Buhay bilang Barker: Kilalanin si Ate May ng Lerma

FEU Advocate
September 02, 2023 01:07


Nina Brit Charles Quevedo at Precious Nikole Tungpalan

Sa pasikot-sikot na lansangan ng Maynila ay matatagpuan ang Lerma, isang masikip na eskinitang pinaliliwanagan ng mga poste ng ilaw at samu’t saring kwento ng bawat taong dumadaan. Ngunit lansangan man kung titingnan, ang espasyong ito ang itinuring ni Ate May na tahanan.

Saksi si Ate May sa mga ngiti, luha, at pawis ng mga estudyante sa eskinita ng Lerma. Karaniwang daanan at kadalasang tambayan—ang kalsada ng Lerma na minsa'y lagusan lamang, ngayon ay nagsisilbi nang kabuhayan.

Kalakip ng mga establisyemento, gusali, at tindahan sa eskinitang ito ay ang aliw at saya na dala ni Ate May. Ngunit sa likod ng matatamis na ngiti at maliligalig na kilos niya ay ang kanyang masalimuot na talambuhay. Atin siyang kilalanin—ang masiglang barker mula sa Lerma.

Lubak man o patag, tuloy ang lakad

Ipinanganak noong Enero 2, 1982, si May Homeres Carausos ay lumaki sa Bagong Silang, Caloocan. 

Mula sa isang munting pamilya, umabot ng second-year sa kursong Computer Management si Ate May. Nagdaan ang mga taon ay nakabuo siya ng kanyang sariling pamilya na may anim na anak. 

Hiwalay man sa mga ito, sinisigurado niya na hindi napapabayaan ang kanyang gampanin bilang isang ina.

"Pangarap ko sa kanila, makapagtapos ng pag-aaral. Sinasabi ko sa mga anak ko na huwag niyo hayaan na saktan kayo ng ibang tao, lalaban at lalaban kayo," ibinahagi ni Ate May.

Mula Caloocan, kinagisnan na niya ang lansangan ng Maynila noong siya ay lumipat sa panibagong tirahan sa distrito ng Santa Cruz. 

Para itaguyod ang sariling pangangailangan, makikita siya sa Lerma bilang taga-tawag o barker ng bus at dyip upang makatulong sa mga pasahero at estudyante. 

"Masaya sa Lerma, hindi man 'yan estudyante o taga-ritong tao, mababait sila," ipinahayag ni Ate May.

Sa kasamaang palad, isa ang kanyang bahay sa natupok ng apoy dala ng malawakang sunog sa kahabaan ng Doroteo Jose noong Mayo 14. Bunsod nito ay ang kanyang paglipat sa isang maliit na paupahang nakapwesto naman sa Quiapo. 

Gawa ng hirap ng buhay, nagkaroon na si Ate May ng iba't ibang trabaho tulad ng pagtatrabaho sa panaderya at pagbabantay sa mga komersyal na pwesto tulad ng 7 Eleven Morayta—na dahilan ng kaniyang pagkamulat sa realidad sa murang edad pa lamang.

Paggabay ni Ate May sa mga Tamaraw

Dahil sa samu’t saring kainan at tindahan sa Lerma na bentang-benta sa mga estudyante, ito'y nagsisilbing karaniwang pinatutunguhan ng mga Tamaraw tuwing may free time sa eskwela. 

Para kay Christian Del Rio, isang BS Tourism Management student, maraming beses na niyang nakasalubong si Ate May sa Lerma. Sa iilang beses na interaksyon nila, ang barker ay napagtanto niyang may angking kakulitan. 

"Nanghingi lang naman siya ng barya. Tapos 'pag sinabi ko namang wala, mangungulit siya pero pag sabi mong wala talaga, aalis na siya,” dagdag pa niya.

Ikinuwento naman ni Maria Angelica De Leon, isang BS Medical Technology student, ang pag-alalay ni Ate May tulad ng pagbubukas ng pinto ng 7 Eleven para sa mga estudyante.

"Mabait, siya 'yung tipong tao kahit madaldal hindi siya 'yung nang-iinis ng tao, hindi siya people pleaser,” sambit pa ni De Leon.

“Hindi rin naman dapat natin dini-discriminate 'yung mga kagaya ni Ate May, lalo na't ginagawa lang naman niya 'yung pwede niyang maitulong at kung paano siya kikita on her own,” banggit ni Del Rio.

Tungo sa magandang buhay, mula sa Lerma

Naging usapan si Ate May sa Facebook group na One FEU Community kung saan ay kanyang ikinuwento sa isang dokumentaryo ang kanyang buhay bilang barker sa Lerma. 

Sa pakikipagsalamuha niya sa mga estudyante, nabanggit ni Ate May na nagkaroon siya ng ilang malalapit na kaibigan mula sa Unibersidad. 

Panlilibre, pagpapahiram ng payong, at pagpapara ng sasakyan ay ilan lamang daw sa mga ginagawa ni Ate May upang makabawi sa binibigay na tulong sa kanya ng Tamaraws. 

Gayunpaman ay hindi pa rin naiiwasan ni Ate May ang mga hindi inaasahang engkwentro sa mga estudyante tulad na lamang ng hindi pagpansin, pagsusungit, at panloloko. Para sa kanya, ang solusyon dito ay pag-unawa at mas malawakang pang-intindi na lamang. 

"Kakampi niyo ako, hindi niyo ako kalaban,” paliwanag ni Ate May.

Sa eskinita ng Lerma ay sumiklab ang diwa ng pagkakaibigan at pagtutulungan. Tuluyang napatunayan ni Ate May na hindi batayan ang edad, kasarian, at estado ng isang tao sa buhay.

"'Yung iba ngayon hindi na nila ako hinuhuli… Binabati niya na 'ko [pulis] dahil sa mga ginagawa kong mabuti, gaya ng mga nahuli naming magnanakaw," pagbabahagi ni Ate May.

Para sa 41-anyos na barker, ang tulong na dulot ng mga baryang natatanggap mula sa mga Tamaraws ay malaking tulong para magbago at ipatuloy ang kanyang buhay. 

“Hindi ako magiging ganito kung hindi dahil sa barya nila [mga estudyante] na binibigay nila sakin sa araw-araw… Naiipon ko para makabangon ako sa buhay… Kumbaga binigyan nila 'ko, bibigyan ko rin sila kapag sila ay nangailangan,” giit ni Ate May. 

Iginiit ni Ate May na kahit hindi siya nakapagtapos ng kanyang pag-aaral at tumahak ng maling landas, tiniyak niya na ginagawa niya ang mga kinakailangang hakbang upang magbago.

“Hindi ko masasabing totally nagbago ako, ang pagbabago hindi biglaan… Iba naman 'yung nasa itsura at nasa panloob. Tsaka thank you talaga sa lahat,” huling sambit ni Ate May. 

Saksi ang Tamaraws sa saya na bitbit ni Ate May at ang paglalakbay tungo sa kanyang pagbabago. Ang byahe ni Ate May ay malayo pa sa destinasyon ng kasaganaan at kaginhawaan, ngunit malayo na mula sa kanyang mapait na nakaraan.