Hangga’t kasuotan ang pinupuna, malaya ang bastos at nagnanasa!

FEU Advocate
March 31, 2026 19:10


Ni Shane Tapican

“Maikli. Nang-aakit. Kapansin-pansin.” Ilan lamang ito sa mga salitang paulit-ulit na ibinabato tuwing pinag-uusapan ang pananamit ng kababaihan. Ngunit para sa nakararami, hindi ito basta paglalarawan, bagkus isang paalala na ang kanilang kasuotan ang sukatan sa paghusga at pagkilala ng mapanuring lipunan.

Kamakailan lamang, samot-saring pahayag mula sa iba’t ibang personalidad ang muling nagpasiklab ng diskurso tungkol sa pananamit ng kababaihan. Mula sa mga panayam sa telebisyon hanggang sa maiinit na talakayan sa social media, paulit-ulit na bumabalik ang iisang lohika: bakit mga babae ang may sala at hindi ang mga matang puno ng pagnanasa?

Bakit parang kasalanan ko?

Sa mahabang panahon, naging bahagi na ng kulturang Pilipino ang pag-uugnay ng pananamit ng kababaihan sa antas ng respetong matatanggap nila mula sa iba. Bawat palda, manggas, at hibla ng tela ay ginagawang panukat ng dangal at batayan ng paghusga. 

Sa katunayan, sa tuwing may naitatalang kaso ng pambabastos o karahasan laban sa kababaihan, nauuna ang tanong tungkol sa kanilang kasuotan.

Ngunit mahalagang kilalanin na hindi basta umiiral ang ganitong pananaw. Mula sa tahanan hanggang sa paaralan at iba pang haligi ng lipunan, patuloy itong naipapasa at lumalala sa pamamagitan ng pag-uugnay ng kasuotan ng babae sa moralidad at kasalanan.

Kaugnay nito, hindi nalalayo ang ganitong uri ng lohika sa mga pahayag ng ilang personalidad na nagpasiklab ng kontrobersiya, gaya na lamang ng naging komento ni Quezon City Rep. Bong Suntay tungkol sa aktres na si Anne Curtis-Smith.

Sa isang pagdinig ng House Committee on Justice hinggil sa mga impeachment complaints sa Kongreso, gumamit ang opisyal ng isang malayong analohiya kung saan binanggit niya ang aktres. 

Ipinahayag pa niyang nakaramdam siya ng ‘desire’ matapos umano niyang makita ito sa isang mall. Isang pahayag na wala namang malinaw na kaugnayan sa seryosong usapin ng pagpatay na tinatalakay sa mismong pagdinig.

Matapos ang nasabing insidente, nagbigay naman ng religious reminder ang kontrobersiyal na personalidad na si Alvin Aragon kaugnay sa isyung kinasasangkutan ni Suntay, na muling nagpatibay sa baluktot na pananaw ng lipunan.

“Kahit hindi si Anne ang tinitignan mo [nang] may pagnanasa, may mag-iinit sa loob mo, lalo na kapag nakalabas pa ang cleavage mo at legs. Kaya, Filipino men, protect your wife, may ‘sin of lust’ kasi. And Filipino women, dress modestly to avoid sexual desire,” aniya.

Matatandaang ilang ulit nang naging sentro ng kontrobersiya si Aragon dahil sa kaniyang mga pahayag na nagdidikta sa pananamit at asal ng kababaihan, kung saan iginiit niyang dapat manamit nang maayos ang mga babae upang hindi umano mapukaw ang pagnanasa ng kalalakihan.

Umani ng matinding pambabatikos ang mga naturang pahayag mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga organisasyon at tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan.

Tinuligsa ng Commission on Human Rights ang naturang pananalita at iginiit na nakababawas ito sa dignidad ng isang babae at nagpapatibay sa kulturang normalisado ang pang-aabuso at paninisi sa biktima.

Ayon naman sa Philippine Commission on Women, lumalabag ito sa hindi bababa sa tatlong batas: ang Safe Spaces Act, Magna Carta of Women, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, bukod pa sa paglabag sa Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women.

Nagtataguyod ang mga batas na ito ng proteksiyon laban sa diskriminasyon, pang-aabuso, at gender-based harassment, habang inaatasan ang mga lingkod-bayan na kumilos nang may integridad at paggalang sa dignidad ng kanilang pinagsisilbihang mamamayan.

Gayunpaman, sa kabila ng malinaw na mga probisyong ito, patuloy pa ring umiiral sa lipunan ang mga pananaw na mas pinipiling suriin ang katawan at kasuotan ng biktima kaysa panagutin ang mga may sala.

