Lamat sa Kalamnan

FEU Advocate
February 11, 2026 19:53


Sa munting sulok ng aking kuwadradong silid,

walang magarbong entrada tungo sa gintong pantasya,

walang puwang ang mga naglalakihang billboard,

at hindi tumitigil sa tunog ng kampana

ang paghihikahos kong tumula.

Dahil kung nagkukumahog ang sikmurang abutin ang lalamunan

upang puwersahin ang asidong natitira,

at muling ilagak sa bibig ang gampaning magsuka,

sino ngayon ang kalaban:

ang tiyan o ang kagustuhang may maiparamdam?

Subalit, subalit, 

kung ang likidong ibubuwal ay hindi mailalarawan sa salita,

at hindi maipipinta sa papel ang komposisyon at kulay,

uubusin ko ang mga pahina’t tinta.

Iuukit, iaahon, ipipilit.

Maging ang balat ay hindi maililigtas sa mga kudlit.

Dahil para sa akin, ang tula’t salapi ay iisa

kung parehong lamat sa kalamnan lang din ang batayan.

- Jan Clarisse Lingon

(Dibuho ni Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)