CommSoc to launch the first virtual #CommWeek
- May 01, 2021 19:37
FEU Advocate
February 11, 2024 08:07
Ni Niña Amor Malakas
Minsan nang nangarap sina Juan at Juana ng demokrasyang magmamarka ng tunay ng diwa ng kalayaan. Upang makamit ito, itinuos nila ang kanilang mga kaluluwa nang makamtan ang pinipithaya para sa kanilang sinisintang bayan.
Saglit mang natamasa ng kanilang mga salinlahi, sinong mag-aakala na ang kalayaang kanilang pinagpuhunan ay tila mararating na ang katapusan?
Panahon pa lamang ng dating pangulo na si Ferdinand Marcos Sr., batid na ng mga Pilipino ang banta sa kanilang buhay kung sakaling magpahayag ng saloobin o kritisismo sa pamamalakad ng pamahalaan.
Dulot nito, buhay ang inialay ng mga Pilipino upang simulan ang panawagang walang kasiguraduhan kung mapakikinggan. Sa mahigit isang dekada na pagkagapos sa balatkayong katahimikan ay binalot sila ng tapang at lakas upang kumalas mula sa kadenang bumihag sa kanilang mga ideolohiya.
Ang ningas na ito ay nagbunga ng rebolusyon noong Pebrero 22 hanggang 25 taong 1986. Sa pagsisikap, nakamit ng mga Pilipino ang inaasam na paghiyaw ng kanilang kritisismo nang walang pangambang babalot sa kanilang mga dibdib.
Matapos ang tatlong araw na pagtutuos, tagumpay nilang nasibak sa pwesto si Marcos Sr. at sa kaparehas na araw ay umupo si Corazon Aquino bilang bagong pangulo sa pamamagitan ng biglaang eleksyon. Nabuo ang 1987 Philippine Constitution sa kamay nito.
Malinaw na nakasulat sa Artikulo III Seksyon 4 na walang batas ang nararapat ipagtibay kung ito ay makababawas sa kalayaan ng mga indibidwal na magsalita at magpahayag. Kabilang din dito ang malayang magtipon at magpetisyon upang ilahad ang kanilang karaingan.
Mula rito, tuluyan nang nabanaag ng sambayanan ang karapatang matagal na sanang naisabuhay. Ilang sibat man ang nagpumilit na humarang ay dala-dala pa rin nila ang bulahaw ng kanilang mga hangarin.
Sa mahigit dalawang dekadang pagtamasa sa kanilang mga karapatan, animo’y muling nanumbalik ang lagim ng nakaraan na siyang naging balakid sa kanilang mga panawagan.
Sa ilalim ng dating pangulo na si Rodrigo Duterte, ipinasa ang Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act noong Hunyo 5, 2020. Ganap itong naging epektibo noong Hulyo 18 sa kaparehas na taon dala ng pangamba sa lumalaganap na terorismo sa bansa.
Nito lamang Enero 15, naisabatas na ang nasabing Republic Act na kinilala sa bansag na Anti-Terrorism Law.
Nakasaad sa Seksyon 4 nito na maaaring bansagang terorista ang isang indibidwal kung maeenganyo ito sa mga gawaing magbibigay-banta sa indibidwal at pribado at pampublikong pasilidad.
Terorista rin kung maituturing ang indibidwal na magbubuo o magmamay-ari ng anumang armas, maging ang pakikisabwatan sa gawaing terorismo.
Bukod sa mga nabanggit, nakasulat rin sa Seksyon 9 na maaaring maituring na terorista ang indibidwal na magbitiw ng anumang salita o sulat na maaaring maghimok ng terorismo.
Ang sinumang makakatamo ng mga ito ay maaaring arestuhin kahit walang ipepresentang warrant of arrest at ma-detain nang hanggang 24 araw. Kung sakaling mapatunayan, ang parusang bitbit nito ay 12 taon o habangbuhay na pagkakakulong nang walang parole o pagkakataong muling makalaya o magbagong buhay.
