Walang Katapusan na Pagkahumaling: Nakakubling Panganib ng Infinite Scrolling sa Kaisipan ng mga Kabataan 

FEU Advocate
December 27, 2023 09:06


Ni Hanz Joseph B. Ibabao

Sa pagbagtas nina Juana at Juan sa panibagong ruta, layunin nilang magsaliksik upang makamit ang pansariling kaalaman. Ngunit sa landas na kanilang tinatahak, makakatagpo sila ng samu’t saring kuwento’t mga katanungan. Makakasalamuha rin nila ang iba’t ibang personalidad na maaaring tumapik sa kanilang kamalayan.

Animo’y isang modernisadong daan ang social media na binabagtas ng karamihan. Nakakapanabik usisain ang bawat salaysay na kikiliti sa kanilang kaisipan na kanilang madadaanan. Ngunit kung ang daang ito ay pipigil sa dapat nilang patunguhan, maituturing itong sagabal sa kanilang pag-unlad.

Tunay ngang hindi mabilang ang nilalaman ng hatirang pangmadla — malibang, matuto, o hindi kaya’y magbigay alisto. Kaya naman hindi maitatanggi kung bakit naging kasanayan, lalo na ng mga kabataan, ang pagtangkilik at pagbabad sa nasabing plataporma.

Sa mga nabanggit, nararapat lang na suriing mabuti ang ating pagkilos tuwing gagamit ng hatirang pangmadla. Nakakapagbigay man ito ng aliw at kaalaman, may posibilidad nitong kainin ang oras ng mga kabataan at humadlang sa dapat nilang abutin at mas tutukan.

Tech-savvy na ang karamihan

Taong 2021 binansagan bilang Social Media Capital of the World ang Pilipinas. Sa tantya nga ng Statista Research Department, aabot sa 95 milyong Pilipino ang gagamit ng hatirang pangmadla pagsapit ng taong 2029.

Sa pag-aaral naman ng Statista, nasa tatlong oras kada araw kung gumamit ng social media ang mga Pilipino. Hindi na kataka-taka ang nasabing numero sapagkat patok na patok sa mga Pilipino ang social media platforms katulad ng Facebook, Instagram, at Tiktok. 

Kadalasang ginagamit nila ito sa kanilang negosyo, sa pagtuklas ng mga bagay-bagay, at bilang isang libangan.

Ayon naman sa Digital 2023, nasa ikaapat na pwesto ang bansa sa oras na ginugugol sa hatirang pangmadla. Pinangungunahan ito ng Nigeria na nagtala ng 4 na oras at 36 minuto sa paggamit ng social media.

Ngunit naungusan man ang Pilipinas sa taong ito, hindi pa rin maiaalis na ang hatirang pangmadla ay mahalagang parte na ng buhay ng mga Pilipino. Ano man ang antas ng pamumuhay, aktibo ang mga tao sa pakikilahok sa social media.

Samakatuwid, hindi maitatanggi na kahit sino ay maaring makatanggap ng anumang banta gamit ang teknolohiyang ito. Kaya napakahalaga na patnubayan ng mga magulang ang kanilang mga anak at matutong disiplinahin ang sarili sa paggamit nito upang hindi ito maging dahilan ng anumang pagkasira. 

Ubos oras na kaaliwan

Nakakapagbigay galak naman talaga ang mga nilalaman ng hatirang pangmadla lalo na sa panahon ngayon kung saan patok ang mga biswal na mga larawan katulad ng reels at  memes. Ngunit maituturing pa rin bang kagalakan kung ang tuloy-tuloy na pagkonsumo nito ay maging dahilan ng isang adiksyon na gagambala sa mga pang araw-araw na gawain?

Batay sa news report ng New York Times (NYT), kinasuhan ng 33 estado sa Estado Unidos ang Meta sapagkat pinaniniwalaan nila na ang mga hatirang pangmadla kagaya ng Instagram at Facebook ay mga nakakaadik na elemento, lalo na para sa mga kabataan. 

Ayon sa NYT, lumabag ang kumpanya sa mga batas sa Amerika na nagbibigay proteksyon sa mga kumokonsumo sa pamamagitan ng pang-aakit. 

Dagdag pa ng NYT, nililigaw nito ang publiko tungkol sa maaaring dalang panganib ng lubhang nakakahumaling na elemento katulad ng infinite scroll, constant alerts, notifications, at ang algorithm

Dinadala nito ang mga kumokonsumo sa isang sitwasyon na maaring alisin ang isip ng isang tao sa nangyayari o reyalidad ng mundo. 

Ang Infinite Scrolling ay isa sa elemento ng mga hatirang pangmadla kung saan maaaring mag-scroll down o up ang mga gumagamit ng walang tigil. 

