Ang Pangarap Kong Holdap

FEU Advocate
August 06, 2025 19:32


Sa Recto, hindi tinuturo ang mangarap.

Dito, walang nagtatanong kung ano ang gusto mong maging paglaki. Sa halip ay tinuturo sa amin kung ilang segundo ang kailangan para makatakbo mula Avenida hanggang sa nanlilimahid na eskinita.

Ilang beses ka ba puwedeng mahuli bago ka tuluyang mabigyan ng ngalan sa diyaryo? Bago matawag na isa lang sa marami?

Kaya sa aking paglaki ay nagkaroon ako ng isang pangarap—gusto kong maging holdaper.

Tututukan ko ng kutsilyo ang gobyernong nagbubulag-bulagan, ang mga nasa taas na tinanggalan kami ng karapatan. Para ito sa bawat pagkakataong hindi kami pinansin ng mundo. Lahat ng panahong sinabihan kaming magtiis, maghintay, at magdasal. Oras na para sila’y matakot, oras na para sila naman ang bagabagin.

Holdap ito, oo!

Ngunit hindi ko gusto ang cellphone mo o ang malulutong na libo sa iyong pitaka. Ang nais ko lang ay masindak ka. Nagulat ka ba? Na ang isang hamak na musmos, pulubing basura kung ituring ng lipunan, ay may kakayanang hugutin ang dulo ng inyong hininga?

At kung mabaril man ako ng mga hudas na may tsapa ay ayos lang.

Sanay na kaming halikan ang malamig na semento.

Dito sa Recto, at sa iba pang mga lugar na itinuturing na marumi ng lipunan, ay wala namang lumalaban na hindi tinutuluyan.

Pero bago humandusay, tatawanan ko muna ang inyong mga hindi makapaniwalang mukha sa aking tagumpay na pangarap. Sa wakas, umabot at narinig na sa Malacañang ang isang hamak na holdap.

At kahit mamatay ako sa holdap na ito, hawak ko pa rin ang kutsilyo.

Ang galit namin ay hindi niyo kailanman mahoholdap.

  • Sean Clifford Malinao 

(Latag ni Jeffrey Dela Cruz/FEU Advocate)