Taya ang buhay sa laro ng kapalaran

FEU Advocate
July 25, 2025 18:38


Ni Jasmien Sanchez

Sa isang lipunang salat sa oportunidad at gutom sa ginhawa, nagiging kaakit-akit ang pangakong panalo sa online gambling. Subalit, kailangang itaya ang buhay upang makamit ang matagal nang inaasam na pag-ahon sa kahirapan—kahit pa ang mga premyo’y palamuti lamang sa sugal kung saan lugi ang masa at panalo ang may kontrol sa sistema.

Patuloy ang paglobo ng online gambling sa Pilipinas nitong nakalipas na mga taon. Ayon sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), pumalo sa P410 bilyon ang kinita ng mga lisensiyadong aparista noong 2024. Sa pamamagitan ng mga application tulad ng GCash at Maya, mabilis na nakapapasok ang mga Pilipino sa digital na sugal gaya ng e-sabong at online bingo dahil sa madaliang akses sa social media. Higit pang lumalaganap ito sa gitna ng matinding kahirapan, kakulangan sa oportunidad, at pangangailangan na kumita sa mabilis na paraan.

Bitag ng modernong sugal

Sa makabagong anyo ng pagsusugal, hindi na kailangang lumabas ng bahay, tumawid sa mga pasugalan, o pumila sa mga peryahan. 

Ngayon, isang pindot na lamang ang pagitan ng isang indibidwal sa sistema na maaaring sumira sa kaniyang kinabukasan—ang online gambling. 

Batay sa panayam ng FEU Advocate kay Julie Trixia Santiago, isang propesor mula sa Departamento ng Sikolohiya sa Pamantasan, mas mapanganib ang ganitong uri ng sugal kaysa sa tradisyonal. 

“Ang tradisyonal na sugal ay limitado lamang ang hawak na pera ng isang taong naglalaro, kung ilan o magkano na ang nawala sa kaniya. Unlike sa online gambling, madalas hindi nararamdaman ang pagkalugi dahil sa cash-in, online banking, na hindi natin namamalayan na wala na palang natira,” paliwanag niya.

Dagdag din ng propesor, nakaambag din ang pagiging accessible nito, na puwede kang maglaro kahit anong oras.

Sa Pilipinas, mabilis itong lumawak hindi lamang dahil sa teknolohiya kung hindi dahil na rin sa kahirapan—sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, sa kakulangan ng disenteng trabaho, at sa paglaganap ng disimpormasyon sa social media upang maengganyo lalo ang mga mamamayan.

Sa gitna ng ganitong kalagayan, ipinakikilala ang sugal bilang isang “oportunidad.” Nagiging patibong ang mga salitang “easy money” na madalas ikinabibitag ng mga estudyante, manggagawang Pilipino, at mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan.

Ngunit hindi aksidente ang pagdami ng mga nalululong sa online gambling. Nagsimula ang mabilis na paglaganap nito sa Pilipinas noong panahon ng pandemya, bunsod ng pagkawala ng mga trabaho.

Habang patuloy na umiigting ang krisis pang-ekonomiya, patuloy ring binabago ng ganitong anyo ng bisyo ang paraan ng pagtaya sa bansa.

Sa panahong iyon, unti-unting sumulpot ang mga application, website, at mga social media page na nag-aalok ng sugal katulad ng e‑sabong at color game.

Malaking bahagi rin ang ginampanan ng GCash sa pag-usbong ng online gambling sa bansa. Mula nang ipakilala ito noong 2004 bilang isang Short Message Services-based money transfer service, mabilis itong lumago at naging isa sa pangunahing ginagamit na e-wallet sa Pilipinas. 

Subalit noong 2024, nadagdagan pa ang mga gumagamit dito nang magkaroon ng “Mga Laro sa GCash” kung saan maaaring direktang magpasok at maglabas ng pera sa mga online gambling platform tulad ng BingoPlus, ArenaPlus, at iba pa.

Ayon sa isang pambansang sarbey ng WR Numero nitong Abril 2025, 92 porsiyento ng mga Pilipino ay may kamalayan sa online gambling, at tatlo sa bawat 10 Pilipino, o 29 na porsiyento ang aktibong gumagamit o interesado rito.

Kasabay nito, tumaas din ang kita sa industriya ng pagsusugal. Tulad ng unang ulat ng PAGCOR, lumago noong 2024 ang kita mula sa e-games at e-bingo na umabot sa P410 bilyon, isang paglago kompara sa 165 porsiyento noong 2023.  

Kung kaya’t kasabay ng pagdami ng akses sa mga ganitong plataporma, lalo ring naging agresibo ang paraan ng kanilang pagpapakilala sa publiko.

Aktibo na ring ginagamit ang mga advertisement sa iba’t ibang aplikasyon upang gawing pangkaraniwan at tanggap na libangan ang pagsusugal—isang aktibidad na dati’y delikado, lantaran, at tahasang ipinagbabawal. 

