Defending champs FEU falls short of Final 4, ends 3x3 campaign at 5th
- March 04, 2019 12:52
FEU Advocate
September 02, 2024 15:17
Binigyang-importansya ng Far Eastern University (FEU) Buklurang Mag-aaral sa Filipino (BUMAFIL) ang koneksyon ng identidad at lenggwahe ngayong Buwan ng Wika sa pagpapamalas ng ‘BalagTALAsan’ na ginanap sa Science Building Room 201-A noong ika-30 ng Agosto.
Ipinakita sa programa ang balagtasan o masining na pakikipagdebate kung saan mayroong dalawang panig na magpapalitan ng argumento patungkol sa mga napapanahong isyu sa lipunan.
Sa panayam ng FEU Advocate, inihayag ng Pangulo ng BUMAFIL na si Weyn Isaac Celestial ang kahalagahan ng naturang aktibidad para sa mga Tamaraw.
“Ito ay mahalaga dahil hindi na pamilyar ang ating mga kabataan sa kung ano ‘yung mga pampanitikang mga ginagawang tradisyon ng kultura na sumasalamin sa ating wika,” saad nito.
Samantala, idiniin ng Gurong-Tagapayo ng BUMAFIL na si Dr. Gina Sy-Luna na mahalaga ang paggunita ng Buwan ng Wika upang ipaalala ang pagkakakilanlan sa paggamit ng wikang Filipino.
“Mahalaga ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika dahil ito lang ‘yung panahon na ipinapaalala sa atin ‘yung pagmamahal natin sa ating identidad bilang Pilipino at isa na diyan ay ang pagpapalakas ng paggamit ng ating sariling wika. Kung ‘di natin gagamitin ang sariling wika natin, sigurado tayo na mawawala na rin ang identidad natin bilang mga Pilipino,” aniya.
Dagdag ng tagapayo, importante ang mga programang tungkol sa Buwan ng Wika sa kabila ng dayuhang impluwensya. Giit nito na walang problema sa paggamit ng ibang lenggwahe ngunit kailangan pa ring pahalagahan ang sariling wika.
“Napakahalaga [nito] sa kabila ng impluwensya ng ibang mga nasyon. Syempre niyayakap natin ang mga wikang natututuhan natin. Wala namang problema du’n dahil tayo naman ay may pag-iisip na pero nandu’n kasi dapat ‘yung pagpapahalaga natin sa sarili nating wika,” ani Sy-Luna.
Samantala, ikinalungkot ng guro ang “unti-unting paglaho” ng mga pagdiriwang ng Buwan ng Wika matapos masaksihan ang selebrasyon nito sa mga nagdaang panahon.
Higit pa rito, ipinaliwanag ng tagapagsalita ng ‘BalagTALAsan’ at guro mula sa Interdisciplinary Studies Department na si Shiela May Julianda ang pinagmulan at mga elemento ng balagtasan bilang bahagi ng programa.
Inilarawan ng paunahing tagapagsalita ang balagtasan bilang pagkilos na nanghihimok, at humihikayat sa mga tagapakinig na pumanig sa posisyon ng nagbabalagtas.
Nagsagawa rin ng maikling balagtasan ang organisasyon bilang pagsasanay kung saan hinati nila sa dalawang pangkat ang mga dumalo upang pagdebatehan kung sino ang dapat ituring na pambansang bayani sa pagitan nina Jose Rizal at Andres Bonifacio.
Dahil sa kakulangan sa oras, hindi naisakatuparan ang unang serye ng BUMAFIL na spoken word poetry program na pinamagatang ‘MakaTAM’ na dapat isasagawa noong ika-19 hanggang 25 ng Agosto.
Ang FEU BUMAFIL ay isang organisasyon na layuning magsulong ng espasyo, pagtataguyod, at pagpapamalas ng lakas ng wikang Filipino sa loob ng Unibersidad.
- Kasharelle Javier
(Kuha ni Shane Claudine Rodulfo/FEU Advocate)