FEU DepComm prof wins at the 34th Gawad Alternatibo Awards
- September 12, 2022 17:03
FEU Advocate
August 01, 2024 19:41
Kailanma'y hindi ginusto ni Pedro ang maging isang superhero. Kaya siguro hanggang ngayo'y 'di pa rin niya lubos na maunawaan kung bakit siya pa? Sa bilyon-bilyong tao sa 'di mabilang na mga alternate universe, bakit siya pa ang pinuntirya ng lintik na gagambang 'yon?
Pwede namang 'yung mas matangkad; mas batak; malaman ang mga masel para garantisadong matuturuan ng leksyon ang mga masasamang-loob.
Pwede naman 'yung may badyet; para hindi pipitsugin ang superhero costume; 'yung astigin at may dating para mas seryosohin ng masa.
At higit sa lahat, pwede namang hindi taga-Pilipinas: mas mainam kung mamamayan ng mga bansang 'di hamak na mas mauunlad. Doon ay mas madali pang lumambitin at magpasikot-sikot dahil mas maganda ang mga imprastruktura.
Mahirap kayang maging superhero sa Pinas. Hindi pa nagsisimula ang pakikipaghabulan ay hapong-hapo na si Pedro; balot na balot ba naman ang buo niyang katawan sa siyudad na may 48°c heat index? Malalagutan muna siya ng hininga sa init ng panahon at halumigmig ng hangin bago niya mahuli ang suspek. Pero ayos lang, pamilyar na siya kung gaano kahirap ang buhay.
Hindi naging madali para kay Pedro ang maulila nang maaga. Simula nang yumao ang kaniyang mga magulang, tila hindi na huminto ang oras para sa kaniya; araw-araw siyang nakikipagpatintero sa mga kriminal. Araw-araw rin ay nakikipaghabulan sa ‘di maubos-ubos na mga obligasyon sa paaralan at trabaho. Impyerno para sa kaniyang ipilit bakahin ang kolehiyo habang sinusubukang iahon ang sarili sa kahirapan. Minsan napapaisip na lamang siya, 'Hindi ba't parang ang olats naman ng ganitong kapalaran?'
Hindi para sa lahat ang pagiging bayani.
Ito ang mapait na katotohanang kinailangang lunukin ni Pedro.
Sa ilang taon niyang pagpapatrolya sa siyudad, ilang kalam din ng sikmura ang ininda niya para makapagbigay-serbisyo. Kung tutuusin, 'di naman niya obligasyon ang pagtulong; hindi naman siya bayad dito. Ngunit kahit ilang sakripisyo at pagmamabuting-loob ang ialay ni Pedro, pilit pa rin itong dinudungisan ng propaganda. Bawat segundong inilalaan niya sa pagseserbisyo ay bawas sa katiting niyang kinikita sa araw-araw. Kapalit ng bawat taong sinasagip niya ay ang paglugmok niya sa sarili niya sa dagok. Kapalit ng kaligtasang dala niya ang pansariling panganib.
Matagal nang nagretiro si Pedro sa kaniyang kakaibang extracurricular activities.
Ngayo'y inaabala na lamang niya ang kaniyang sarili sa pagrerebyu para sa nalalapit na board exams; mga libro at transes na lamang ang pumupuno sa bag ni Pedro—wala na ang nanluluma at gulagulanit niyang spandex. Hindi nga ito mapalitan ni Pedro kasi uunahin pa ba niya ang damit kaysa sa panlaman ng tiyan? Wala na rin siyang oras para suotin 'yun pagpatak ng uwian—dumidiretso na siya sa malapit na fast food upang magpakaalipin sa salapi. Singkwenta lamang ang kita niya sa isang oras, pero mas mabuti na ang gano'n: napapakinabangan; malayo sa tunay na kapahamakan.
Mas payapa na ang buhay ni Pedro magmula nang hubarin niya ang kaniyang maskara at piliin ang buhay-sibilyan. Wala nang mga nakaunipormeng palihim na nagmamanman sa kaniyang bawat galaw.
Wala nang kumukuha ng larawan niya upang ipamigay sa publiko bilang babala.
Wala nang bumabanggit ng kaniyang alyas nang may halong pag-aakusa. Hindi na rin problema ni Pedro ang paglulunas sa kaniyang mga galos at pilay pagtapos ng kaniyang mga pakikipagsagupaan. Mabuti na rin 'yon. Mahal maaksidente sa Pilipinas.
Hindi rin natin masisi si Pedro kung pinili niya ang pansariling kaligtasan sa pagkakataong ito. Ibang klase na ang kasamaang naghahari sa lipunan ngayon. Iniluklok sila sa mga posisyon ng kapangyarihan; sandata nila ang batas.
Sa bandang huli, wala pa rin siyang pinagkaiba sa isang gagamba. Sa mata ng mga mapang-abuso, mapagsamantala, at mapanlinlang, isa lamang siyang 'di hamak na insekto: madaling tirisin; madaling ligpitin; madaling patahimikin.
Alam iyon ni Pedro. At oo, natatakot si Pedro. Dahil sakali mang dapuan siya ng kapahamakan—sakali mang malagay siya sa panganib—alam niyang walang ibang darating para iligtas siya.
- Valerie Rose V. Ferido
(Dibuho ni Toni Miguela Ursua/FEU Advocate; Kuha nina Zedrich Xylak Madrid, Juan Agustine Beltran, Ralph Mari Castro, Jan Dendiego, Ken Harold Hadi, Janice Aina Herrera, at James Neil Tamayo/FEU Advocate ;Paglalatag ni Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)