Bagong recruits Kant, Abatayo, tutok sa pag-ahon ng Lady Tams

FEU Advocate
August 21, 2025 19:12


Ni Dwyane Harry L. Cabrera

Matapos ipakilala ng Far Eastern University (FEU) women’s basketball team ang Fil-Norwegian forward na si Marthe Kant at ang Fil-Canadian guard na si Shemaiah Abatayo, pursigidong tumulong ang dalawa sa pag-unlad ng Lady Tamaraws sa mga paparating na season

Pormal nang inanunsiyo sa FEU Women’s Basketball Facebook page ang pagsali ni Kant noong ikapito ng Agosto habang si Abatayo naman ay noong ika-13.

Sa panayam ng FEU Advocate, naniniwala si Abatayo na magagamit niya ang kaniyang karanasan sa mataas na antas ng paglalaro sa Canada bilang malaking puhunan sa kaniyang pagpasok sa UAAP.

Playing in Canada exposed me to a fast-paced and competitive style of basketballIt really helped me improve my decision-making and court awareness (Ipinaranas sa akin ng paglalaro ko sa Canada ang mas mabilis at mataas na antas ng basketball… Talagang nakatulong sa akin na mapabuti ang aking paggawa ng desisyon at court awareness),” saad niya.

Bago pa man lumipat sa Pilipinas, ipinamalas na ni Kant ang kaniyang talento sa Nidaros Jets sa Trondheim, Norway matapos sumabak sa 1st Division Women’s League.

Samantala, naging bahagi naman si Abatayo ng Trinity Western University sa Langley Township, Canada kung saan naglaro siya sa Canada West Universities Athletic Association.

Unang namataan ang dalawa bilang mga produkto ng Fil-Nation Select, isang organisasyon na nagbibigay ng oportunidad sa mga atletang Pilipino mula sa iba’t ibang parte ng mundo.

Nagpasikat si Abatayo matapos mapabilang sa Fil-Can Nation Select, kung saan unang nasilayan ang kaniyang talento bilang isang playmaker na may galing at talino sa pagkontrol ng daloy ng laro.

Hindi rin nagpasindak si Kant bilang kauna-unahang produkto ng Fil-Euro Nation Select na nangakong umanib sa isang UAAP school

Dala ang kanilang taglay na karanasan, handa silang maging alas para sa Lady Tamaraws matapos ang kanilang 3-11 win-loss record noong University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87, kung saan nagtapos sila bilang ikapito sa standing.

Ang motibasyon at hamon na makapaglaro sa ligang may mas mataas na antas pagkatapos ng kaniyang paparating na karera sa UAAP ang nagtutulak kay Kant upang mas pagbutihin ang paglalaro.

Knowing that I’m good enough to join a UAAP school gives me motivation to become even better. I also feel a little pressure because many people expect me to reach even higher when I’m done at the UAAP (Alam kong sapat ang aking kakayahang mapabilang sa isang UAAP school kaya may motibasyon ako para mas maging mahusay. Nakararamdam din ako ng kaunting presyon dahil maraming tao ang umaasang maaabot ko pa ang mas mataas na antas kapag tapos na ako sa UAAP),” aniya.

Apat na beses ding kinatawan ni Kant ang Fil-Euro bilang bahagi ng under-19 team na lumahok sa Play Manila Live tournament.

Sa pananaw naman ni Abatayo, hindi sapat ang indibidwal na galing lamang; kailangan din ang pagsusumikap ng bawat isa upang umabante ang koponan.

I’m confident that I can contribute, but I know it takes the effort of the entire team to improve. Trusting our team’s system and trusting each other will also play a big part in that growth. (Naniniwala ako na kaya kong tumulong, ngunit alam ko na kailangang magsumikap ng buong koponan para gumaling. Pagtitiwala sa aming sistema at pagtiwala sa isa’t isa ay magiging malaking parte rin ng aming pag-unlad),” ayon sa Fil-Canadian cagebelle.

Sa kasulukuyang pagsusulat, kaagad na sasabak si Abatayo sa paparating na Season 88. Samantala, wala pang anunsiyo kung kailan maglalaro si Kant para sa Pamantasan.

(Mga litrato mula kay Mark Janzen/Trinity Western Athletics at sa Fil-Euro Nation Select Instagram page)