5 Restaurants in Binondo to Welcome the Year of the Rat
- January 26, 2020 10:05
FEU Advocate
October 08, 2020 10:21
Ni Mary Evangeline Q. Valenton
Ilang dugo na rin ang dumanak at mga pagtangis na pilit tinatapalan ng mga mabubulaklak na pangako tungo sa inklusibong kaunlaran. Ilang boses na nga ba ang napaos, mga tuhod na nagasgas at mga adbokasiyang iwinawaksi, dahil kumakawala ang bawat buhay na nakataya rito alang-alang sa mga karapatang ipinagkakait ng mga naghaharing-uri.
Kung patuloy na lamang tayong magkikibit-balikat sa mga isyung panlipunang hindi naman konektado sa ating mga buhay, kailan pa nga tayo kikibo kung hindi ngayon?
Ang buwan ng Oktubre ay isang makabuluhang pagdiriwang upang mabigyan ng bukas na pagpapahalaga ang ating mga kapatid na katutubo bilang bahagi ng ika-23 na taong selebrasyon ng National Indigenous Month alinsunod sa pagkakatalaga ng Indigenous People’s Rights of 1997. Layunin ng pagdiriwang na maging bahagi ang publiko na kilalanin ang presensya ng ating mga katutubo, at magkaisang maipanawagan ang mga kaapihan at pananamantalang dinaranas sa kamay ng mga oportunista. Ngayong kumakaharap tayo sa bagong birtwal na normal, naging malaya rin ang pagpapalabas ng mga piling pelikula at dokumentaryo na inilalathala ang iba’t ibang pahina ng mga sakit sa lipunang intensyon na balikwasin ang kamalayan ng manonood.
Bilang pakikiisa ng mundo ng biswal na komunikasyon gamit ang iba’t ibang lente ng mga tagalikha nito, naging tanyag ang plataporma ng ‘DaangDokyu’ na magpalabas ng mga natatanging sining-biswal na libre para sa publiko. Bahagi ng ikalawang yugto sa pagpapalabas ng mga makabuluhang kwento, isinapubliko nito ang mga bagong hanay ng mga piling pelikula at dokyumentaryo ngayong buwan ng Oktubre. Pinamagatan itong “Ang lahat ng bagay ay magkaugnay” kung saan ipinakita ang koneksyon ng ekolohiya sa bawat isa— ang kalikasan at tao ay konektado.
Kasalukuyang mapapanood pa rin ang mga ito sa opisyal na website ng DaangDokyu at magpapatuloy ang selebrasyon ng mapagpalayang sining hanggang ika-8 ng Oktubre. Limitado man ang access nito, marami pang mga dokyumentaryo ang nakaantabay na maipalabas sa mga susunod na pahina ng kanilang Documentary Festival. Sa loob ng anim na araw mula ika-2 ng Oktubre, mapapanood ang labindalawang palabas na kumakatawan sa kwento ng mga katutubong Pilipino na pinag-kokonekta ng kalikasan.
Narito ang mga piling dokyumentaryo ng Daang Dokyu patungkol sa mga katutubo at ang mga isinasalamin ng kanilang naratibo sa kasalukuyang panahon. Magkakaiba man ang indibidwalidad na tinatalakay ngunit iisa ang kanilang mga panawagan—ang makita at mabigyan ng puwang sa pagpapasya na hindi minamaliit at isinasantabi ang kanilang karapatan sa pagkakakilanlan.
Dam Nation (2019)
Inilalathala ng dokumentaryo ang pakikibaka ng tribong Dumagat mula sa probinsya ng Quezon at Tanay Rizal laban sa itinatayong Kaliwa Dam ng pamahalaan. Ayon sa panimulang bidyo na ibinahagi ng DaangDokyu kalakip ng nasabing dokumentaryo, ibinahagi ng producer at direktor ng Dam Nation na si Grace Simbulan ang naging udyok upang mai-dokumento ang naratibo ng Dumagat sa proyektong isinasagawa ng gobyerno. Ito ay produkto ng pagbisita ng kanilang production team sa mgakaparehong espasyo ng Quezon at Rizal. Isang taon na ang nakalilipas mula nang malikha ang dokumentaryo, ngunit hanggang sa kasalukuyang panahon, patuloy pa rin ang paglaban at pagtutol ng tribo kaagapay ang mga progresibong grupo upang tutulan ang pagpapanday sa Kaliwa Dam.