Batay sa “Deadly scroll without end: How infinite scroll hacks your brain and why it is bad for you,artikulo ni Jay Hilotin, maihahalintulad ang gawaing ito sa isang slot machine na nagbibigay ng mga dopamine-inducing variable na klase ng mga gantimpala. 

Dahil sa katangiang ito ng hatirang pangmadla, lubusan itong nakakahumaling. Kaya naman hindi na nakapagtataka kung bakit ilang oras na ang ginugugol ng mga Pilipino at halos idikit na nila ang kanilang mga mata upang libangin ang sarili sa nasabing plataporma. 

Isiniwalat nga ni Frances Haugen, isang Meta whistleblower at dating empleyado ng Facebook, na may mga internal na dokumento hindi umano na nagsasabing alam ng kumpanya na ang mga produkto nito ay may mga elemento na nagbibigay pinsala sa mga tao.

Wala namang pag-aalinlangan sa progresong dala ng iba’t ibang plataporma ng hatirang pangmadla. Hinulma nito ang ideya ng pakikipag-ugnayan ng itong sangkatauhan at nagdala ito ng sistemang binuhat ang lipunan tungo sa pangmatagalang kaunlaran. 

Subalit kung ito ay may kaakibat na kasiraan lalo na sa kabataan, nararapat lang na ipagdiinan ang tamang limitasyon at aplikasyon ng disiplina sa paggamit ng mga ganitong klaseng inobasyon na mapakikinabangan sa mundo. 

Telepono nina Juan at Juana

Sa bawat galaw ay imposibleng hindi dala nina Juan at Juana ang kanilang mga telepono. Kahit saan sila pumunta ay maaasahang katabi nila ang mga ito.

Hindi isang pagkakasala ang galugarin ang nilalaman ng telepono, partikular na ang mga plataporma ng hatirang madla. Ngunit kung haharang ito sa mga bagay na mas nararapat bigyan ng pansin, dito na masasabing mayroong mali sa paggamit nito. 

Kabilang na sa mga kabataan na madalas gumamit ng social media ay ang 3rd year BS Economics student mula sa Polytechnic University of the Philippines na si Cameron Freah Buison.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Buison, ibinahagi niya na ginagamit niya ang hatirang pangmadla upang gawing libangan. Nanonood siya ng mga video, tinitingnan ang nilalaman upang maging updated sa mga nangyayari, at makibalita sa kanyang mga kaibigan. 

Ngunit sa kabila ng makabuluhang pakikinabang sa hatirang pangmadla, batid din niya ang hindi magandang epekto nito sa kaniya. 

“May mga araw na nakakaranas talaga ako ng endless scrolling sa aking social media na nagiging dahilan sa pagiging unproductive ko. Dahil nga tinatamad na, hindi ko magawa agad ‘yung mga school activities and readings ko,” sambit ni Buison. 

Bunga ng hindi magandang epekto ng hatirang pangmadla sa kanya, nililimitahan niya ang kaniyang sarili sa paggamit ng hatirang pangmadla.

I turned on the application restriction sa settings para hindi ko magamit talaga ‘yung mga social media. Of course, self-discipline talaga,” paliwanag ni Buison.  

Mungkahi ni Buison na alamin dapat ang limitasyon sa paggamit ng social media, unahin ang mga dapat tapusin lalo na ang mga takdang aralin. 

“Know to balance your priorities and social media time,” dagdag ni Buison.

Bukod kay Buison, kabilang din si Uriel Christopher Malapote, isang 4th year BS Computer Engineering student mula sa Batangas State University sa pagiging aktibo sa social media. 

Ayon sa panayam sa kanya ng FEU Advocate, salungat ang nangyayari sa kanya tuwing nakakaranas siya ng endless scrolling sa paggamit ng social media

“Sa tingin ko, wala namang nagiging epekto sa produksyon ko ang endless scrolling sa social media, kung baga ginagawa ko muna ang mga dapat kong gawin sa loob ng bahay bago ko hawakan ang aking selpon sa pag-i-i-scroll,” paliwanag ni Malapote. 

Kapakipakinabang naman talaga ang dala ng hatirang pangmadla. Subalit kung dadalhin nito ang isang indibidwal sa paulit-ulit na daan, walang patutunguhan, at tila’y ipipiit sa walang katapusan, nararapat na ito’y bigyang pansin at matuldukan. 

Sa daang tinatahak nina Juan at Juana, pihadong maraming haharang sa kanilang patutunguhan. Pababagalin ang kanilang produksyon at lalasunin ang kanilang kaisipan. Ngunit isang tanong lang ang kailangan nilang sagutin: Papapigil ba sila? Natitiyak na sa paglubog ng araw, sila rin ang gagalugad sa kanilang landas kaya naman nawa’y tahakin ito nang may kaakibat na pag-iingat.