All souls relieved, all goals remembered
- November 03, 2024 19:37
FEU Advocate
September 20, 2024 11:47
Ni Johna Faith Opinion
Inaresto ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong mag-aaral mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) na kinikilala bilang ‘PUP 3’ matapos ang umano’y paglabag sa Manila City Ordinance on Vandalism sa kahabaan ng Dapitan Street kahapon ng madaling araw, ika-19 ng Setyembre.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng paralegal mula PUP na si Troy Cabangon na nagsasagawa ng ‘Oplan Dikit’ at ‘Oplan Pinta’ ang PUP 3 na sina alyas ‘KV,’ ‘K,’ at ‘Q’ nang arestuhin sila ng mga elementong nakasibilyan.
“Kaninang umaga, madaling araw, bandang alas dos ng umaga, nagsasagawa ng ‘Oplan Dikit’ at ‘Oplan Pinta’ ‘yung mga kabataan mula sa PUP [bilang] build-up para sa darating na commemoration ng Martial Law… Bali alas tres [hinuli] ng isang sibilyan ‘yung isa naming kasama, at ‘yung dalawa ay napasama lang bigla dahil parang pinoprotektahan ‘yung isa,” pagsasalaysay ni Cabangon.
Bahagi ang mga nasabing proyekto para sa paghahanda sa paggunita ng ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa paparating na Sabado, ika-21 ng Setyembre.
Sa ilalim ng mga operasyong ito, nagpapaskil at nagpipinta ang mga kabataang artista ng mga panawagan kaugnay ng mga isyu sa bansa sa iba’t ibang mga establisimyento.
Ilan sa mga kabilang sa PUP 3 ay kasapi ng Panday Sining, isa sa mga progresibong grupo na kilala sa paggamit ng kanilang talento sa paglikha bilang paraan ng pag-angat ng kanilang mga adbokasiya’t panawagan.
Dagdag pa ni Cabangon, isa sa tatlong estudyanteng artista ang umano’y tinutukan ng baril buhat ng isinagawang pag-aresto.
Sasampahan naman ng Manila Police District (MPD) ang PUP 3 ng tatlong kaso bilang paglabag umano sa Anti-Vandalism ordinance ng Lungsod ng Maynila, at Malicious Mischief at Disobedience alinsunod sa Revised Penal Code ng bansa.
Ayon sa ulat ng The Communicator, irinekomenda at inaprubahan na ng tatlong abogado mula sa Manila City Hall ang mga nasabing kaso.
Giniit naman ng paralegal na walang katotohanan ang mga kasong isinasampa ng MPD.
“Mariin nating dine-deny lahat ng mga kasong ‘yan. Kasi unang-una sa lahat, ‘no, ‘yung ginagawa ng Panday Sining, ‘yung ginawang build-up activity ng Panday Sining ay isang pag-e-express ng kanilang art at hindi isang… Porma ng paninira… Sa isang establisimyento gaya ng [sinasabi] sa Revised Penal Code,” pagdidiin ni Cabangon.
Unang dinala ang PUP 3 sa Barbosa Police Station ng MPD nang maaresto sila ng 2:44 ng madaling araw at inilipat sa MPD Headquarters sa United Nations Avenue bandang 3:45 ng hapon upang pormal na isailalim sa inquest proceedings.
Nag-organisa naman ng protesta ang iba’t ibang progresibong grupo kaugnay ng nasabing pag-aresto sa harap ng punong-tanggapan ng MPD kaninang hapon.
Sa hiwalay na panayam, ibinahagi ng Tagapangulo ng Panday Sining na si Mariel Orpiada na hindi ito ang una’t nag-iisang kaso ng panunupil sa mga manlilikha ng bayan.
“Sa pananaw ko, isa itong atake talaga sa mga kabataang artista. Dahil ‘di lang naman kami ngayong taon nagkasa ng mga Oplan Pinta [at] Oplan Dikit sa kung saan nagdidikit ng mga panawagan… Mga panawagan ito ng hindi lang ng mga kabataan kun’di mga ibang sector din. So, nakikita namin itong panibagong atake dahil sa mga dumaang taon [ay] patuloy [pa] din kaming inaatake,” pagbabahagi ni Orpiada.
Magkasundo namang nanawagan sina Cabangon at Orpiada, pati na rin ang mga nakilahok sa nasabing protesta, na agarang palayain ang PUP 3.
“Kung talagang gumagana ‘yung gobyerno natin, bakit bulok ‘yung mga [pinapatupad] nilang polisiya at kahit sa hustisya natin?” pagpapalalim ni Orpiada.
Ilan sa mga grupong nakilahok sa programa ay ang Panday Sining, Defend PUP, at Kabataan Partylist.
Samantala, Kasalukuyan pa ring nakadetena sa punong-tanggapan ng MPD ang PUP 3.
(Kuha ni Johna Faith Opinion/FEU Advocate)