
Taya ang buhay sa laro ng kapalaran
- July 25, 2025 18:38
FEU Advocate
August 31, 2025 19:08
Ni Franzine Aaliyah B. Hicana
Hindi pare-pareho ang paraan ng Tamaraws sa pagharap sa mahabang biyahe patungong Pamantasan. Para sa ilan, ang tulog ang pinakamabisang sagot; para sa iba, paghahanda ng gamit at disiplina ang puhunan. May nananalig sa musika o dasal, at mayroon namang laging alerto sa paligid. Sa gitna ng trapiko, pila, at siksikan, iba-iba ang estilo—pero iisa ang misyon: makarating sa klase.
Sa bagong edisyon na ito ng #TamBuzz, tuklasin natin ang sari-saring paraan ng mga Tamaraw para makapasok sa klase sa kabila ng araw-araw na hamon sa daan.
Mula San Mateo, Rizal, araw-araw na dinaranas ni Mikaela Viktoria De Leon, isang third-year Visual Communication student, ang dalawang sakay bago makarating sa Maynila. Dyip o minibus papuntang Philcoa, saka Utility Vehicle (UV) Express o dyip patungong Quiapo.
“Hindi talaga puwedeng mawala ang school ID, charger, at panglinis ng salamin,” wika niya. Madalas din niyang samantalahin ang mahabang oras ng biyahe upang mag-aral ng materyales at sumilip ng mga email para sa mga anunsiyo sa klase.
Ngunit tuwing sobra na ang haba ng trapiko, hindi na niya nilalabanan ang antok. Hinahayaan na lang niyang dalawin ng tulog ang kaniyang mga mata kahit pa siksikan at maingay.
“Desensitized na rin ako minsan. Sanay na sa banggaan o away-kalsada,” dagdag pa niya.
Sa biyahe ni De Leon, minsan ang pagtulog na lang ang nagiging pinakapraktikal na sagot sa walang katapusang pila at trapik. #Tambuzz
2. Laging handa sa kahit anong aberya
Tatlong sakay mula Bulacan ang tinatahak ni Shekinah Lureñana, isang second-year Nursing student. Dyip, e-jeep, at kung minsan ay LRT—at kapag kapos na talaga sa oras, motorsiklo ang kaniyang takbuhan.
Araw-araw siyang bumibiyahe papasok at pauwi, kaya’t disiplina ang kaniyang puhunan. Gabi pa lang ay inihahanda na niya ang kaniyang bag, laging sigurado na dala ang lahat ng kakailanganin sya biyahe.
“Lagi akong naglalaan ng dalawang oras bago ang klase. Halimbawa, kung 7 a.m. ang first class, dapat nakaalis na ako ng 5 p.m.,” aniya.
Kapag may mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng biglaang pagbaha o paggawa ng sirang kalsada, agad din umano siyang nagpaplano ng alternatibong ruta upang masiguro ang kaniyang kaligtasan at masulit ang bawat minuto ng biyahe.
At para hindi mainip sa mahabang oras sa kalsada, cellphone ang kaniyang takbuhan— simpleng chat at tawanan kasama ang mga kaibigan. Para kay Lureñana, ang pagkakaroon ng sariling sistema sa biyahe ang nagsisilbing susi para manatiling maayos ang araw. #Tambuzz
3. Musika at dasal bilang sandigan
Hindi araw-araw bumibiyahe papuntang Far Eastern University (FEU) si Kyna Marie Solis, isang second-year Psychology student, ngunit tuwing papasok siya, inaabot din ng dalawa hanggang tatlong sakay. Mula bus, e-jeep papuntang Monumento, sakay ng LRT, at mula roon ay maglalakad na lang upang makatipid.
Alam niya ang mga kailangang bitbit: payong para sa ulan, ekstrang pera at barya para sa pamasahe, beep card, at cellphone para manatiling konektado. Ngunit higit sa gamit, mayroon siyang ritwal bago bumiyahe—isang maikling dasal.
“Somehow I start it off by a short mumbled prayer, to avoid any unforeseen events that may further lengthen the trip (Kahit papaano ay, sinisimulan ko ito sa pabulong na maikling dasal, upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari na maaaring magpahaba pa ng biyahe),” aniya.
Sa gitna ng mahabang pila at siksikan, musika naman ang kaniyang sandigan. Para sa kaniya, ito ang pinakamadaling kasama—nakapagbibigay-sigla kapag siya ay inaantok o nababagot. Aniya, may kakaibang hatid ang musika na nagpararamdam sa kaniya ng pagiging buhay, presko, at muling may lakas.
Kadalasan, Pinoy pop ang kaniyang pinakikinggan, na nagbibigay-lakas ng loob at inspirasyon upang kayanin ang biyahe at ang buong araw sa Unibersidad. #Tambuzz
4. Mapanuring mata at mahabang pasensiya
Para kay Jolliene Therese Oquendo, isang second-year Nursing student, tatlong sakay ang araw-araw na kalakaran: dyip mula sa kanilang lugar patungong Guadalupe, sakay ng MRT at LRT, bago maglakad papuntang FEU.
“If may class ako ng 7:30 a.m., magigising pa ako ng 4 a.m. to 4:30 a.m. and then pagka-5:20 a.m., aalis na ako ng bahay,” kuwento niya.
Hindi nawawala sa bag niya ang wallet at cellphone, ngunit higit pa roon, pinakamahalaga para sa kaniya ang mahabang pasensiya. Sanay na siya sa mga eksenang halos wala nang espasyo para huminga.
Madalas umano, lalo na sa oras ng uwian bandang alas-sais ng gabi, ay sadyang puno na ang LRT. Kahit anong pagsisiksik ang gawin ng mga tao, wala na talagang mailulusot pa, kaya’t kahit may sumisigaw ng “usog,” wala na raw talagang maiuusog.
At habang ang iba ay nakikinig ng musika o nakikipag-usap para pawiin ang inip, iba si Oquendo. Mas pinipili niyang manatiling alerto—laging iniisip ang kaniyang seguridad at kung paano makararating nang ligtas sa kaniyang destinasyon. Para sa kaniya, mas mahalaga ang pagiging mapagmatyag kaysa anumang pampalipas ng oras. #Tambuzz
Sa huli, iba-iba man ang klase ng Tamaraw commuters— antukin, laging handa, mahilig sa musika, o mapanupare-pareho silang humaharap sa hamon ng biyahe. At sa bawat sakay at pila, dala nila hindi lang ang kanilang gamit, kundi ang kani-kaniyang diskarte at tibay ng loob upang maabot ang kanilang pangarap. #Tambuzz
(Dibuho ni Mary Nicole Halili; Latag ni Jeseth Chriselle Saygo/FEU Advocate)