Asis, nagtala ng 15 puntos laban sa Lady Pirates

FEU Advocate
August 14, 2024 21:10


Ni Angel Joyce C. Basa

Pinangunahan ni Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraw Jean Asis ang laban kontra Lyceum of the Philippines University (LPU) Lady Pirates, 25-16, 25-18, 28-26, sa 2024 V-League Women’s Collegiate Challenge kaninang hapon, ika-14 ng Agosto, sa Paco Arena sa Lungsod ng Maynila. 

Nakapuntos ang Tamaraw middle blocker ng 15 mula sa 11 attacks, tatlong blocks, at isang service ace sa loob ng tatlong sets.

Sa unang set, hindi nagawang makalamang ng LPU dahil sa sunod-sunod na atake mula sa koponan ng FEU na sinimulan nina Jazlyn Ellarina, Faida Bakanke, at Asis. 

Naging mabilis ang takbo ng laro para sa Lady Tamaraws dahil sa malayong agwat ng puntos nila sa Lady Pirates na umabot ng siyam sa wakas ng unang set, 25-16.

Sa ikalawang set, lamang pa rin ang FEU sa bilang ng attacks at blocks na 12 at tatlo, laban sa siyam na attacks at kawalan ng blocks ng kabilang koponan. 

Naging dikit ang pangatlong set sa pagitan ng dalawang grupo na nagdulot ng extended match at set, ngunit nanalo pa rin ang Lady Tamaraws sa iskor na 28-26.

Bukod kay Asis, nakuha ng setter na si Tin Ubaldo ang Player of the Game dala ng kanyang 14 excellent sets at siyam na puntos mula sa limang attacks at apat na blocks.

Pumangalawa naman ang outside spiker na si Chen Tagaod sa talaan ng puntos sa bilang na 10, habang umaktong ‘magic bunot’ si Ann Monares noong ikatlong set sa pagtala ng anim na puntos mula sa apat na attacks at dalawang aces.

Ito ang unang panalo ng Lady Tamaraws sa pagbabalik ni head coach Tina Salak sa koponan matapos nitong maging consultant sa nagdaang University Athletic Association of the Philippines Season 86.

Susubukan namang dagdagan ng FEU ang kanilang panalo sa 2-2 win-loss record laban sa University of The East sa ika-25 ng Agosto na gaganapin sa parehong lugar.

(Litrato mula sa V-League)