Wikang nauupos sa bibig ng pananaliksik

FEU Advocate
August 21, 2024 16:32


Minamasdan ng bawat salitang kinalilimutan sa lipunang ang napupunding katayuan ng wikang pambansa at pagbagsak ng kaisipang sumasalamin sa malalim na karanasan ng bawat Pilipino. Mula rito, pinapasan ng akademya ang tanglaw na magbibigay-liwanag sa lahat ng katutubong kaisipang pinalalamlam ng kolonisadong talakayan.

Kung kaya’t marapat na itaas ang antas ng ating wika sa pag-intindi ng mga pangyayaring likas lamang sa atin at pagdedekolonisa ng malawakang kaisipan hinggil sa katayuan ng pambansang wika. Magsisimula ito sa pagpili ng Filipino bilang midyum ng diskurso. 

Ang akademya bilang espasyo ng tunggalian

Marahas na ang pakikipagbuno ng wikang Filipino sa wikang Ingles simula nang sakupin ng Estados Unidos (US) ang bansa noong nakaraang siglo. 

Saksi ang kasaysayan kung paano puwersahang inilapat ng mga Amerikano ang kanilang kultura sa ating kamalayan. 

Nagpatayo ang mga Amerikano sa bansa ng mga pampublikong paaralan upang idiin ang kanilang “mabuting” imahe sa mata ng masa, at kasama rito ang pagnonormalisa ng paggamit ng wikang Ingles sa salik ng pagkatuto. 

Sa panayam ng FEU Advocate kay Francisco Riodique III, isang propesor sa Far Eastern University (FEU) Department of Political Science, ipinaliwanag niya kung paano ginamit ng mga Amerikano ang wika upang isulong ang kanilang interes. 

“‘Yung [wikang] Ingles, ginamit ‘yan ng mga Amerikano to pacify us. Of course, to also justify that they’re really here to teach us, that they’re different from the Spaniards. One or two decades, Americanized na tayo. We have become the ‘brown Americans’ (‘Yung wikang Ingles, ginamit ‘yan ng mga Amerikano para mapatahimik tayo. Ginamit din nila ito upang pangatwiranan na narito sila para turuan tayo, na iba sila sa mga Kastila. Isa o dalawang dekada pa, naging katulad na tayo ng mga Amerikano, mga ‘kayumangging Amerikano’),” saad nito. 

Tunay ngang hindi na naalis sa karanasang Pilipino ang patuloy na pagtangkilik at paggamit ng wikang Ingles. Idinikit naman dito ni Riodique ang posibleng pananatili ng mga labi ng kolonyalismo sa bansa lalo na sa paggamit ng Ingles sa pananaliksik. 

“Siguro kasama pa rin ‘yon [sa colonial mentality]. Baka siguro kaya kaunti lang ‘yung marunong o nagsasanay sa wikang Filipino [ay] dahil siguro mas magaling kang pakinggan at tingnan kung wikang Ingles ang gamit mo,” anito. 

Sinang-ayunan naman ng guro sa Departamento ng Wika at Panitikan ng FEU na si Ronnel Talusan ang pagiging kolonisado ng pananaliksik sa Pilipinas sa kaniyang panayam.  

“Kung paano ayaw ibigay sa atin ng España [ang pagkatuto], pinagpilitan naman sa atin ng Amerika. [Katulad ng] ‘mag-aral kayo,’ ‘magbasa kayo,’ ‘magsulat kayo,’ at ‘magsaliksik kayo’ sa wikang Ingles. At kapag hindi ‘yan ang ginamit ninyo, may mga punishment (parusa),” dagdag ng guro sa wika. 

Binigyang-diin din ng propesor ang pagbitbit ng ganitong kultura sa kontemporaryong lipunan lalong-lalo na sa pagsasagawa ng pananaliksik. Niyayakap ng mga Pilipino sa kasalukuyan ang oryentasyong kanluranin sa puntong pinapatay na nito ang mga wikang katutubo. 

Ayon naman kay Riodique, dinagdagan pa ng globalisasyon ang hindi pantay na tunggalian sa wika dahil sa kagustuhan ng mga Pilipinong mananaliksik na mabasa ng buong mundo ang kanilang mga sulatin. 

The use of Filipino in writing research, actually, has less incentives. If you will be writing in Filipino, then your audience will be limited to those Filipino-speaking people (Kaunti lamang ang insentibo sa paggamit ng Filipino sa pagsulat ng pananaliksik. Kung magsusulat ka sa Filipino, mas limitado lang sa mga nakapagsasalita ng Filipino ang mambabasa mo),” pagpapalalim ng propesor. 

