Umaalingasaw ang dugo sa puso ng sangkatauhan sa dulang ‘Bangaw’

FEU Advocate
March 21, 2026 17:05


Ni Mikaela Sindac

Dinala tayo ng pagiging makasarili sa katapusan. May misteryong umaaligid sa loob ng isla—may nawawala, namamatay, at nananahimik. Habang nakagapos sa magaspang na buhangin ang mga balisang mag-aaral, napilitan silang lumikha ng realidad kung saan sila ang nasusunod.

Hango sa librong ‘Lord of the Flies’ ni William Golding, itinalakay sa dulang 'Bangaw,' na isinulat ni Gold-Villar Lim at sa direksiyon ni Dudz Teraña na may orihinal na musika ni Vince Lim, ang dangal at budhi ng mga kapos sa saklolo at uhaw sa kapangyarihan—isang pahapyaw sa mundong kinagagalawan ng pansansinuklob.

Lumbay sa gitna ng lamig

Madaling mabiyak ang lipunang marupok sa ilalim ng unos. Unti-unting nabubura sa isipan ng tao ang kanilang kakayahang magpasiya sa oras na ipagdamot ng sakim ang tanglaw. Sa kalaunan, napapawi ang katwiran at lumilibot sa isipan ng tao ang binubulong ng sulsol na bangaw—matira, matibay. 

Kaya nang mapagtanto ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa dula na sila’y nasa ilalim ng krisis matapos bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano sa isang abandonadong isla, agarang ipinakita ang iba’t ibang mukha ng mga gustong mamuno—isang panatag at isang aligaga sa liderato. 

Nagsimula ang dula sa pagpapakilala kay Rafael o ‘Raf,’ ginampanan ni Sam Siasoyco, at Tabeks, ginampanan nina Jharelle Villalobos at Edrud Madalan, matapos mahiwalay ang dalawa sa pagbagsak ng eroplano. 

Mula rito, gamit ang suhestiyon ni Tabeks, itinalaga nilang lider si Raf upang mabuo ang kaayusan. Ngunit lantad ang pagkondena rito ni Jack, na ginampanan nina Aldin Covarrubias at Dave Bambang, dahil sa kaniyang inggit sa kapangyarihan at dominasyon. 

Inihabilin ni Raf kay Jack ang tungkulin sa pangangaso. Kailangang mahuli ni Jack ang baboy-ramo. Dahil dito, naghahalo ang pagkauhaw ni Jack sa kapangyarihan at takot na mapuna siyang mahina kung hindi niya ito magampanan. 

Ngunit hindi nila alam na may namamalaging halimaw sa isla. Bago pa man isiniwalat ang kahindik-hindik na misteryo sa dula, nagkaroon ng pagtitipon ang mga mag-aaral. Nakakita ang ilan ng halimaw na nasa gubat, kasama nila, at kasuklam-suklam ang itsura nito. 

Sa puntong ito, hirap silang paniwalaan ang isa’t isa—mga paslit na takot bigyan ng katuturan ang naratibo ng tuliro. 

Mayroong apoy sa dula na siyang nagsisilbing pag-asa at dangal. Ito ang hinihintay nilang liwanag sa dilim na mag-uudyok sa kanilang magpursigi, maghintay, at mangarap. Ang simula sana patungo sa bukang-liwayway ang siya pang naging umpisa sa sunod-sunod na pagkabigo sa loob ng isla.

Ngunit ipinakita sa dula ang iba’t ibang anyo ng katapangan. Kadalasan, mabilis manumbalik ang pagkabalisa—hinigop ng dilim ang pag-asa at nagluluwal ng pangamba at kilabot sa iilan. 

Sa pagpasok ng lumbay sa kanilang kaluluwa, naging hudyat ito sa iba upang huwag nang ipagpatuloy ang laban sa isla. Sa gitna ng lamig, may ilan sa kanila na pinipiling manatili. Ngunit mayroon ding hinaharap ang katapusan upang takasan ang kalagayan ng katotohanan. 

Dahil paano nga papasanin ng isang musmos ang sarili niyang hikahos nang walang gabay at pagkalinga? Sinong magsasalba sa mga takot sa gitna ng pagsubok? At sino ang tutulong sa mga batang ito maliban sa kanilang sarili? 

Kapangyarihan, katapangan, at kahibangan. 

Nauupos na ang apoy ng pag-asa. Kasama ang iba pang mag-aaral, ipinakita ang pagkakasunod-sunod kung paano unti-unting nabuo ang pananabik at obsesyon ni Jack na mahuli ang baboy-ramo. 

Sa pagkakataong ito, hindi na umiikot ang dula sa lente ng isang mag-aaral. Naging digmaan ang kalagayan ng isla at liban na ang malasakit sa isa’t isa. Sinusunog ng pagkaganid ang kanilang kamalayan sa sarili at sa kapuwa. 

