Ubaldo propels FEU’s offense to win vs AdMU, claims solo 4th spot
- March 17, 2024 11:52
FEU Advocate
December 29, 2024 17:53
Ni Jasmien Ivy Sanchez
Malalim na pagpapahalaga sa pamilya at tradisyon ang nasa likod ng taunang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Ngunit sa kabila ng bawat masaganang selebrasyon, may mga pamilyang nagsusumikap na mairaos ang isang gabi ng kasiyahan at pagbibigayan. Bakit nga ba isinasakripisyo ng mga Pilipino ang pinansiyal at emosyonal na kapakanan kapalit ng isang "perpektong" okasyon?
Pagsapit ng ber months
Itinuturing ang Kapaskuhan at Bagong Taon bilang isa sa pinakamahalagang panahon sa kalendaryong Pilipino. Naging tanyag na rin ang bansa sa buong mundo dahil sa apat na buwang pagdiriwang nito mula Setyembre hanggang Disyembre.
Pagsapit pa lamang ng Setyembre, awiting pamasko na ang madidinig sa bawat tindahan at radyo, habang nagsisimula nang magningning ang mga parol at Christmas light sa mga bangketa at mall. Dagdag pa rito, nagbibilang na rin ng araw ang mga Pilipino bago sumapit ang Pasko.
Nakaugat sa relihiyosong paniniwala ng bansa ang diwa ng okasyon, partikular na sa paggunita sa pagsilang ni Hesukristo. Kung kaya’t isa rin itong pagkakataon para sa mga Pilipino na magsama-sama at magdiwang nang may kagalakan at pagpapahalaga sa isa’t isa.
Nagsisiuwian ang mga kapamilyang mula sa ibang bansa, habang ang mga nagtatrabaho sa lungsod ay nagbabalik din sa kani-kanilang mga baryo at probinsiya.
Sa kabila ng mga responsibilidad sa siyudad, sinisikap nilang lumuwas pauwi upang sama-samang ipagdiwang ang mga masasayang sandali na hatid ng okasyon na inantay buong taon.
Kaya naman nagiging pagkakataon ito para magpahinga, magbigay-pasasalamat, at makipagkumustahan tungkol sa mga kuwentong inipon buong taon para lamang sa isang gabi na pagsasama.
Habang nagliliwanag ang mga lansangan dahil sa mga palamuti, nagsisimula na ring buksan ang usapin tungkol sa mga plano para sa mga handaan, regalo, at iba pang aktibidad na magiging sentro ng inaabangang selebrasyon.
Sa bawat tahanan, mararamdaman ang matinding hangarin na mag-ukit ng isang hindi malilimutang pagdiriwang sa dulo ng taon. Madalas itong humahantong sa pagpaplano ng magarbong Noche Buena at Media Noche, kasama na ng pagbibigay ng regalo sa kabila ng mga hamon sa buhay.
Nakabaon na salo-salo
Para sa marami, ang Pasko at Bagong Taon ay isang okasyon na hindi puwedeng palampasin. Kaya naman sa likod ng kislap at saya ng pagdiriwang na ito, may ilang pamilya na pinipilit makapaghanda—kahit pa lampas na ito sa abot ng kanilang makakaya.
Nakaukit na sa kultura ng pamilyang Pilipino ang pangungutang para makapaghanda tuwing mga ganitong okasyon.
Ipinaliwanag ni Catherine Jhoi Mamawan, isang FEU propesor sa Departamento ng Sikolohiya, na nag-uugat ito sa malalim na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kaniyang kapuwa at sa kanilang imahe sa paningin ng lipunan.
“We value our kapuwa. When we say, ‘kapuwa,’ it's a shared identity; that we get to relate and be connected with them. May mga tinatawag din na ‘hiya,’ which is a Filipino value rin. It's actually governed by the notion na tayong mga Pinoy, we aim to represent our family in [the] most honorable or positive way. Sort of a social conformity and since we have a collectivist culture, we always put others bago tayo (Pinahahalagahan natin iyong ating kapuwa. Kapag sinabi nating ‘kapuwa,’ kolektibong pagkakakilanlan ito; kung saan nakikibahagi at kumokonekta tayo sa kanila. May tinatawag din na ‘hiya,’ na isang pag-uugaling Pilipino rin. Pinamamahalaan ito ng paniniwala na tayong mga Pinoy, layunin nating pangatawanan ang ating pamilya sa pinakamarangal o pinakapositibong paraan. Isa itong uri ng pagsunod sa lipunan, at dahil meron tayong kultura ng kolektibismo, lagi nating inuuna ang iba bago tayo),” anito.