Para sa karamihan, nililimitahan nito ang kakayahan ng indibidwal upang magpahayag at magkaroon ng mapayapang pagtitipon. Lalong higit, sa ilalim ng batas na ito, ang kanilang karapatan ay tila nagiging isa nang kasalanan.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Kierran Arno, isang Communication student mula sa Far Eastern University Cavite, inilabas nito ang kanyang saloobin sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law.
“Hindi hamak na ito ay gagamiting armas upang patahimikin ang mga kritiko dahil hindi rume-respeto ng kritisismo ang gobyerno. Mas maraming human rights defenders, activists at miyembro ng ating salat na lipunan ang malalagay sa panganib,’’ sambit ni Arno.
Dagdag pa niya, masyadong malawak ang depinisyon ng nasabing batas sa terorismo at naaapektuhan na nito ang ordinaryong mamamayan.
Ipinaliwanag din nito na ang pagpapahayag ng mga aktibista ng kanilang hindi pagkatuwa sa gobyerno ay kinikilala na ng pamahalaan bilang isang terorismong gawain.
Sa huli, inilahad din ni Arno ang kanyang damdamin ngayong epektibo na ang Anti-Terrorism Law.
“Kung ang paghahayag sa social media ay mapanganib na para sa mga tao, saan na lamang pupulutin ang Pilipinas? Nawawalan at tuluyan pang mawawalan ng malayang espasyo ang mga Pilipino upang ipahayag ang kanilang kritisismo at kanilang mga saloobin sa ilalim ng isang kontra-progresibong gobyerno, kung saan ang opinyon ng kanyang mga tao ay hindi malayang mapakikinggan,’’ panawagan nito.
Sa kabilang banda, isinalaysay ni Dennis Amparo, isang abogado, sa panayam ng FEU Advocate ang kanyang pananaw ukol sa nasabing batas.
‘’Of course, syempre, maraming reservations diyan because in an ideal society, if all the government employees, saka soldiers, and armies are doing their right job, walang problema ‘di ba? [Ang] problema, Philippines is not one of those countries which blessed with righteous government officers ‘di ba?’’ ani Amparo.
Dagdag pa niya, mayroong reserbasyon ang Anti-Terrorism Law dala ng mga isyu sa pamahalaan ng bansa kabilang na rito ang posibleng pang-aabuso sa kapangyarihan.
“‘Yung three days nga lang na ini-impose ng law, subject to abuse, ‘yan pa kayang it will take so many days for you to be detained,’’ hirit nito
Mahalaga pa rin sa pananaw ni Amparo ang naturang batas upang maprotektahan ang kapayapaan ng Pilipinas. Gayunpaman, magiging mabuti lamang ito kung maayos ang pamamalakad ng pamahalaan na siyang taliwas sa obserbasyon ni Amparo.
Sa kabuuan, ipinaliwanag ni Amparo ang kahalagahan ng pag-obserba at pagtiyak sa mga ipinapatupad sa bansa kung isa na ba itong pang-aabuso ng kapangyarihan.
‘’Law must be followed in order that one’s right will not be violated (Ang batas ay dapat sundin sa paraang hindi masagasaan ang karapatan ng bawat isa),” ani Amparo.
Bukod dito, naghatid din ng mensahe si Amparo sa mga Pilipino.
“So in this case, everyone must be vigilant enough to see to it that any atrocities or anything violative in enforcing the law must be observed and be criticized by the ordinary people not just because they are affected by it or not (Kaya sa ganitong kaso, dapat maging mapanagot ang lahat sa pagtutok na tiyakin na ang anumang karahasan o anuman na labag sa pagpapatupad ng batas ay obserbahan at batikusin ng karaniwang tao, hindi lamang dahil sila'y naapektuhan o hindi),’’ panawagan ni Amparo sa mga mamamayan.
Minsan nang minulat ng mga Pilipino ang kanilang mga mata at simula noon ay hindi na nila ito piniring pang muli. Buhat-buhat ang kagitingan ng nakaraan, patuloy nila itong pagtitibayin sa kasalukuyan upang hindi mabaon sa limot ang mga buhay na ipinaraya at hindi na muling tumalukbong sa dilim ng kasaysayan.