Ngunit ngayon, tila sinusuportahan at ineendoso pa ito ng ilang tinitingalang personalidad sa internet.

Sapagkat lalong lumalalim ang problema sa tulong ng mga influencer at celebrity na hayagang nag-eendoso ng gambling applications at live casino stream. Sa bisa ng kanilang kasikatan, mas mabilis na nakapapasok sa kamalayan ng masa ang pagsusugal. 

Kapag araw-araw nang nilulunod ang mga Pilipino sa ganitong uri ng content nang wala namang sapat na regulasyon mula sa gobyerno, unti-unti itong nagiging bahagi ng kultura.

Sa isang bansang naghahanap ng saglit na ginhawa, sinasamantala ng mga nasa likod ng industriya ang mismong kagutuman at pag-asa ng masa para kumita.

Ginhawang may gapos

Nakatago man sa likod ng makukulay na application at patok na video, nananatili ang katotohanang maraming Pilipino ang nalululong sa sistemang unti-unting sumisira sa kanilang buhay.

Ayon sa pagbabahagi ng empleyadong si ‘Mark,’ hindi niya tunay na pangalan, sa panayam ng FEU Advocate, una siyang sumubok ng online gambling noong 2018 sa edad na 20.

“Masaya, gaganahan ka sa lahat ng ginagawa mo ‘pag nanalo ka. Pero talagang wala kang gana sa lahat ‘pag talo ka,” aniya. 

Ngunit dumulas din ang kontrol niya sa sarili nang lumalim ang kaniyang karanasan. Sa loob ng isang linggo, umaabot umano sa P300 kada araw ang kaniyang itinataya. 

Aminado siyang hindi man labis ang epekto nito sa kaniyang pinansiyal na kalagayan, malaki naman ang naging dagok nito sa kaniyang emosyon. Nararamdaman niya sa bawat pagkatalo ang matinding lungkot at kawalan ng gana.

Dagdag pa ni Mark, mapanlinlang ang pakulo ng online gambling. Magsisimula raw ito sa “piso-piso,” ngunit bago mo pa mamalayan, nilamon ka na ng sistema. 

“Walang yumayaman sa sugal. Short-term happiness lang ito (Panandaliang kasiyahan lang ito),” saad niya. 

Samantala, si ‘Jess’ na kapwa rin empleyado, ay nagsimula namang masangkot sa online gambling noong nakaraang taon sa edad na 23.

Sa una, kaniyang mga kaibigan lamang ang nagpakilala sa kaniya ng mga laro sa loob ng GCash, ngunit hindi nagtagal ay nahikayat na rin siya ng mga advertisement video sa social media. 

“No’ng kasulukuyang adik or in term na ‘lulong’ halos everyday and umaabot sa 3k [P3,000],” pagbabahagi ni Jess.

Para sa kaniya, nakalilibang ito at minsan pa’y nakatutulong din sa mga personal niyang gastusin kapag nanalo. Ngunit, dagdag niya, mas mabigat ang negatibong epekto nito sa kaniyang buhay. 

“Laging nauubos ‘yung sahod and nasisira ‘yung budget dahil mas madalas ‘yung talo kesa [sic] panalo. Tinitipid ko sarili ko. ‘Yung mga gusto kong food hindi [ko] nabibili. Mas gusto mo pang isugal na lang kesa [sic] ikain. Nakaka-stress [din] ‘pag natatalo, and for the family naman, hindi nila alam na nagsusugal ako,” paliwanag pa niya.

Kung kaya’t ipinaliwanag ng guro sa Sikolohiyang si Santiago na nagbibigay ito ng pansamantalang saya at sigla, ngunit kalaunan ay nauuwi sa emosyonal, pisikal, at mental na pagkapagod.

“Una na rito ay ang pagkawala ng control sa sarili na maaring humantong sa pagkalulong sa paglalaro. Nagbibigay ng excitement, focus, at energy sa isang tao na naglalaro na kalauna’y nauubos din kaya humahantong sa pagkabalisa, galit na humahantong sa stress at depresyon,” saad niya.

Dagdag pa niya, lumalabo ang realidad kapag nalululong na sa online gambling dala ng ilusyon na mababawi pa ang talo o mananalo pa nang mas malaki kung magpapatuloy.

Sa dulo, pare-pareho nilang binigyang-diin ang malaking papel ng mga personalidad sa social media sa paghikayat pa lalo ng mga Pilipinong nahuhumaling sa online gambling

“Dahil sa panghihikayat ng mga kilalang tao sa social media o sa mga billboard, nagbibigay ito ng maling kaisipan [na] puwede tayong kumita nang malaki sa madaling paraan. Sa hirap ng buhay, marami sa mga tao ang madaling ma-persuade rito, lalo na at accredited kuno ang karamihan ng online gambling ng gobyerno,” pahayag pa ng propesor.