Sa pagbabahagi naman ni Justine Keswani, isang fourth-year Communication student, inilarawan niya ang ganitong karanasan ng kaniyang ina bilang isang single mother. Kung saan napagdaanan na rin nilang manghiram ng salapi upang matugunan ang mga pangangailangan at mabigyan sila ng masayang selebrasyon.
Ayon kay Keswani, naapektuhan siya nito bilang panganay, lalo na sa aspekto ng mga responsibilidad na nakaatang sa kaniya.
“Dumating ako sa point na iniisip ko paano ako magiging masinop as an individual at maging mabuti at hindi abusuhin kung ano ‘yung meron kami ngayon kasi alam ko kung saan siya nanggaling… sa hirap din. Sa hirap din ng nanay ko para kumita at makapag-provide sa amin.”
Maraming aspekto at masalimuot ang ugat ng pangungutang tuwing Pasko at Bagong Taon. Sa likod ng ganitong pagsubok, mayroon ding malalim na pagpapahalaga ang mga Pilipino sa mga tradisyunal na selebrasyon at sa pagmamahal sa pamilya.
Dito pumapasok ang psychological na epekto ng mga pamantayan ng lipunan at ang ideya ng "perpekto" o "engrandeng" selebrasyon na nag-uudyok sa marami na mangutang upang matugunan ang inaasahan ng iba.
Sa pagsisikap na mapanatili ang imahe ng kasiyahan at kaayusan, isinasakripisyo ang seguridad ng kanilang kinabukasan para sa isang gabi ng pagdiriwang.
Tulad ng sabi ni Mamawan, naiaalay na ang kapakanan ng isang Pilipino, hindi lamang sa usaping pinansiyal, kung hindi pati na rin sa emosyonal at mental na kalusugan, sa hangaring magkaroon ng masayang Pasko at maibsan ang paghihirap ng pamilya.
“Para lang may maihanda sila sa mga magiging bisita nila, they would really go beyond. 'Yung boundary tuloy, naba-blur. Hanggang saan ba talaga kaya... pero kasi siguro dahil clouded tayo sa [ideya na] 'Ah, minsan lang naman mag-Pasko' o kaya 'Nakakahiya, pupunta sila rito sa bahay nang wala man lang akong maihanda.’ Doon sa ideya [hiya] na 'yun, para siyang nagiging self-sacrificial effort of self-control for the sake and welfare of others,” sambit pa ng propesor.
Subalit ayon din sa kaniya, may nakaangkla rin dito na negatibong implikasyon na hindi nararapat balewalain. Buhat ng pagsisikap na sundin ang inaasahan ng lipunan, nabubura ang kakayahan ng isang tao na maipahayag ang sariling limitasyon at mas binibigyang-diin ang panlipunang papuri.
“It will cost, not only on financial stress pero 'yung bang pressure na you always have to present yourself in [a] positive and accommodating light. So ikaw ngayon, not only doon sa prinoproblema mo ngayon after kung saan ka kukuha ng pambayad sa mga inutang mo, pero nako-compromise din 'yung authenticity mo as a person (Magdudulot ito, hindi lamang ng pinansiyal na hamon pero ‘yung bang presyon na lagi mo dapat ipresenta ang sarili mo sa positibo at maginhawang kalagayan. Kaya ikaw ngayon, hindi lang doon sa pinoproblema mo ngayon kung saan kukuha ng pambayad sa mga inutang mo, pero nakokompromiso rin 'yung pagiging totoo mo bilang isang tao),” pagbahahagi pa ni Mamawan.
Inayunan naman ito ni Keswani sa pagbanggit na malalim din na nakaugat sa ating kultura ang presyon na dulot ng mga tradisyon na tulad ng Pasko at Bagong Taon, “May mga remnants ng social pressure sa tradisyon natin na ito. Kasi sa ibang mga bansa naman, definitely wala namang ganitong practice.”
Nasasanay ang mga Pilipino sa ganitong kalakaran, kaya’t kapag hindi naabot ang ekspektasyon, nagkakaroon ng pakiramdam na may puwang o kakulangan.
Kaya't nararapat na mahanap ang balanse sa pagitan ng pagpapahalaga sa mga tradisyon at pagiging tapat sa ating kakayahan. Hindi nasusukat ang tunay na diwa ng Pasko at Bagong Taon sa halaga ng mga handa o sa laki ng mga regalong naibibigay, kung hindi sa pagkakaroon ng malasakit at pagkakaisa sa bawat miyembro ng pamilya.
