Bagsakan: Punla ng militarisasyon sa isinasapribadong kanayunan ng SJDM

FEU Advocate
October 05, 2024 10:27


Nina Mark Vincent A. Durano at Eunhice Corpuz

Isang paraan bilang pagkondena sa pagmamalupit sa mga magsasaka ang kolektibong pagbubungkal ng lupa, partikular para sa mga Bagsakan farmer ng San Jose del Monte (SJDM), Bulacan. Ngunit sa patuloy na banta at presensya ng 80th Infantry “Steadfast” Battalion ng Philippine Army (IBPA), tila inaani ang kaliwa’t kanang paglabag ng karapatang pantao sa gitna ng patuloy na pagsasapribado ng munting lungsod.

Tinatayang mahigit 400 pamilyang magsasaka ang apektado sa patuloy na panghihimasok ng mga elemento ng 80th IBPA sa komunidad ng mga Bagsakan farmer.

Direktang binebenta ng mga Bagsakan farmer ang kanilang mga ani sa mga konsyumer sa pamamagitan ng ‘bungkalan’ kontra sa mataas na patong sa presyo ng mga middleman.

Sa bungkalan, kolektibo silang nagsasaka at naglilinang ng lupa upang igiit ang kanilang karapatan sa agrikultural na lupa, laban sa pangangamkam ng mga landlord.

‘Lupa namin ito.’

Sa isang report back forum na ‘Defend Bagsakan Farmers, Assert Our Right to Land and Food’ ng Tanggol Magsasaka, isiniwalat ang mga nakalap na impormasyon mula sa mga serye ng fact-finding at solidarity mission sa SJDM.

Kasama ang iba pang mga organisasyon, kinonsolida nila ang mga magsasaka mula sa Barangay Tungkong Mangga, San Roque, San Isidro, at Paradise III ukol sa mga karapatang pantaong nilabag ng 80th IBPA.

Nakapag-ulat ang mga agrikultural na grupo ng mahigit 20 kaso ng paglabag sa karapatang pantao at International Humanitarian Law (IHL). Ilan sa mga porma nito ang forced at fixed surrenders, grave coercion sa ilalim ng Article 286 ng Revised Penal Code, red-tagging, terror-tagging, paglabag sa freedom of association, illegal arrest, paglabag sa domicile, profiling, paglabag sa Data Privacy Act of 2012, pagbabanta, pangha-harass, intimidasyon, paggamit ng militar sa mga pampublikong espasyo, at panganganib sa populasyong sibilyan. 

Isinalaysay naman ng Bulatlat na nilalabag ng mga operasyong ito ang Article 48, 51, at 53 ng Additional Protocol I to the Geneva Conventions ng IHL.

Takot at pangangamba ang mismong kumikitil sa masaganang pag-aani ng mga Bagsakan farmer na tinataniman ng mga akusasyong walang basehan mula sa 80th IBPA.

“Itong serye ng operations at red-tagging sa mga magsasaka ay nagdudulot ng takot at pangamba na nalilimitahan ang kanilang kilos. Hindi na sila nakakapunta sa kanilang sakahan para magtanim,” pag-uulat ni Rex Cesora mula sa Tanggol Magsasaka.

Sa patuloy na paglabo ng linya sa pagitan ng mga sibilyan at estado, naiipit ang mga magsasaka sa peligrong buhat ng presensya ng militar.

Isinalaysay din sa forum ang paglusob ng 80th IBPA kasama ng Bulacan Philippine National Police sa bahay ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Secretary-General Ronnie Manalo habang walang tao noong kinaumagahan ng ika-18 ng Hunyo.   

Ayon sa ulat ng Ang Bayan Ngayon, itinanim lamang ang mga ebidensyang nakalap mula sa tahanan ni Manalo, tulad ng M16 rifle, shotgun, mga granada, laptop, at dokumentong “subersibo.”

Sa parehong araw, pinuntahan din ng mga militar ang bahay ni Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) Chairperson Cecilia Rapiz at pinaratangan siyang sumusuporta sa New People’s Army (NPA).

