot-kaya ang pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.

Makalipas lamang ang ilang buwan, muling nagpaunlak ng panayam si Dizon sa Inquirer noong ika-13 ng Agosto hinggil sa bagong patakaran sa proseso sa pagkuha ng deskuwento gamit ang personalized beep card.

Starting today, in all the lines, LRT-1, LRT-2, MRT-3, there is no need to fill out forms; they will just show their IDs, senior citizen, PWD, and student IDs (Simula ngayong araw, sa lahat ng linya ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3, ay wala nang kailangan sagutang mga form, kailangan lang nila ipakita ang kanilang mga senior citizen, PWD, at student ID),” paglalahad ni Dizon.

Bagama’t sa Setyembre pa maaaring makagamit ang mga estudyante ng discounted beep card, maaari na itong makuha ng mga senior citizen at PWD sa mga estasyon ng LRT at MRT.

Bago ang panukala, maaari lamang magamit ang deskuwento sa pamamagitan ng pagbili ng single journey ticket (SJT) sa mismong mga estasyon kung saan kinakailangan pang ipakita ang nararapat na mga ID.

Bukod pa rito ay kinakailangan ding isulat ang mga impormasyon katulad ng pangalan, ID number, at pirma sa isang form bago makakuha ng discounted SJT na higit na nakapagpapabagal sa proseso at nagdudulot ng mas mahabang pila, lalo sa mataong estasyon.

Kaugnay ng implementasyon ng bagong proseso, halo-halong puri at puna ang ipinahayag ng ilang mag-aaral ng FEU na tumatangkilik ng LRT at MRT bilang pangunahing transportasyon patungo sa Unibersidad.

Sa panayam ng FEU Advocate, ipinahayag ng fourth-year na mag-aaral ng Medical Technology na si Stilmson Ong ang kaniyang hinaing hinggil sa aniya’y ngayon lamang na ipinatupad na bagong sistema sa pagkamit ng deskuwento.

Binatikos din niya ang dating sistema kung saan hindi gaanong “accessible” ang pagkuha ng may deskuwentong pamasahe sa mga matataong estasyon dahil nagdudulot ito ng mahabang pila.

“Minsan lang ako makakuha ng discount kasi hindi siya palaging accessible sa mga pinupuntahan ko,” aniya.

Salungat naman sa pananaw ni Ong, ipinabatid ng third-year na mag-aaral ng Communication na si Ariana Gloria ang kaniyang kasiyahan sa bagong benepisyo sa LRT at MRT. Gayunpaman, nag-aalangan pa rin siya dahil sa matagal na prosesong dulot noon ng pagsulat sa mga form.

Happy [ako] kasi finally I can take advantage of the discount without going through the long line [na] mabagal kasi need pa mag-fill-out ng form. Exhausting din para sa ibang students na pumipila nang mahaba kahit [mayroon] nang beep card (Masaya ako kasi sa wakas ay puwede ko nang sulitin ang deskuwento na hindi pumipila nang mahaba at nagsasagot ng mga form. Nakapapagod din kasi sa mga estudyante na pumipila nang mahaba kahit mayroon na silang beep card),” saad ni Gloria.

Kung maipatutupad nang maayos, makatitipid ang mga mag-aaral ng FEU na may pasok lamang ng tatlong araw sa isang linggo bunsod ng bagong hybrid learning modality, depende sa kanilang programa, ng humigit-kumulang P84 hanggang P168 kada linggo depende sa layo ng destinasyon.

Kasunod ng inaprobahang pagtaas ng pamasahe sa LRT-1 na nagsimula noong Abril, nasa halagang P20 ang kasalukuyang minimum na presyo ng SJT, habang ang maximum ay P55.

Samantala, walang fare hike para sa LRT-2 na inilabas sa kasalukuyang taon, kung saan umiikot lamang mula P15 hanggang P35 ang presyo ng SJT.

Nakabase naman sa estruktura na distance-based fare ang pamasahe sa MRT-3 na nagsisimula sa P13 para sa maiikli nitong ruta hanggang P28 para sa mga end-to-end na biyahe.

Bagama’t nakikita ang bagong implementasyon bilang hakbang tungo sa abot-kayang pamasahe sa pampublikong transportasyon, tinalakay rin ng mga nakapanayam ang mas malaking isyu na kinahaharap ng Pilipinas hinggil sa sistema ng transportasyon.

Ipinunto ni Ong ang limitasyon ng railway system ng bansa kompara sa ibang bahagi ng Asya, partikular sa limitadong opsiyon ng mga pasahero sa mga probinsiya kompara sa mga nasa siyudad.

Limited din ang railway system natin kumpara sa ibang Asian countries, at usually mas madaming choices sa cities kaysa sa provinces na umaasa lang sa jeepney, motorcycle, or bangka. [Pero] kahit gano’n, I can see progress dahil sa government projects tulad ng railway expansion, construction ng expressways, at modernization ng mga jeepneys at iba pang PUVs,” dagdag niya.

Iginiit din niya ang iba pang mga hamon na kinahaharap ng mga komyuter mula sa matinding trapiko hanggang sa mga luma, siksikan, at hindi ligtas na paraan ng transportasyon.

Obvious din na malaking problema ang heavy traffic lalo na sa Metro Manila, tapos marami pa ring public vehicles na luma, overcrowded, at minsan unsafe,” ani ni Ong.

Matatandaang madalas ang pagkakaroon ng aberya sa mga linya ng LRT at MRT kung saan may mga pagkakataong humihinto ito nang biglaan dahil sa limitado at lumang serbisyo. Noon lamang nakaraang Hulyo, naapektuhan ang operasyon ng LRT-1 dahil sa isang technical problem ayon sa operator nito.

Batay sa kolektibong pananaw ng mga nakapanayam, mas magiging kapaki-pakinabang sa mga komyuter ang bagong implementasyong ito kung magkakaroon ng malinaw na sistema at sapat na suporta para sa sektor ng transportasyon.

Bago ang 50 porsiyento na deskuwento na ipinatupad ng DOTr sa LRT at MRT, nasa 20 porsiyento lamang ang bawas sa halaga ng pamasahe sa mga SJT alinsunod sa mandato ng Republic Act No. 11314 na nag-aatas ng deskuwento sa mga pampublikong sasakyan para sa mga senior citizen, PWD, at estudyante.

Maaaring makakuha ng personalized discounted beep card ang mga kalipikadong indibidwal sa mga estasyon ng LRT at MRT sa pamamagitan lamang ng pagpapakita ng kanilang mga ID bilang patunay na sila ay senior citizen, PWD, o estudyante.

(Litrato mula sa ABS-CBN News)