Salin nang sapat, salin ng saya
Bagama’t nakasanayan na ang ganitong gawi sa kultura ng mga Pilipino, panahon na upang pag-isipan kung ito ba’y tunay na nagpabubuti sa ating kalagayan o nagiging balakid lamang ito sa pag-unlad.
Mungkahi pa ni Keswani, hindi dapat gawing normal ang ganitong kaugalian tuwing Pasko at Bagong Taon. Sa halip na maging isang solusyon, ito’y nagdadala ng panibagong pasanin na madalas lumalampas sa panahon ng selebrasyon.
Habang hindi kinakailangang tanggalin ang nakasanayang gawi ng paghahanda para sa mga ganitong okasyon, kinakailangan nating hanapan ito ng mas epektibo at responsableng alternatibo.
Kaya naman payo ni Mamawan, komunikasyon ang susi sa lahat ng bagay. Mahalaga ang pagtatalakay sa mga isyung tulad ng mga aspektong pinansiyal sa loob ng pamilya.
“Wala naman sigurong masama kung sasabihin mo sa pamilya mo na ‘Hanggang dito lang po yung kaya ko sa ngayon,’ at least nagiging malinaw ‘yung expectations mo rin sa sarili mo [at] expectations din nila sa iyo… Kasi pag na-establish 'yun, 'yung boundaries na sinasabi natin, mas magiging madali para sa atin,” anito.
Sa pamamagitan ng bukas at tapat na pag-uusap, magkakaroon ang bawat partido ng pang-unawa sa mga responsibilidad at sakripisyo na kinakailangan tuwing may mga okasyon.
Dagdag pa ng propesor, hindi kinakailangan ng engrandeng selebrasyon upang mapuno ito ng kahulugan.
“You have to differentiate your needs from your wants. Kasi minsan, hindi lang tayo nagiging wais sa kung paano natin gamitin ‘yung pera natin. Pero nagiging wais din tayo on actually differentiating, ano ba talaga ‘yung mas mahalaga sa atin?” wika nito.
Para naman kay Keswani, mahalaga ring tingnan at unawain ang malawakang estrukturang panlipunan at ekonomiya na naglalagay sa maraming Pilipino sa sitwasyong patuloy silang kapos sa sapat na kabuhayan.
“Hindi ‘yun enough, ‘yung pagma-manage lang, paghahanda, kasi ganito nga ‘yung systemic problem na meron tayo, eh. So dapat tingnan natin siya sa mas malaking perspective, na hindi dapat ‘yung mga pamilya ‘yung nagsa-suffer sa mga ganitong klaseng problema na nanghihiram dahil sa kakulangan sa pera, pero rather tingnan natin siya sa malaking perspektibo kung bakit nangyayari ito sa mga pamilya,” paliwanag pa niya.
Kaya naman, hindi sapat ang simpleng payo ng pagtitipid at pagiging masinop, bagkus nangangailangan ng sistematikong pagbabago bilang tunay na solusyon.
Nang sa gayon, mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino at hindi na nila kailangan magsakripisyo ng kanilang kinabukasan para sa isang panandaliang kasiyahan.
Sa dulo, payo nina Keswani at Mamawan na balikan ang katayuan sa lipunan at timbangin ang mga inaasahan sa loob ng pamilya upang magkaroon ng mas makatotohanang pananaw sa kalagayan.
Sukatin ang diwa ng Pasko at Bagong Taon hindi sa dami ng pagkain sa mesa o halaga ng mga regalo, kung hindi sa init ng pagsasama na ipinagkakaloob lamang tuwing may okasyon.
Sapagkat mahahanap ang tunay na diwa ng selebrasyon na ito sa pagiging tapat sa sarili, sa pamilya, at sa kakayahang magbigay at magmahal nang bukal sa kalooban, anuman ang estado sa buhay.
Habang ang mga pamahiin at tradisyon ng handaan ay bahagi na ng kulturang Pilipino, mahalaga ring maglaan tayo ng espasyo upang tanggapin ang ating mga limitasyon at itaguyod ang mas responsable at tapat na pamamahala ng ating mga buhay at kalagayan. Sa huli, isang paalala ang Pasko at Bagong Taon na sa kabila ng lahat, ang tunay na kasiyahan ay matatagpuan sa mga simpleng sandali ng pagsasama.
(Dibuho ni Iya Maxine Linga /FEU Advocate)