Bedonia nagpaulan, FEU nananatiling undefeated

FEU Advocate
August 25, 2023 06:45


Ni Andrei M. Barrantes

Pinamunuan ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraw na si Kiesha Bedonia ang koponan matapos makapagtala ng 14 puntos na nakatulong upang mabilisang makamit ang kanilang ikatlong panalo laban sa Enderun Colleges (ECT) Lady Titans sa 2023 V-League Collegiate Championship sa Paco Arena sa Manila City kaninang umaga, Agosto 25.

Nagpakitang gilas sa loob ng tatlong sets ang Lady Tams, 25-11, 25-10, 25-16, kung saan patuloy silang nanaig na walang talo sa nasabing liga.

Nasungkit ni Bedonia ang kanyang 14 na puntos mula sa 11 attacks at dalawang service ace sa loob lamang ng dalawang sets.

Sa post-game interview ng FEU Advocate, ipinahayag ni Bedonia ang kanyang tuwa na makabawi matapos ang kanilang huling laro kontra University of Perpetual Help System DALTA.

Super happy po ako kasi going back nga po sa last game (Sobrang saya po ako kasi kung babalikan nga po sa huling laro), ayun nga po, medyo tagilid… Aminin ko po medyo nagra-rattle (natataranta) po ako sa loob ng court pero na-overcome (nalagpasan) ko na po ‘yun ngayong game (laro),” aniya.

Sa unang set pa lamang ay nagpakawala na ng tumpak na mga attacks ang Lady Tams habang pinapanatiling limitado ang kanilang errors. 

Nanguna sina green-and-gold opposite Faida Bakanke at middle blocker Mitzi Panangin sa puntos, 25-11.

Bagama’t mas dumami ang errors ng Morayta-based spikers sa ikalawang set, tuloy-tuloy pa rin ang pagbuhos nila ng attacks at blocks

Dagdag rin ni Bedonia na naging malaking tulong ang kanyang seniors bilang rookie sa pag gabay sa kanyang unang sabak sa kolehiyo.

“Siyempre po ‘yung mga seniors ko gina-guide nila ako all throughout [the] trainings (sa kabuuan ng aming mga pag-eensayo) sa laro, siyempre po tine-take (kinukuha) ko po ‘yon as positive (na positibo),” aniya.

Sa huling set, naging dikit ang iskor at salitan ng bitaw ng dalawang koponan ng mga puntos. 

Sa markang 11-10 ng set, nagsilbi bilang sparkplug ng Lady Tamaraws si outside hitter Jazlyn Ellarina matapos umiskor ng dalawang magkasunod na puntos upang makalayo ng lamang ang FEU, 25-16.

Tinapos ni Ellarina ang laban na may limang puntos samantalang si Bakanke ay nagtala ng 10 puntos mula sa walong attacks, dalawang blocks. Habang si Chenie Tagaod ay nag-ambag ng pitong puntos.

Ayon kay head coach Manolo Refugia, naging susi ang pagpaalala sa team na manatiling tiwasay para maiwasan ang errors at mairaos ang laban.

“Siguro, saamin, yung errors kasi tine-take namin individually, sa mga players na nagco-commit. So talagang nag-stick ako sa emotions nila kung bakit nauulit ‘yung ganoong errors kasi given the skills, nasa kanila na. Mas marami tayong nagagawang tama kaysa sa mga errors so pumapasok kasi yung emotions,” aniya.

Nananatiling walang talo ang FEU na may 3-0 na win-loss record kung saan sunod nilang haharapin ang Lyceum of the Philippines University sa Agosto 30 sa parehong lugar.

(Litrato ni Ralph Mari S. Castro/FEU Advocate)