Iniugnay rin ng guro ang pangingibabaw ng mga kanluraning bansa sa university rankings sa mga salik na nagpapababa sa paggamit ng wikang Filipino sa larangan ng research

Nakadikit sa ranking system na ito ang katumbas na husay ng isang mananaliksik batay sa pagkilala ng mga banyagang dalubhasa. 

Bunsod nito, ipinaliwanag ng propesor na nawawalan ng kaganyakan ang mga mananaliksik na maglimbag dahil sa kakaunting mga publikasyon na tumatanggap ng Filipinong pananaliksik. 

Kaibahan sa tinuran ni Riodique, nagbigay naman ng mga hakbang si Talusan na tinatahak ng iba’t ibang institusyon upang iangat ang paggamit ng wikang pambansa sa pananaliksik. 

“Meron na tayong mga journal [publication], ‘yung iba nga ay monolinggwal pa, na nakikita kong isang malaking hakbang para sa pagpapaunlad ng pagiging intelektuwalisado ng wikang pambansa,” anito. 

Ilan sa mga binanggit ni Talusan na palimbagang tumatanggap ng journal sa wikang Filipino ay Diliman Review ng University of the Philippines Diliman, Bisig Journal sa Polytechnic University of the Philippines, MALAY Journal at Dalumat mula sa Pamantasan ng De La Salle, Katipunan Journal sa Ateneo De Manila University, at ang bagong tatag na Sikhay ng FEU Graduate Studies. 

Sa kabila nito, matatandaang nagbaba ng memorandum ang Commission on Higher Education (CHED) noong 2013 upang tanggalin ang Filipino at Panitikan bilang core subject sa kolehiyo. Tinukoy ni Talusan na mapanganib sa kalagayan ng pambansang wika ang pasyang ito ng komisyon. 

Malinaw na kontrabida ang wikang Ingles sa pagiging malaya ng wikang Filipino dahil sa hindi matapos-tapos na tunggalian sa akademya. Pinatutunayan din nitong nag-uugat pa rin sa kolonyal na impluwensya ng US at ng mga kanluraning bansa ang makabanyagang pananaliksik sa Pilipinas. 

Busal sa bibig ng pananaliksik 

Bagaman importanteng isyu ang tuluyang pagtangkilik sa wika ng dahuyan, mas malalim na problema ang isang kolonisadong pananaliksik. Dahil ayon kay Riodique, mahalaga ang pananaliksik sa pagbuo ng makabansang kaalaman at paraan ng pag-intindi ng mga pangyayari sa lipunan. 

When we’re talking about research, we’re talking about building knowledge. We’re talking about epistemology…epistemic communities, ‘yung mga communities na nagbi-build ng knowledge. Sila ‘yung mga researchers (Kapag pinag-uusapan natin ang pananaliksik, tinutukoy natin ang pagbuo ng kaalaman. Tinatalakay rin natin ang epistemolohiya, mga epistemikong komunidad, ‘yung mga grupo ng tao na humuhubog ng kamalayan. Sila ‘yung mga mananaliksik),” anito. 

Pagpapalalim ng guro, sa hindi paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik nagkakaroon ng pagputol ng ugnayan ng dinadalumat ng mga mananaliksik at mga ulirang sumasalamin sa araw-araw na buhay ng masa.  

Sinundan ni Talusan ang argumentong ito ng pagbabaybay ng usapin sa ugnayan ng pananaliksik at ng ordinaryong Pilipino. 

Once na nakarinig na sila ng mga teknikal na pananalita [sa mga] nagpapalitan ng mga ideas at arguments, ang tendency ay magsusugal na lang ang isang tricycle driver, o maglilinis na lang si yaya, maggugupit na lang si barbero. Bakit? Kasi hindi natin naiintindihan ‘yung pinag-uusapan nila,” paliwanag niya. 

Ipinaliwanag din ng tagapagturo sa wika ang mga salik na nagwawaksi sa kabuluhan ng mga akademikong sulatin para sa interes ng masa. 

“Ang concern palagi ay bayan [at taongbayan]. Pero hindi sila [ang mga mananaliksik] nag-uusap sa wika ng bayan. Hindi sila naiintindihan ng tao, ng mamamayan, kasi hindi nila ginagamit ang wika ng bayan, ang wika ng masa, ang wika na mas naiintindihan ng mas maraming Pilipino. Ang mangyayari ay parang patuloy nating ina-isolate ang ordinaryong Pilipino kung patuloy na ganito ang proseso ng pananaliksik,” pagbibigay lalim ng guro. 