Damit ay kalayaan, hindi kasalanan

Hindi lamang simpleng pagpili ng tela o estilo ang kasuotan. Isa rin itong anyo ng pagpapahayag ng sarili, personalidad, kumpiyansa, at kalayaan. Maaaring kumatawan ang bawat damit sa kultura, identidad, o simpleng kagustuhang isuot ng isang tao.

Ngunit sa konteksto ng lipunan, tila limitado ang kalayaang ito para sa kababaihan. Sa halip na makita bilang pagpapahayag ng sarili ang kanilang pananamit, nagiging sukatan pa ito ng moralidad, respeto sa sarili, at maging ng kanilang pagiging ‘karapat-dapat’ sa paggalang ng iba.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Jiellian Anne Enano, isang guro ng General Education sa FEU, binigyang-diin niya na nakaugat sa patriyarkal na lipunan at kaisipan ang sistemang laging sinisisi ang biktima.

“Ang lipunang mayroon tayo ay very patriarchal. Hindi natin maipagkakaila na isang malaking misogynist bubble ang ating lipunan lalo na sa Pilipinas, ito na ‘yung naitakda na uri ng pamumuhay o pamamaraan ng pag-iisip ng mga tao. Kapag may na-harass [o] may nabastos, laging [ang] unang tanong ay ‘Ano ba ang suot mo? Bakit ka nabastos? Ba’t ka na-catcall?’ Na para bang ang dapat sisihin ay ang biktima,” pahayag niya.

Ganito ang araw-araw na realidad na nararanasan ni Enano. Nabanggit pa niyang madalas na nagiging batayan ang kasuotan nila kung paano sila bibigyan ng paggalang, titingnan bilang propesyonal, at kikilalanin bilang babae.

“‘Pag nakapagsuot ako ng sleeveless,matatawag ako na ‘daring.’ Kapag fitted ang pantalon, masasabi na sinasadya for the eyes of the men. Kapag nagsuot ka ng certain na pananamit, mahuhusgahan ang pagiging propesyonal mo at ang pagiging babae mo. Laging ‘Bakit ganyan ka manamit? Guro ka pa naman!’” salaysay niya.

Samantala, mariin niyang tinuligsa ang ganitong uri ng pag-iisip. Ayon sa kaniya, mali ito at mapanganib sapagkat dapat nakapaloob ang parusa sa asal ng umaabuso, hindi sa suot ng inaabuso.

“Mariin nating kinokondena ‘yung ganiyang pag-iisip. Ito ay maling uri ng pag-iisip, napakabaluktot na pag-iisip kasi kung titingnan natin, bakit responsibilidad ng babae kung bastos mag-isip ang lalaki? Hindi ba responsibilidad ng lalaki na dapat ay maayos siyang mag-isip?” saad ng guro.

Mula rito, makikitang hindi lamang pananamit ng kababaihan ang tunay na sinusukat ng lipunan, bagkus ang mismong hangganan ng respeto na handang ibigay sa kanila.

Dagdag pa rito, hindi lamang mga guro o propesyonal ang nakararanas ng ganitong uri ng paghusga. Para sa maraming kabataang babae, lalo na sa loob ng pamantasan, ang simpleng pagpili ng damit ay nagiging usapin din ng pag-iingat laban sa mata ng lipunan.

Hindi lamang estilo o kaginhawaan ang iniisip ni Chloe, hindi niya tunay na pangalan, na isang third-year nursing student, sa tuwing pipili siya ng isusuot. Sa panayam ng FEU Advocate, ikinuwento niyang kaakibat ng bawat damit ang pangambang maaaring husgahan siya ng ibang tao.

Honestly, bawat araw parang may pressure. Kahit simpleng outfit lang, naiisip ko kung may magsasabi [ba] na ‘masyadong maiksi,’ ‘masyadong seductive,’ o ‘hindi appropriate.’ Parang bawat damit ko [ay] may kasamang judgment. Bawat pagpili ng isusuot, may thinking na ‘mababastos kaya ako rito?’” ani ng estudyante.

Kapansin-pansing sa tuwing may babaeng nakararanas ng pambabastos, tila may nakahandang tanong tungkol sa haba ng kaniyang palda, nipis ng kaniyang damit, o paraan ng kaniyang pagdadala sa sarili. 

Makikitang sa mga ganitong karanasan, hindi na lamang basta nagiging tela ang suot ng kababaihan, sapagkat dala na nito ang bigat ng pamantayang itinakda ng lipunan.

Walang mababastos kung walang bastos!

Kung may dapat baguhin sa lipunan, hindi ito nagsisimula sa aparador ng kababaihan, kung hindi sa isipang tumatangging panagutin ang nang-aabuso at mas pinipiling sisihin ang biktimang nakararanas ng ganitong uri ng karahasan.

