Bali-Baling Balarila

FEU Advocate
August 12, 2023 07:02


Ni Nathalie Melanio

Minamahal kong Mirasol, 

Mula kamusmusan, puso ko’y ‘sing tigas ng aking ulo—ito’y walang inaamong himig at basta-basta na lamang tumitibok nang desafinado. Bagama’t ako’y makakalimutin, alaala ng unang pagtagpo ng ating mga mata’y malinaw pa rin sa ‘kin, sapagkat na-love at first sight ako sayo, iyon din ang unang pagkakataong natuto ng tono ang aking puso. 

Simula noong aking maani ang matamis mong oo, mayroong pesteng namugad sa ‘king palaisipang lubos na nakakapagpagag, nakakabagpapag, nakakapagpabagabag. Pasensya, mabuti na lamang at diyan ang aparatong lumalayag sa bawat tipa upang sumaklolo. As I was saying nga diba, ayon nga sa aking sinasabi, mayroong malaking kalawakang namamagitan sa ating pagsasama. Maliban sa ako’y utak-biya sa larangan ng romansa, ako’y uslak sa sarili kong wika. 

Pagtangis na hudyat ng ating pagkasilang at mga galos sa tuhod ngayo’y hilom na’y natamo sa bugtong lunan, salungat sa panahong ating pinagmulan. Kanlungan mo’y sa nakaraan—doon, ang mga taong iyong nakakahalubilo’y hasa sa bernakular. At ang dalawang salitang binubuo ng siyam na titik ay madaling pakawalan at mas madaling mapadama; sanhi ng inyong pagkakatulad na ating pinagkaiba. Ako’y namamalagi sa ‘yong kinabukasan, kasama ng mga kapwa ko bilanggo ng wikang banyaga. Dito, ang parirala ng pagsinta’y hindi nagliliwaliw sa dulo ng aking dila, bagkus ay nakapihin sa talampakan ng aking mga paa—ano’t ganoon na lamang kahirap sambitin ang katagang “mahal kita”? 

Minsan ko na ring minunimuni ang possibility na ano, pinagnilayan ang maaaring katwiran. Puwera sa bistong pagsulpot ng kalinangang tanyag, marahil ito’y dulot ng ating malupit na kasaysayan. Yapos ng mga kaluluwang sumugpo't lumisan sa kasarinla’y salat namin, kaya’t timbang ng “mahal kita” ay tila kanighala sa lalamunan.

Pag-aatubili'y 'di alintana kung ikaw ang makaririnig. Ngunit, ako’y natatakot na kaipala ito’y magmaliw at tuluyang malunod sa agos ng panahon. Kasalukuyan natin kailanma’y hindi mahahabi ng tadhana, datapwa’t nais kong makasabay sa aliw-iw at makiawit sa liriko ng kundiman ng iyong puso, at makulayan ka sa sipilyo pinsel ng isang tanyag na pintor. 

Kaagapay ng aking kasakiman ay kadalamhatiang dala ng oras kong sinayang sa paghahanap ng kaalwanan sa lenggwahe ng iba. Hangad kong sisirin ang karagatan ng katutubong wika nang sa gayon, ika’y hindi ko lamang maintindihan, kundi upang maramdaman ding muli ang dangal na hatid ng pagiging anak ng aking Inang Bayan. 

Anila’y wika ay sagisag ng independensiya at pati sa ‘yo, nais kong kumalas at muling lumaya. 

Paumanhin kung ang kalat wari asiwa ang aking pormasyon pagtatagpi ng mga salita. Sa kabila ng bagitong pagbabaybay at bali-baling balarilang mapapansin sa aking munting liham, nawa’y taglay na pag-irog sa iyo’y mahinusay kong maipalaam. 

Laging sumasaiyo, 
Isagani

(Dibuho ni Alexandra Lim)