Nagpatawag din ang response mission ng courtesy call sa lokal na pamahalaan ng SJDM kung saan sumama sa sakahan ang Chief-of-Staff ni SJDM Mayor Arthur Robes na si Atty. Juan Miguel Perez-San Pedro at Tungkong Mangga Barangay Captain Alexander Medina kinabukasan ng insidente.

Sa kaliwa’t kanang pagtatayo ng mga kampo ng sundalo sa SJDM simula ika-21 ng Hunyo, napalibutan na ng kanilang mga elemento ang komunidad ng mga Bagsakan farmer na naging dako para sa mga military summon at coercion.

Tila nakapabilog sa kanilang komunidad ang mga kampo ng 80th IBPA ayon sa ulat ng Tanggol Magsasaka.

Ibinunyag din ni Cesora na mayroong kampo ng militar sa tabi ng barangay hall ng Tungkong Mangga at sa bukana ng komunidad ng Sitio San Isidro o Baryo Bisaya. Nagsagawa umano ang mga sundalo ng “red-tagging seminar” sa mga opisyales ng barangay at residente ng Paradise III noong ika-24 ng Hunyo.

‘Dito kami naninirahan.’

Sa pag-usbong ng commercial development, pilit na pinapaalis ang mga magsasaka na namamalagi sa kanilang sariling lupain. Tila napalitan na ng aspalto at subdibisyon ang dating sakahan at bulubundukin sa ngalan ng urbanismo.

“Ang kanilang objective ay palayasin ang mga magsasaka at kanilang komunidad for the sake of commercial development and in the effort to do so (para sa kapakanan ng commercial development at upang masagawa ito) ay nagkakaroon ng serye at continuous attacks sa mga komunidad ng Bagsakan farmers,” sambit ni Cesora.

Kaakibat nito, mahigit 300 hektaryang lupa ang napasakamay ng mga Araneta sa pangunguna ni Greggy Araneta, ang bayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kapatid ni First Lady Liza Araneta Marcos.

Simula 1995 naman, nakapagpatayo na ng mahigit 100 subdibisyon ang dinastiyang Villar at nakapagmay-ari ng 1,400 hektaryang lupain. Naghahari din ang mga panginoong maylupang Ayala at Sta. Lucia sa SJDM sa kaliwa’t kanang mga real estate development tulad ng Altaraza at Colinas Verdes na parehong katuwang ng mga Araneta. 

Nakapagtayo na rin ng mall ang mga Sy-Mendiola sa Tungkong Mangga. Dagdag pa rito, sa taong 2028 din inaasahang maging operational ang MRT-7 sa pamumuno ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation.

Matatandaan namang kasama si Manalo sa mga magsasakang pinaulanan ng bala sa Sitio Ricafort sa Tungkong Mangga ng kampo ng Araneta Properties Inc. noong 2022. 

Noong 1999 naman, apat mula sa Sandigan ng Samahang Magsasaka (SASAMAG) ang pinaslang ng humigit-kumulang 20 guwardiya ng mga Araneta na tinaguriang Tungkong Mangga Massacre.

Hindi rin ito ang kauna-unahang pamamalagi ng Armed Forces of the Philippines sa SJDM. Habang may presensya ng “peace and development teams” ng 48th IB sa SJDM, pinatay ng dalawang gunmen ang mag-asawang magsasakang sina Roger at Lucila Vargas.

Ang espasyong lupa na sinasakahan ay patuloy na isinasapribado at tinututulan ng mga magsasaka dahil malaking kawalan ito sa kanilang kabuhayan. Bagaman naipasa ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) sa SJDM, isang mandato mula sa Philippine Development Plan, hindi ito nasusunod. 

Nakapaloob dito na kinakailangan ng bawat na lokal na pamahalaang makapagbigay ng komprehensibong plano upang magabayan at maayos ang bawat yamang lupa at spatial na sukat ang lugar.

Ayon sa datos ng CLUP, mayroong 5,377.3 hektaryang lupa para sa general agriculture noong taong 2004 na bumaba sa 3,271 hektaryang lupa sa taong 2015. Patuloy naman itong ibinaba buhat ng iminungkahing 1,604.87 hektaryang lupa sa Proposed Land Use.

