UAAP women’s vball set on May 5
- April 25, 2022 15:53
FEU Advocate
May 24, 2020 10:40
Ni Clarisse Kaye L. Sanchez
Litrato mula sa FYT
Sa pagpapatuloy ng malawakang paghahatid ng impormasyon sa kasagsagan ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19), nagsagawa ng libreng online seminar ang FYT, isang malayang media outfit, nitong Biyernes.
Tinawag na #CampJourn: Campus and Community Journalism in a Time of Pandemic ang nasabing webinar kung saan humigit 10,000 katao ang nakiisa sa pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Lyf.ph, at United States Agency for International Development (USAID) Philippines.
Binigyang-linaw ni Dir. Jocelyn Andaya, mula sa Bureau of Curriculum Development ng DepEd, ang planong pagpapatuloy ng “blended learning” kung saan ang pagtuturo ay maaaring isagawa online at face-to-face sa pagtatapos ng enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa.
Palalawakin din ng kagawaran umano ang mga pamamaraan sa pagtuturo kagaya ng mga palabas sa telebisyon at programa sa radyo na makakatulong sa pag-aaral ng mga estudyante.
"Now, under GCQ also, we [can] do blended learning meaning there are times when students go to school, let's say twice a week, and then the other days we spend doing online learning and using modules. Please take note that August 24 does not mean that learners will go to school physically. It's just the opening of classes, depending on the risk severity factors and each school in the community should decide whether they will do distance learning or blended learning," paliwanag ni Andaya.
Pinalawig naman ni Bb. Kathryn Raymundo, FYT Production Head, ang pagkilala sa mga kautusan at batas sa pamamahayag, maging ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tama at tiyak na impormasyon. Mahalaga umanong alam ng bawat isa ang kanyang karapatan bilang kaagapay ng pagbabalita nang may wastong datos at konteksto.
“Mahalagang alam natin ang ating rights. May karapatan naman talaga tayo na magsalita or sabihin kung ano 'yung gusto natin, and that's part of our role as well as citizens 'yung criticisms. But within the ambit of the social responsibility, hindi rin naman tayo pwedeng basta lang magmura sa social media or magalit basta-basta nang wala tayong basis. Kailangan may basis in fact and in context,” saad ni Raymundo.
Dagdag pa nito, “'Yung mga campus journalist i-encourage natin sila na you observe and report what's going on in your communities. We have our ethics, professional standards sa journalism. In ethics, so it has to be accurate in facts, in context and it has to be covering all sides as much as we can, [and] report the complete picture of what's going on.”
Tinukoy din ni G. Voltaire Tupaz, FYT Chief Content Officer, ang mga katangiang marapat na isaalang-alang sa pagiging isang pang-kampus at pang-komunidad na mamamahayag. Ito ay ang pagiging totoo at matapat sa paghahayag ng impormasyon, patas sa paghusga, maaasahan, makatao at pagkakaroon ng malaking pag-unawa sa mga kaganapan sa bayan.
Tinapos naman ni G. Atom Araullo, FYT Chief Creative Officer, ang webinar sa pamamagitan ng pagpapaalala na bilang isang mamamahayag, mayroong mga pagkakataong maaaring makuwestyon ang pagiging personal at propesyunal sa trabaho. Gayunpaman, maaari pa ring maging mamamahayag kasabay ng pagiging tao na may damdamin at emosyon.
Kinikilala ang FYT bilang isang malayang media outlet na binuo ng mga propesyunal sa nasabing larangan noong 2018. Kabilang dito sina Rupert Ambil, Araullo, Voltaire Tupaz, at Zak Yuson.
Kapwa hangarin ng mga itong makapagbigay impormasyon at inspirasyon sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba't ibang tao sa likod ng midya. Layunin din nitong paigtingin ang kahalagahan at gampanin ng lokal na pamamahayag upang magpaabot ng mga balita sa mga komunidad ng bansa.