Sa isang iglap na matikman ng tao ang kapangyarihan, napuputol ang kaniyang kakayahang maging ganap na malaya. Nagiging bilanggo ang indibidwal sa tukso ng kaniyang damdamin—tuluyang nagpapalamon sa bagay na nagpapawi ng kaniyang uhaw. 

Ibinunyag ng dula ang itsura ng pagkakaroon ng obsesyon sa puwersa at awtoridad. Hinatid nito ang mga manonood sa malagim na mundong ginagalawan ng mga makasarili. 

Subalit sa gitna ng sigalot sa isla, may isang mapagmasid. May nananatiling mausisa sa kaniyang kapaligiran. Mayroong tumitindig na waring hindi totoo ang halimaw sa isla at resulta lamang ito ng delusyon ng mga mag-aaral.

Sa sentro ng islang protektado ng kabundukan na nasisilayan ng araw at buwan ay may nahalong nilalang na dahan-dahan, naging mas masahol pa kaysa sa kahayupan—isang nakagigimbal na ahas sa damuhan. 

Sa papalapit na wakas, inilantad ang tinatagong sikreto sa isla. Magkakasama sa iisang lungga, makikita lamang nila ang halimaw mata sa mata—sila-sila lamang pala ang halimaw sa dula. Pinatay ng takot sa realidad ang nagsiwalat ng kanilang kinatatakutan; silang mga produkto ng kasakiman ang nag-iisang halimaw.  

Tahimik na ang isla

Sa papalapit na katapusan ng dula, naiwan ang mga mag-aaral kasama ang kanilang mga damdamin. Magkakasama, hinarap nila ang pananabik na makabalik muli sa kalinga ng kanilang mga magulang. Kasama ang indayog ng buwan at himig ng kanilang mga puso, pinahintulutan nila ang isa’t isa na maging mahina. 

Ngunit sa kabila nito, naging pugad ng paghihimagsik ang kalagayan ng isla. Nagkagulo ang lahat at sinusubukan nilang patayin ang isa’t isa. Sa masidhing paggamit ng pagmamalupit, dumating ang ilan sa kanilang huling hantungan. Sa kalaunan, narinig ng mga mag-aaral ang kalansing ng eroplano sa himpapawid na siyang tunog ng saklolo. 

Unti-unti nilang iniwan ang mundong sila mismo ang bumulok. Dahil sa katunayan, ang halimaw ay wala sa gubat, hindi nila ito natagpuan sa gitna ng malakas na hangin, sa pagsilip sa pagitan ng alingasngas ng mga dahon, wala ito sa ilalim ng tubig, at hindi ito nagtatago sa kuweba. 

Litaw at naninirahan ito sa kanilang kalooban. Nakakabit sa karumal-dumal na kaluluwa ng mga ganid at makasarili. Pumapaslang ang halimaw at nagsusupling ito ng sangkaterbang dugo. 

Umiikot ang dula sa usapin ng moralidad ng sangkatauhan sa oras na mawala ang sibilisasyon. Ang pahintulot sa halimaw na mamuno sa sarili ang magtatapos sa sambayanan. 

Kawangis ng dula ang isang bangungot na masaklap na hinaharap ng bawat Pilipino na ginigipit ng gobyerno na maging makasarili. Ang kawalan ng sapat na saklolo mula sa nanungkulan ang kadahilanan kung bakit napilitan ang mga desperado na gapangin ang buhay sa nakababahalang pamamaraan. 

Itinambad sa kuwento ang kahalagahan ng pagkakaroon ng nanunungkulang matatag at may paninindigan sa gitna ng kapinsalaan. Gayundin ang pagpapahalaga sa kapatiran. Sapagkat bawat sangay na bumubuo sa pagkakakilanlan ng isang indibidwal ay konektado sa bawat nakakasalamuha nito. Itigil ang bulag na pagsunod, kuwestiyunin ang kalagayan ng tao sa lipunan, at huwag magpapalamon sa kasuklaman.

Binabangaw na ang mundong ginagalawan ng sangkatauhan. Nagsisilbing salamin ang dula sa hinaharap ng sanlibutan. Sa kalagayan ngayon ng bansa, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na nagpapatayan na ang mga hipokrito, nawawala ang malasakit ng mga Pilipino sa isa’t isa, at nabubuhay na lamang ang lahat para sa pansariling interes. Ano ang handog ng hinaharap kung ganito ang estado ng kasalukuyan? Iisa ang sagot: kamatayan. 

Patuloy ang pagtatanghal ng Bangaw mula Marso 26, 27, 28 at Abril 10, 11, 16, 17, 18, 23, at 24 sa FEU Center for the Arts Studio sa Ground Floor ng Engineering Building.

(Kuha ni Rian Balagtas/FEU Advocate)