At sa mga sumunod na taon, paunti nang paunti ang mga agrikultural na lupa dahil sa pagkokomersyalisado sa mga sakop na lupa nito. 

‘Magsasaka kami.’

May karapatan ang isang tao na tumugon at tumanggi kung ang sariling karapatan nito ay nalilimitahan. Ngunit ang ganitong sitwasyon ng pangingikil ay nararanasan ng mga magsasaka mula sa Brgy. San Roque, Paradise 3, at Tungkong Mangga. 

Ayon sa parehong forum, iilan sina Carmina at Teresita, hindi nila tunay na pangalan, sa mga nakaranas ng red-tagging mula sa 80th IBPA bilang komunistang miyembro ng NPA. Ilegal din silang kinuhanan ng litrato.

Ang 46 taong gulang na magsasakang si Carmina ay naglalaba lamang nang dumating ang dalawang sundalo mula sa 80th IBPA, ang isa sa mga sundalo ay armado at parehong nakasibilyan. 

“Tinanong siya kung miyembro siya ng KMP, tumango siya. [Pagkatapos ay] inakusahan siya ng isang sundalo na miyembro ng NPA na [kaagad] niyang itinanggi,” pagsasalaysay ni Cesora.

Pagkatapos ng naging engkwentro ay binisita si Carmina ng mga sundalo ngunit nabigo silang matagpuan ang magsasaka. Noong ika-18 ng Agosto, bumalik muli ang dalawang sundalo at ipinakita sa biktima ang mga listahan ng mga miyembro ng SASAMAG at inaakusahan siya muli na sumusuporta sa NPA na kaniya pa ring itinanggi. 

“Pinilit siyang pirmahan ang isang affidavit na kanilang idinikta kung saan inuurong niya ang suporta sa CPP-NPA-NPF [Communist Party of the Philippines-NPA-Nayong Pilipino Foundation] at pakikilahok sa aktibidad ng KMP o SASAMAG,” saad ni Cesora. 

Mismong asawa ng biktima ang naging saksi sa pirmahang naganap at diniktahan silang manatili sa komunidad ng dalawang taon. 

Ganito rin ang naging sitwasyon ng 62 taong gulang na magsasakang si Teresita mula sa Sitio Ricafort na pinatawag umano ng mga militar na pumunta sa barangay kasama ang apat pang magsasaka. 

Ilegal na ininteroga ang mga biktima ng mga sundalo at binantaan umano ito ng sundalo kung sakaling hindi siya sisipot sa mga katanungan. 

“Nagtanong ito [kay Teresita] ng mga personal na bagay at inakusahan siyang sumusuporta sa NPA na kaniyang itinanggi. Sinasabing hindi sapat ang kanila[ng] kita para sa sarili[ng] pangangailangan, [kaya’t] susuporta pa ba sila sa NPA,” pagsasadula ni Cesora.

Bukod sa dalawang biktima, ang ganitong pangha-harass mula sa puwersa ng militar ay nakaapekto rin sa psychosocial na kalagayan ni Rapiz. 

“Lalong-lalo na po ako dahil matindi ‘yung epekto, nag-psychosocial na ako [at] nagpa-check-up. Sa ngayon po traumatized at insomnia po ‘yung sakit ko,” paglalahad nito.

Panawagan naman ng KMP, AMB, Tanggol Magsasaka, at iba pang mga grupo na palayasin ang 80th IBPA sa komunidad ng mga Bagsakan farmer at nais din nilang mapanagot ang mga miyembro ng militar na lumabag sa karapatang pantao at IHL.

Ang bawat taniman ng mga Bagsakan farmer ay napapalitan ng kongkreto na kung hindi matutugunan agad, ang kanilang kabuhayan ay nakabinbin at sila’y patuloy na maghihirap. Kaya patuloy ang panawagan para sa kolektibong aksyon na tutulan at pigilan ang mga walang habas na banta sa mga magsasaka at sa kanilang mga taniman. Dahil sa labang ito, hindi lamang kabuhayan nila ang nanganganib kung ‘di pati na rin ang pamumuhay ng bawat magsasaka sa SJDM.

(Latag ni Jonathan Carlos/FEU Advocate; Mga litrato mula sa SAKA at SINAGBAYAN)