
FEU Comm students bag ‘best public service print ad’ at 42nd CMMA
- December 30, 2020 10:05
FEU Advocate
April 08, 2025 10:16
Bata palang ay alam ko nang bakla ako.
Sinusuot ko ang matataas na sapatos ng aking ina kapag wala siya. Lagi kong kalaro ang aking kapatid sa kaniyang mga manika. Masasakit na paratang ang palagi kong natatanggap mula sa aking ama.
Ngunit, bata palang ay alam ko rin na mahal ko na ang paglalaro.
“Hindi ka pang-basketball,” anila, habang kita ang pagdududa sa kanilang mga mata tuwing hawak ko ang bola. Ang larangang ito ay hindi raw para sa tulad ko. Dama ko ang bigat ng mga mata sa bawat subok kong ipasok ang bola sa ring, at pumipintig ang aking tainga sa kanilang mga daing.
Hindi nila alam na tagaktak ang aking pawis sa ilang libong beses na ensayo sa aming bakuran—tagaktak ang aking pawis sa bawat pagsusumikap ko na sila ay malampasan at bago pa nila maunawaan, nakasentro na ako sa opensa—pinahihiya sila sa mismong laro na kanilang inangkin.
Pero bakit nga ba tila hindi katanggap-tanggap ang pagiging bakla sa mundong ito?
Wala naman sa laro ang kasarian. Walang sinabing bawal sa playbook ang kabaklaan. Wala sa listahan ng violations ang pagiging malambot.
Kaya bakit tila isang malaking kamalian ang aking kasarian sa larangang pinapasok ko?
Pero, alam kong hindi ko kailangang magbago para makapasok sa mundong ito—sapat ang aking husay at determinasyon, sapat ang pagmamahal ko sa laro. Sa bawat panalong ipinagdiriwang at ipagdiriwang ko pa, patutunayan kong hindi kailangang maging “lalaki” para magtagumpay sa larong ito.
Hindi ko kailangang patigasin ang aking boses at katawan, dahil ang laro ay hindi tungkol sa kung anong kasarian at kung sino ka.
At sa larangang ito, ako ang may hawak ng bola.
- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)