Ang pakikipagsapalaran ni Baste sa nagbabagong Maynila

FEU Advocate
March 31, 2021 10:22


Nina Arvene John P. Dela Cruz at Melanie E. Uson

Sa loob ng 400 na taon, naging tahanan ni Baste ang makasaysayang lupain ng Quiapo. Walang kapaguran nitong pinagsisilbihan ang mga mananampalataya habang tahimik na pinagmamasdan ang mga kuwento ng nakaraan.

Sa banta ng panganib na dulot ng mga bagong dating na kapitbahay, mapanatili kaya ni Baste ang matagal nang panahanan?

Pagsibol ng suliranin

Ang Simbahan ng San Sebastian ay iilan na lamang sa mga gusaling nakatindig sa siyudad ng Maynila na nagsisilbing palatandaan ng mayamang kasaysayan ng bansa. Nanatiling matatag ang kaisa-isahang “all-steel church” ng Silangang Asya na kinikilala rin bilang dambana ng imahen ni Nuestra Señora del Carmen.

Taong 2017, nagsimula ang banta sa tuluyang pag kupas ng binansagang National Historical Landmark nang unang sinimulan ang pagpapatayo ng 31-storey condominium sa likod nito. Simula noon ay naging usap-usapan sa mga deboto at eksperto ang potensyal na pisikal at kultural na implikasyon ng naturang proyekto sa simbahan.

Pangamba nila, ang hakbanging ito ang tuluyang puputol sa legasiya ng San Sebastian Church bilang bintana ng kasaysayang pinangalagaan sa ngalan ng kasaysayan, pananampalataya at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.

Laban sa pagsalba ng simbahan

Bilang tugon sa hinaing ng publiko na tumututol sa naturang proyekto, pinangunahan ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation Inc. noong Setyembre 2020 ang kampanya para sa simbahan. Layunin nitong manawagan para sa pagpapahinto ng konstruksiyong maaaring makaapekto sa structural integrity ng simbahan at sa kaakibat na panganib nito para sa komunidad.

Pinasinayaan ng organisasyon ang social media movement na #SaveSanSebastian sa Facebook habang nangangalap ng lagda bilang suporta sa kanilang inihaing petisyon. Sa datos na naitala noong ika-9 ng Marso, umabot na sa mahigit 30,000 na lagda ang natanggap ng organisasyon.   

Paliwanag ni Marianne Claire Vitug, Executive Director ng organisasyon, ang layunin ng kampanya ay hindi lamang maprotektahan ang simbahan at ang komunidad na sakop nito. Nais din umano nilang gisingin ang kamalayan ng mga Pilipino sa kahalagahan ng mga historikal at kultural na pamana gaya ng San Sebastian Church. Nilinaw din nito na hindi intensyon ng organisasyon na salungatin ang modernong pagbabagong inihahain para sa mga mamamayan, nais lamang ng samahan na ipaalala sa mga tao ang kahalagahan ng ating kasaysayan.

“Kailangan nating maging malinaw na itong kampanya natin ay hindi dahil against kami sa any form of development. May mga bagay kasi na dapat nating pangalagaan so ‘yun ‘yung nagiging core ng ating kampanya ngayon,” pagpapaalala ni Vitug.

Nang tanungin naman kung may suportang pulitikal ng natatanggap ang kampanya, naging matipid ang sagot ng direktor.

Indirectly may suporta [nang natanggap] pero ‘yung masasabi nating politiko na nagsalita for San Sebastian, parang wala pa especially in the last few months,” maikling pagpapaliwanag ni Vitug.

Kawalan ng pagpapahalaga sa pamana

Sa kabila ng mabilis na pag-usbong ng modernisasyon sa bansa, partikular na sa kamaynilaan, nananatiling hamon ang pagpapatayo ng mga bagong establisyemento. Mahalagang isaalang-alang din ang kapakanan ng mga lumang gusaling malaki ang ginagampanang papel sa kasaysayan.

Matatandaang umani ng samu’t saring batikos ang Torre de Manila matapos itong magmistulang ‘photobomber’ sa monumento ni Jose Rizal sa Luneta. Ito ang sitwasyong nais iwasang kahantungan ng simbahan ng San Sebastian.

Heritage is always a fight against modernization,” pahayag ni Hanzel Gapayao, isang propesyonal sa larangan ng sining at cultural heritage.

Dagdag pa nito, kung sakaling maisakatuparan ang pagpapatayo ng nasabing gusali, maaari umano itong makapag-engganyo pa sa mga developers. Kalaunan, maaari itong maging daan upang tuluyan nang mawalan ng pagpapahalaga ang bansa sa mga kultural na kayamanang tulad ng simbahan ng San Sebastian.

Panganib sa komunidad

Binigyang-diin ni Vitug na ang kampanya laban sa 31-storey condominium ay higit pa sa laban para sa kasaysayan. Aniya, ang mas mahalagang aspeto ng proyekto na dapat pagtuunan ng pansin ay ang mga posibleng implikasyon ng gusali at ng konstruksiyon nito sa buhay ng mga lokal na residente.

“Ang isyu namin dito ay higit pa sa pagiging photobomber nitong nasa likod namin, sa amin ang isyu talaga rito ay ang kapakanan ng mga community member na gumagamit ng basilica at even ‘yung mga bahay na nakapaligid dito sa basilica at construction site,” paglilinaw niya.