Sa halip na diktahan kung paano manamit upang maiwasan ang mapagnasahan o mapagsamantalahan, higit na mahalagang turuan ang lipunan kung paano rumespeto sa katawan, hangganan, at dignidad ng iba, lalo na ng kababaihan.

Sapagkat sa bawat pagkakataong pinapayuhan ang babae na ‘mag-ingat sa suot,’ tahimik na ipinapasa sa kanila ang responsibilidad sa kasalanang sila mismo ang biktima at hindi kailanman naging may sala.

Kailan pa ba naging pahintulot sa pambabastos ang haba ng palda o uri ng kasuotan? Bakit sa katawan ng kababaihan patuloy isinasabit ang sisi habang ang mga bastos na pag‑iisip at asal ay nananatiling ligtas sa pananagutan?

Sa puntong ito, hindi na sapat ang pagkuwestiyon sapagkat matibay na aksiyon ang tanging solusyon. Dito nasusukat ang tunay na papel ng pamahalaan sa usapin ng seguridad at pananagutan.

Hindi maaaring nakasulat lamang sa papel ang mga batas na naglalayong protektahan ang kababaihan. Kinakailangang mas paigtingin ang pagpapatupad ng Safe Spaces Act, Magna Carta of Women, at iba pang umiiral na polisiya upang matiyak na may agarang aksiyon at kongkretong parusa sa bawat kaso ng pambabastos at pang-aabuso.

Dagdag pa rito, dapat tiyakin ng pamahalaan na may madaling malalapitan ang mga biktima para sa pag-uulat ng mga kaso, sapat na suporta para sa kanila, at malinaw na proseso ng hustisya na hindi nagtatagal at hindi nagpapahirap sa mga naghahanap ng katarungan. 

Hindi sila ang dapat nasasangkot sa ganitong asal, sapagkat anumang uri ng kanilang paglabag ay tahasang pagtalikod sa prinsipyong dapat nilang pinangangalagaan.

Sa gitna ng panawagang ito, muling binigyang-diin ni Enano na dapat matuldukan na ang matagal nang pagkakakulong ng kababaihan sa makitid at kondisyonal na pamantayang itinakda ng lipunan.

“Sinasabi nila na dapat respetuhin ang isang babae dahil siya ay nanay, kapatid, o anak. Pero hindi dapat ganoon. Ang babae ay dapat respetuhin kahit hindi siya nanay, kahit hindi siya kapatid. Dapat nirerespeto natin sila bilang tao. Huwag natin silang ikulong sa role na ibinigay ng lipunan,” aniya.

Hindi rin naiiba ang paninindigan ng kabataang babae na patuloy na nakararanas ng paghusga sa kaniyang pananamit. 

“Dapat nating tandaan na walang malaswang pananamit, pero may malaswang pag-iisip. Hindi damit ko ‘yung dapat na ayusin or kontrolin, mindset ng society ‘yung dapat na baguhin. Clothes are for expression, not an invitation, sabi nga,” pagtindig ni Chloe.

Sa mga ganitong boses ng paglaban, mula sa loob ng akademya hanggang sa hanay ng kabataan, lumilitaw na hindi na handang manahimik ang bagong henerasyon laban sa kulturang patuloy na sinusubukang kontrolin ang katawan at kalayaan ng kababaihan.

Kung tunay na nais ng lipunan ang kaligtasan ng kababaihan, malinaw ang panawagang itigil ang paninisi sa biktima, hamunin ang patriyarkal na pamantayan, at putulin ang baluktot na kulturang nakasanayan.

Panahon na upang kumawala ang kababaihan sa tanikalang humahadlang sa kanilang kakayahan, pagkakakilanlan, at kung paano sila tinitingnan ng lipunan.

Higit sa lahat, dapat simulan sa sariling tahanan, paaralan, opisina, at iba pang bahagi ng komunidad ang pagtuturo ng respeto at pagkilos nang may pananagutan upang tuluyang maituwid ang paniniwalang nagkakaroon ng bastos dahil sa pananamit na ‘kabastos-bastos.’

Hindi kailanman nararapat na maging tagapagdala ng bigat ng pagnanasa ng iba ang sinumang biktima. Walang kasalanan ang may suot o ang kumikilos, sapagkat may nababastos lamang dahil may bastos.

Hangga’t pananamit ang itinuturing na dahilan ng pambabastos, mananatiling malaya ang mga gumagawa ng karahasan at patuloy na magiging biktima ang kababaihan sa bawat yugto ng kasaysayan. Ngunit sa sandaling ang kaparusahan ay ipasan sa tunay na may pananagutan, doon lamang sisibol ang tunay, matibay, at makataong pagbabago sa lipunan.

(Dibuho ni Patricia Anne Perez/FEU Advocate)