Pinatutunayan ng pagkadismaya ng kalakhang lipunan ang kawalan ng pagkamakabansa ng kultura sa pananaliksik sa Pilipinas. Hanggang ngayon, binubusalan pa rin ng kolonyalismo ang kaisipang Pilipino sa pamamagitan ng mga akademikong sulatin na nakaangkla sa ritmo ng banyagang wika. 

Pakikibaka sa mas makamasang pananaliksik

Hindi nakukuha sa isang gabi lamang ang pagsagupa sa kolonisadong pananaliksik. Ang pagpupunyagi sa makabansang pagkatuto ay kinakailangan ng malawakang pagmulat sa lipunan. 

Mula rito, mensahe ni Talusan sa mga katulad niyang guro at mananaliksik sa FEU pati na rin sa mga mag-aaral na magtataguyod ng hinaharap, “Kabilang kayo sa pakikibaka.” 

“Kailangan maging bahagi ang iyong sining, ang iyong craft sa pagbabago, sa pagsusulong ng pagbabago sa isang lipunan. Para maging makatao, makatarungan, para maging progresibo ang lipunan at mahikayat mo ang mga taong mag-isip [din] sa gano’ng paraan,” pangaral ng guro. 

Pinalalim pa nito ang kabuluhan ng ambag ng mga mag-aaral at guro sa FEU upang isulong ang makabansang edukasyon. 

“Ang pinakamahalagang ambag natin ay maging bahagi tayo ng paglikha ng karunungan, pananaliksik, ng pagmumulat, sa pamamagitan ng pagsusulat, paglilimbag, at pagbabahagi gamit mismo ang wikang Filipino,” anito. 

Ngunit sa kabila ng optimismo, realistikong pinuna ni Talusan ang milya-milyang tatahakin ng bansa upang makamtan ang paglaya ng wikang Filipino sa kolonyal na tanikala. 

Kapos pa rin ang kasalukuyang estado ng wikang Filipino upang matawag na malaya. Maliit ang sinasaklaw ng pagiging progresibo ng pananaliksik sa wika kaya’t kinakailangang ipagpatuloy ang pagkilos at pagsulat ng mga dalubhasang Pilipino hanggang sa makamtan ito. 

Sa pananaw naman ni Riodique, kailangan nating “gawing ordinaryo ang intelektuwal” na diskurso upang mas mahikayat at mailangkap ang masa sa mga usaping intelektuwal. 

“Bakit hindi nating gawing ordinaryo ‘yung intelektuwal? Ibig kong sabihin, kung paano natin sinasabi sa tunay na buhay, ganoon natin siya isulat. Bakit hindi natin gamitin ang ordinaryo sa academic discourses? Para sa akin, in that way, mas lalo tayong magkakaintindihan…Sa tingin ko’y may magbabasa,” wika ng propesor ng politika. 

Inaalis ng ideyang ito ang panlipunang balakid upang makisangkot ang masa sa mas makabuluhang diskurso sa bansa. 

Bilang resulta, magiging “ordinaryo” na sa karaniwang mamamayan ang sumuri at bumaklas ng panlipunang suliranin gamit ang wikang kanilang naiintindihan. 

Sinabi rin ni Riodique na mahalaga ito upang mabuo ang makabansang kaisipan at maharaya ang pagkakakilanlang Pilipino. 

“Kung magkakaroon tayo ng bagay na maiintindihan ng karamihan, mas madaling buuin ‘yung national imagination. Mahina ang imagination ng mga Pilipino dahil wala tayong mabasa, o baka dahil hindi natin maintindihan ‘yung mga babasahin. Pero kung isusulat sa ordinaryo, mas magkakaintindihan tayo,” ani ng guro. 

Ito ang tungkulin ng akademya sa lipunan. Pasan-pasan nito ang ilaw na sasaklaw sa pagkilos at pakikisangkot ng masa sa pambansang kamalayan at kaunlaran. 

Kagyat din ng pag-usbong ng maka-Pilipinong diskurso ay ang pagiging makabansa ng pananaliksik at wika. Ang karunungang gumamit ng sariling dila sa pagdiskubre ng kalaliman ng lipunan ay nangangahulugang pasulong ang usad ng isang naghahangad na bansa. 

Subalit, ang hamon sa pagpapalaya ng kaisipang Pilipino ay nakakabit pa rin sa isang malayang pagtuklas ng mundo gamit ang pambansang wika. Hanggat nakatali ito sa kolonyal na diwa, hindi kailanman aalpas ang ilaw ng karunungan mula sa kadilimang sumasakdal sa sarili nitong talino. Nawa’y hindi natin maisipang ihipan ang tanglaw ng nauupos na kandila sa harap ng wikang Filipino, ang wika ng masa. 

- Eryl Cabiles

(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)