Naibahagi ng direktor na ang mga lokal na residente mismo ang unang lumapit sa organisasyon upang humingi ng tulong. Pagkukwento nito, isa sa mga idinadaing ng mga residente na nakatira malapit sa simbahan ay ang ingay ng paghuhukay tuwing sasapit ang gabi. Bukod sa nililikha nitong ugong, ang yanig na idinudulot ng malalaking makina ay nakaaapekto rin umano hindi lamang sa structural integrity ng simbahan kung hindi maging sa mga kabahayang malapit dito, lalo na’t may mga ancestral house na daang taon nang namamalagi nasabing lugar.

Sa hiwalay na panayam naman ng ABS-CBN News Channel sa mga residente, isiniwalat na pinangangambahan din nila ang panganib sa kalusugan na maaaring idulot ng konstruksyon ng gusali. Daing nila, ang alikabok, basura at toxic waste na manggagaling sa konstruksyon ay maaaring mauwi sa pag kompromiso ng kanilang kalusugan.

Banta sa pananampalataya

Para sa Fundraising and Communications Manager naman ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation Inc. na si Sam Pacardo, dapat ding tingnan ang isyu sa panig ng mga deboto ng simbahan patungkol sa kapakanan ng imahen ni Nuestra Señora del Carmen na nakalagay sa loob nito.

“Ano ang mangyayari kay del Carmen kung wala na ‘yung bahay niya? Hindi pa nagkaroon ng situation in more than 400 years [na nilipat ng bahay si del Carmen] kaya malaki rin ‘yung implication niya sa mga pari, deboto at kay del Carmen,” pangamba nito.

Sa kontekstong ibinahagi ni Pacardo, si del Carmen ay may malalim na kahulugan para sa mga mananampalataya ng Katolikong Simbahan lalo na kapag sasapit ang Pista ng Nazareno.

Aniya, hindi tulad sa ibang istasyon ng pista, nagiging tahimik at solemne ang mga deboto kapag dumarating sa Simbahan ng San Sebastian dahil nakikita nila ang imahen ng birhen. Ang nabuong koneksiyon sa pagitan ni del Carmen at ng mga mananampalataya umano ang isa sa mga dahilan kung bakit dapat lalong pag-ibayuhin ang pangangalaga sa tahanan ng imahen.

Kakulangan ng mga batas

Ang Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act ang pangunahing bataspumoprotekta sa mga lugar na may historikal at kultural na kahalagahan sa bansa. Pinagtitibay nito ang National Commission for Culture and the Arts at iba pang mga ahensyang nangangalaga sa kapakanan ng mga maituturing na “pamana” ng kasaysayan. Samantala, hindi sakop ng batas na ito ang mga gusaling maaaring makasira sa tanawin ng mga historical landmark.

Umaasa ang San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation Inc. na sa pamamagitan ng sinimulan nitong kampanya ay maraming mambabatas pa ang magkakaroon ng inspirasyon upang lumikha ng iba pang mga batas na nagbibigay-proteksyon sa mga gusaling tulad ng San Sebastian Church.

“Lumalabas na layunin din natin ay ma-inspire natin ang lawmakers at decision-makers na maggawa ng ‘safeguards’ para sa protection ng heritage sites,” hiling ni Vitug.

Ang panawagang ito ay inaasahang magbibigay ng kompromiso sa pagitan ng pagpapatayo ng mga bagong gusali at pagpapanatili ng mga establisyimentong may historikal na kahalagahan. Sa pamamagitan nito, mapanatili ang espasyo ng mga cultural heritage sa gitna ng mga umuusbong na banta ng modernisasyon.

Ayon sa Inquirer.net, nitong ika-15 lamang ng Marso ng kasalukuyang taon, inaprubahan sa House of Representatives ang House Bill 8829 o Cultural Property Sightline Act na naglalayong ipagbawal ang pagtatayo ng mga istrukturang maaaring makasira sa tanawin ng national landmarks.

Kung maisasabatas, mabibigyang-mandato nito ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansang mangangalaga sa cultural properties ng kanilang nasasakupan. Bagaman mahaba pa ang prosesong pagdadaanan bago maging isang ganap na batas, umaasa si Vitug na makatutulong ang bill sa kampanya ng San Sebastian.

“Maraming magiging pag-uusap between our lawyers and our foundation para maintindihan lahat ng probisyon [ng House Bill 8829]pero we are hoping na makatulong talaga ‘to sa ating in-a-advocate,” pagbabahagi nito.

Sa loob ng mahabang panahon, naging instrumento si Baste upang maging pahingahan ng mga deboto at maging daan upang mabalikan ang kasaysayan. Ang hamong kinahaharap niya sa kasalukuyan ay laban ng bawat mamamayang kumikilala sa gampanin nito bilang bintanang nagpapaalala ng nakaraan at nasyonal na pagkakakilanlan nito.

Kung hindi magiging agresibo at maingay ang laban upang maisalba si Baste sa banta ng pagkakupas, mananatili na lamang ang kwento niya sa mga libro at alaala ng mga taong naging malapit sa kanya.

(Ilustrasyon ni Margarita Rivera/FEU Advocate)