Bahagi ang dokumentaryong ito sa panawagan ng mga katutubo na pagpapahinto at pagsasaalang-alang sa magiging banta nito sa kultura, kalikasan at personal na aspeto ng Dumagat tribe. Layunin ni Simbulan na mabigyan ng pag-asa ang tribo at ang mga ipinaglalaban nila na marinig at maaabot ang kolektibong pagsuporta ng mga manonood.
Sa kasalukuyang panahon, maaaring magkakaiba ang perspektibo ng mga matatanda sa kabataan, at tila madalas na nagkakasalungat ang ating mga pananaw sa kung ano ang tama at mali. Ngunit hindi ito naging balakid upang magsanib pwersa ang Dumagat Elders at mga progresibong kabataan na isulong ang halos 40 na taong pakikipaglaban sa karapatan ng tribo sa lupang pinagtatayuan ng nasabing Dam.
Ayon pa sa kanila, tila pumapanig lamang sa interes ng mayayaman ang proyektong ito at ginagamit lamang ang presensya nila umang maisulong at maiwaksi ang pabor sa kanila. Pag-dedepensa ng mga nakatatandang Dumagat, hindi lamang isinasaalang-alang ng labang ito ang pansarili nilang interes, nakasalalay din dito ang kinabukasan ng kanilang pamilya na mahaba pa ang lalakbayin sa buhay.
“Bakit ba ‘yung mayayaman maraming tubig, ‘yun bang mahihirap walang karapatang uminom para mabuhay,” pahayag ni Nanay Nene Baylon na isa sa kinikilalang Hatang Kaye ng Dumagat.
Naging malinaw na ang ipinapatayong dam ay umaangkop lamang sa benepisyong pang-siyudad at isinasantabi nito ang karapatang dapat umaayon din sa mga katutubong naninirahan dito. Hindi lamang access sa tubig ang nauungkat sa labang ito, kundi ang paghahati ng mga nakatataas sa mamamayang pinakikinggan at tila napag-iiwanan ang ating mga katutubo sa progresong nais nilang makamtan.
Kung maihahambing ito sa inuming tubig, matagal nang uhaw sa hustisya ang ating mga kapatid na Dumagat, kasabay din nito ang bawat patak ng dugong isinasakripisyo kapalit ng mga pagtutol. Hindi lamang ito laban ng mga Dumagat, laban ito ng buong bayan tungo sa pagsusulong ng kaunlarang umaangkop sa kapakanang panlahat.
“Sana ang lahat ng Dumagat ay dinggin at madinig kung ano ba talaga ang karapatan nila sa aming lupang ninuno.”
Bullet-laced Dreams (2020)
Ibinagi ng mga direktor ng pelikula na sina Kristofer Brugada at Charena Escala na taong 2017 pa nila sinimulan ang pagdo-dokumento sa kwento ng mga lumad na sapilitang pinaaalis sa kanilang mga paaralan at tirahan sa Mindanao. Nagsimula ang kanilang interes na ilathala ang buhay ni Cricelyn at ang mga danas ng iba pang katutubong Lumad, sa kanilang pagdalaw sa Unibersidad ng Pilipinas, at ang pagbubukas nito ng pinto para sa Lumad Bakwit School.
Napansin ng mga direktor na iilan lamang ang may interes na kilalanin ang komunidad nila, naging tulay ang ideyang ito upang mabuo ang isang maikling pelikula na nagtatagal lamang nang kalahating oras.
Matatandaang taong 2017, isinailalim sa Martial Law ang Mindanao upang kontrolin ang presensya at pagbabanta ng terorista sa Marawi, kaakibat nito ang pagkalat ng mga militar saan mang sulok ng lugar. Bukod sa pananakot, naging banta sa buhay ng mga Lumad ang militarisasyon sa kanilang mga paaralan kung saan sapilitan silang pinaaalis, dahil nilalason umano ng mga tagapamahala ang mentalidad ng mga kabataang Lumad na sumapi bilang komunista. Hindi naging payapa ang mga pagpapaalis, umabot ito sa puntong maraming buhay na ang ibinuwis at tuluyang nawasak nito ang kanilang komunidad.
