Discounted beep cards, inulan ng samot-saring reaksiyon mula sa Tamaraws
- August 23, 2025 20:50
FEU Advocate
October 31, 2025 18:34

Nangyari ‘to last week, kakatapos lang ng 9:00 p.m. class namin sa Engineering Building (ENB).
Second-year Communication major ako. Kung nagkaklase ka na sa ENB, alam mong may kakaiba sa building na ‘yon pagsapit ng gabi—na para bang may kasabay ka na hindi mo nakikita. Siguro narinig mo na rin ang mga kuwento ng ibang Tamaraws, at mga larawan at bidyo ng mga madidilim na pasilyo.
Apat kami noon—ako, si Ed, Jade, at Jaime—at dahil tinamad na kaming maghagdan, nagpasya na lang kaming sumakay ng elevator. Alam mo na, ‘yung lumang elevator na parang nasisira linggo-linggo, ‘yung palaging tumitigil sa gitna ng biyahe, ‘yung parang may sariling isip.
Sabi nga nila, dating FEU hospital ‘yung kinatatayuan ng ENB, bago ‘to nilipat sa may Quezon City. Kaya minsan, may maaamoy ka na lang na parang matapang na kalawang.
Pinindot ko agad ‘yung ‘G’ pagkasakay namin ng elevator. Umungol ‘yung mga makina, parang mga kaluluwang pinipilit bumangon mula sa lupa. Kumikislap ‘yung mga ilaw, at sa pagitan ng mga kislap, parang kumukupas ang kulay ng balat namin.
Biglang huminto ‘yung elevator.
Pero hindi sa ground floor. Hindi muna kami pinapauwi.
Bumukas ang pinto sa dilim. Walang ilaw. Walang tunog. Walang ring kinikislap na numero ‘yung floor indicator sa itaas. Blangko.
Parang second floor, ‘yung car park. Pero iba ‘yung amoy. Iba ‘yung hangin. Malamig, malagkit, amoy antiseptic at kalawang na ewan. Wala talaga kaming makita sa gitna ng dilim, na para bang ni isang poste ng ilaw ang nakabukas sa labas.
May narinig kaming tunog ng tsinelas. Mabagal. Kinakaladkad. Parang hirap na hirap maglakad.
Si Ed, medyo bobo talaga, sumilip pa.
“Kuya maintenance?”
Walang sumagot.
Pero maya’t maya, may biglang bumubulong. Malapit. Parang nasa mismong tabi lang namin.
“Huwag kayong maingay…”
Napaluha na lamang si Jade, nanginginig. Si Jaime naman ay pilit na pinipindot ‘yung close button pero ayaw gumana. Tumigil sa pagkikislap ‘yung ilaw sa elevator at sa sandaling ‘yon—nakita ko siya.
Sa dulong dulo ng pasilyo, nababalot ng kadiliman, halos hindi mo maaninag pero nandoon siya. Nakatayo. Nakaputi. Walang mukha.
At sa minutong iyon ay naalala ko ‘yung sinabi ng isang senior sa OPC: ‘pag huminto raw ‘yung elevator sa palapag na hindi dapat, sabihin mo, “daan ka na po.”
Huwag kang titingin. Huwag kang magsasalita ng iba pa.
“Daan ka na po,” sinabi ko. Medyo mahina sa umpisa ngunit inulit ko pa nang mas malakas.
Hindi pa kalahating segundo ang lumipas, sumara na ‘yung pinto at biglang bumagsak ‘yung elevator, parang nilalamon ng lupa.
Pagbukas, ground floor na kami. Walang nagsalita sa amin, hanggang sa makabalik kami sa dorm. Hanggang sa makatulog na ang lahat.
Kinabukasan, sabi ng professor namin, under maintenance daw ang elevator kagabi.
Beatrice Diane D. Bartolome
(Illustration by Iya Maxine Linga/FEU Advocate)