Dear Diary, hindi ko akalaing mangyayari 'to...
- October 08, 2024 20:30
FEU Advocate
June 25, 2016 10:30
Nina Daniza Fernandez at Angela Aguila
Haligi ng tahanan, pundasyon na nagsisilbing lakas at sandalan ng bawat pamilya. Siya ang ama na handang gawin ang lahat, alang-alang sa ikabubuti ng mga mahal niya sa buhay.
Sa munting bahay ng tipikal na Pilipino, ang mga ilaw ng tahanan ang naiiwan sa bahay at ang ama ang nakikipag-sapalaran upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Ipinapamalas ng isang padre de pamilya ang katapangan na kaya niyang harapin ang lahat maprotektahan lamang ang kanyang mga mahal sa buhay. Tila superhero na magliligtas sa atin ano man ang mangyari. Subalit, paano kung ang ating tinaguriang bayani ng ating buhay ay pusong babae pala?
Paninidigang Pinanindigan
Si Ramoncito Co, 34 na taong gulang, ay mag-isang binubuhay ang kanyang anak na si Yuan. Iniwan siya ng kanyang dapat ay katuwang sa buhay ngunit, hindi iyon naging hadlang upang gawin niya ang kanyang responsibilidad para sa bata.
Hindi man inaasahan ang pagdating ng bata sa kanyang buhay bilang isang binata, hindi ito tinalikuran ni Co bagkus pinanindigan niya ito. Naging matatag siya at hinarap ang kanyang pananagutan sa bata. Mahirap man dahil siya'y mag-isa lamang, kinakaya niya pa rin ito para sa kanyang pinakamamahal na supling.
"Basically, he is my son, I love him. He is my blood and my flesh. He shouldn't be the one to suffer with my aggressiveness and carelessness," batid niya.
Doble ang gampanin ni Co sapagkat inako na rin niya ang pagiging ina. Siya ang nag-aalaga sa bata at siya rin ang nagta-trabaho upang maibigay ang mga pang-araw-araw na pangangailangan at kagustuhan ng kanyang anak. Kaya kung minsan ay hindi sapat ang oras na naibibigay niya sa bata.
“I don't have enough time to spend with him and raise him the way I wanted. There’s still a difference when you are hands on with your child than having them raised with a helper or your relatives,” aniya.
Isinantabi na ni Co ang mga bagay na tila baga’y umaagaw sa atensyon niya para sa anak. Para sa kanya mas kailangan niyang unahin ang kapakanan nito kaysa sa iba pang mga bagay. At dahil dito maging ang kanyang pag-aaral ay sinakripisyo na rin niya maibigay lamang ang pangangailangan ng anak.
"I was very afraid then if I will be able to support and give him all that he needs. I have to stop going to school then and have to find a job to support him," saad niya.
Mahirap gampanan ang pagiging ama. Mas lalo itong mahirap kung ang pagiging ina ay gagampanan din. Ngunit, para sa isang responsableng ama tulad ni Co, lahat ay posible. Wala man siyang katuwang sa pagpapalaki sa anak, sinubukan pa rin niyang maghanap ng maaaring makasama niya sa buhay.
“For a single parent like me, nothing is much more important than your child. You will come into that point that you would have to sacrifice your own happiness for your child's good sake. But I did try, it’s just that it is so hard to find someone who will love and accept my son as their own child,” pagbabahagi niya.
Inakong Biyaya
Ang pagkakaroon ng supling ay simbolo ng panibagong yugto sa buhay ng tao. Isang kabanata na may kalakip na mabigat na responsibilidad at ilang pagbabago. Ngunit, paano naman kung ikaw ay tumatayong ama sa hindi mo tunay na anak?
Nagsisilbing isang mapagmahal at ulirang ama si Amado Fuentes, 33 taong gulang sa kanyang pinakamamahal na anak na si Justin, 2 taong gulang. Magmula pa lamang noong mapunta ito sa kanyang pangangalaga, ibinuhos na niya ang atensyon at buong pusong pagmamahal sa bata.
Si Justin ay anak ng kapatid na babae ni Fuentes. Bilang breadwinner ng kanilang pamilya, inako na rin niya ang responsibilidad ng pagiging magulang sa anak ng kanyang kapatid, dahil sa kagustuhang niyang magkaroon ito ng magandang kinabukasan.
“So dahil single-parent siya, single-mother, ayoko naman na nadadamay ang bata kaya in-adopt ko na lang siya,” paglalahad ni Amado.
Hindi naman ito naging kaila sa kaalaman ng bata, sa murang edad ay unti-unti na itong naipapaliwanag sa kaniya. Bukod sa sitwasyong ito, sinigurado rin ni Amado na maging tama ang kanyang pagpapalaki sa anak upang maintindihan maging ang kanyang napiling kasarian. Hindi rin naman naging lihim sa anak ang pagiging pusong babae ng ama.
Hindi naman maitatangi na mayroon talagang binago sa kanyang buhay ang pagdating ni Justin. Aniya kung noon ay malaya siyang gawin ang gusto niya, ngayon ay nalilimitahan na rin ito sapagkat mas pinipili niyang ituon ang buong atensyon sa kanyang anak.
“I’m 33 years old na, nung teenager ako naranasan ko na ‘yang mga ganyan. Ngayon para sa kaniya naman kumbaga tapos na ko sa pagpapakasaya lang. [Ngayon] ang iniisip ko [nalang] talaga ay yung mabigyan siya ng magandang future.”
Sa kabila nito ay wala naman siyang pinagsisisihan na naging bahagi ng kanyang buhay ang anak na si Justin. Kailanma’y hindi niya inisip na ito ay sagabal sa kanyang buhay. Itinuturing niya itong biyaya na kailanma’y hindi niya ihihiling na ipagpalit sa ibang bagay.
Hindi maiaalis na balang araw ay maaring dumating ang panahon kung saan ang bata ay muling kunin ng kanyang ina upang makasama. Bukas naman sa ganitong ideya si Fuentes.
Ang tanging pinahahalagahan lang ngayon ni Fuentes ay ang kapakanan ng kanyang anak at ang kinabukasang maibibigay niya rito. Sa kanyang sekswalidad ay batid din naman nito na may posibilidad na hindi na siya maghanap ng makakatuwang pa. Sa ngayon masaya siyang kapiling ang kanyang anak na hindi man nagmula sa sariling dugo at laman, alam niyang galing sa puso ang pagmamahal.
Taga-pagtanggol, taga-pagligtas, taga-pagtaguyod at taga-gabay. Ilan lang ito sa mga gampanin ng isang ama. Bukod pa rito kung gagampanan din nila ang gawain ng isang ina. Sila ang nagsisilbing bayani sa ating buhay, hari sa kaharian, at huwaran pagdating sa pagmamahal. Ano man ang itawag natin sa kanila, paano man natin ilarawan o bigyan sila ng pangalan. Ang pagiging haligi nila ng ating tahanan ay sapat na upang malaman ang kanilang katapuan sa ating buhay.