Kung lilimitahan lamang tayo ng isang pasibong mentalidad sa katotohanan na karapatan nating malaman, saan nga ba dapat lumugar ang pagkatuto sa isang paaralan. Masakit malaman ang mga danas na nag-ugat sa mapang-abusong layon, ngunit kung hindi natin ito kikilatisin, mananatili na lamang tayong estatwa sa limitasyong pumipigil sa ating kumibo.
Maihahalintulad ito sa sitwasyong kinasadlakan ng ating mga katutubong Lumad at mga gurong patuloy na inilalaban ang kanilang karapatan sa edukasyon at preserbasyon ng kanilang lupa at indibidwalidad. Naging malinaw sa pelikula na hindi kailanman naging lohikal at rasyunal ang paghahanay ng militar sa mga lumad bilang rebelde at terorista, umabot din sa puntong sapilitan silang pinaalis sa kanilang mga eskwelahan upang gawing kampo ng militar.
Isa sa mga nakikitang rason ng mga guro sa eskwelahan, gumagawa lamang ang pamahalaan ng kaguluhan sa kanilang komunidad upang sa kanilang pag-alis, magiging daan ito upang makapagtayo ng mga plantasyon at maisulong ang operasyon ng mga minahan. Hindi rin nila maunawaan ang mga paninisi sa mga guro na imulat ang mga katutubong Lumad na ipaglaban ang kanilang karapatan sa lahat ng aspeto.
Naging repleksyon ito na takot ang mga nakatataas na maging mulat ang kabataan sa pamamagitan ng edukasyon, kung saan hindi na lamang ito nakakulong sa magkabilaang pilas ng mga papel dahil inilalaban na nila ang kanilang karapatan sa iba’t ibang plataporma.
Nakalulungkot isiping, kailangan nilang umalis upang makatakas sa mga pananakot at sapilitang pagkokontrol sa landas na dapat nilang kabilangan. Bagaman nakatakas man sila sa militarisasyon, isang panibagong hamon naman ang kanilang kinakaharap sa pananatili sa kamaynilaan. Hindi buo ang pagtanggap sa kanila at patuloy pa ring nakararanas ng diskriminasyon laban sa pagkakaiba ng kulturang kinalakihan.
Nawa’y maipalabas ang mga pelikulang tulad nito sa akademya, upang mas lalong maunawaan ang panig ng mga katutubong Lumad at maging bukas ang lipunang ating ginagalawan sa inklusyon ng kanilang presensya. Lahat tayo ay may karapatang mangarap at isa ang komunidad nila sa nangangailangan nang pagsuporta upang makamtan ang mga ito, dahil hanggang ngayo’y hindi pa rin sila tuluyang nakaaalpas sa banta ng militarisasyon.
Kahit gaano man natin pagbuhol-buhulin ang mga pangyayari, babalik pa rin ito sa ugat ng pinagmulan—ang mga ganid at mapagsamantalang naghaharing-uri. Noon pa ma’y malakas na ang impluwensya ng mga likhang sining-biswal na naglalayong ungkatin ang mga bagay na pilit nililimot ng kasaysayan.
Hindi lamang nilikha ang mga palabas na ito upang manood at maging pasibo tayo sa ating kinauupuan, intensyon nitong mag-iwan ng sugat sa ating kamuwangan upang magalit tayo at kumilos sa mga kaapihang inilalathala. Hindi ito uri ng sugat na maglalason sa ating mga isipan at hindi rin ito literal at pisikal na epekto, isa itong bakas na iiwan sa ating kakintalan upang mag-isip at maging kritikal sa bawat naratibong ating napapanood.
Magkakaiba man ang ating ideolohiya sa buhay, ngunit iisa ang espasyo na dapat nating tahakin—ito’y sa isang karayom na maihahalintulad sa realidad, at ang sinulid na pinuro ng katotohanan na siyang magkokonekta sa atin upang puksain at wakasan ang mga pang-aabusong dinaranas ng bawat katutubo at maralita sa ating bansa.
(Mga litrato mula sa DaangDokyu)