Ayon kina Jess at Mark, ginagamit ng mga influencer ang aliw bilang pain upang kumita subalit ang kapalit nito’y mga buhay na nasisira, pamilyang nawawasak, at kinabukasang nasasakripisyo. 

Ipinakikita ng kanilang salaysay kung paano ginagamit ng industriya ang imahe ng kasikatan at tagumpay upang itago ang katotohanang mas marami ang nalulubog kaysa umaahon.

Sa huli, hindi ito dapat basta-basta isinasantabi bilang bisyo. Sapagkat isa itong sikolohikal na bitag na gumagamit ng aliw, kasikatan, at pag-asa upang paikutin ang tao sa siklo ng panalo’t pagkatalo, hanggang sa tuluyang makalimutan ang hangganan ng katwiran at kontrol. 

Sa kawalan ng sapat na regulasyon, edukasyon, at suporta, parami nang parami ang nahuhulog sa ilusyon ng “madaling kita”—isang bitag na mahal ang kabayaran sa huli.

Laban sa pagkalugmok

Hindi na dapat maghintay pa ang lipunan para makita ang pinsalang dulot ng online gambling, lalo na ngayong patuloy ang pagdami ng mga nahuhumaling dito.

Hindi na kailangang magkaroon ng daan-daang kuwento ng pagkalugmok, pagkautang, at pagkawasak ng pagkatao bago pa natin kilalanin na isa na itong epidemya na unti-unting sumisira sa kinabukasan ng maraming Pilipino.

Ayon kay Santiago, nasa tao pa rin ang huling pasya kung hihinto siya sa pagtaya. Maaaring bantayan, kausapin, o ipagkait ang akses sa gadget dito, ngunit kung hindi siya mismo ang makakikita sa pinsalang dulot ng sugal sa kaniyang buhay, mananatili siyang nakakulong sa siklo nito.

“Ang pinakamabisang paraan para tuluyan nang huminto ang isang tao sa pagsusugal ay ang [maranasan ang] matinding pagkatalo. Hangga’t hindi nararating ng tao ang peak ng pagkatalo, mawala ang lahat, at hindi niya makikita ang realidad na dulot ng sugal,” paliwanag nito.

Ngunit kailan pa naging sapat ang pagkatalo bilang solusyon? Sila ba ang nararapat sisihin, o ang sistemang humubog sa isang mundong nakikita ito bilang mabisang alternatibo? 

Kapag wala nang ibang mapagkukunan ng kita at kumakalam na ang sikmura, mismong sistema na ang nagtutulak sa kanila na kumapit sa delikado at mapanlinlang na paraan ng kabuhayan.

Sa isang bansang may 2.06 na milyong Pilipinong walang trabaho, hindi ba’t mas makatarungan na tanungin kung bakit sila napipilitang magsugal sa halip na husgahan sa kasalanang produkto lamang ng matinding pangangailangan?

Kung araw-araw ay kakarampot ang sahod at hindi sapat ang pagkaing hinahain sa mesa, saan nga ba dapat kumapit ang tao?

Sa mga pabrika na wala namang bakanteng posisyon? Sa mga trabaho na may mataas na kalipikasyon? O sa gobyernong kulang sa kongkretong alternatibo?

Hindi sakim ang mga Pilipinong tumataya sa laro ng kapalaran, bagkus nanaig lamang ang kanilang pagiging desperadong mabuhay. 

Kapag walang katiyakan sa kinabukasan, madaling mabighani ang tao sa ilusyon ng panalong hatid ng sugal. Sa harap ng mababang sahod at kulang na oportunidad, nagmumukha itong makatwirang solusyon. 

Hindi sugal ang ugat ng problema kung hindi ang kawalan ng trabaho at kakulangan ng akses sa edukasyon. Dahil hindi ito simpleng bisyo, ngunit isang sintomas sa mas malalim na sugat sa ating lipunan. 

Kaya’t hindi makatarungang isisi lamang sa indibidwal ang pagkalugmok sa bisyong ito; sa bawat taya at sa bawat pagkatalo, naroon ang manipestasyon ng isang sistemang bigong alalayan ang sarili nitong mamamayan. 

Kaya naman saad ng propesor, matagal nang may kakulangan sa paghahanda ang pamahalaan ukol sa pagsulpot at paglaganap ng ganitong uri ng sugal.

“Naging mas mainam sana kung pinag-isipan nang husto ng gobyerno ang mga posibleng epekto ng pagsusugal at pagiging accessible nito sa tao bago ito napayagang ipasa at gawing legal,” saad niya.

Kaugnay nito, kamakailan lamang ay naghain ng kongkretong tugon sa Kongreso. Ipinakilala ni Representative Benny Abante ang House Bill 1876 na layong ipagbawal ang online gambling at offsite betting gaya ng live online casino at e-sabong sa buong bansa.

Gayundin, isinusulong ni Senator Juan Miguel Zubiri ang Senate Bill No. 142 o ang Anti-Online Gambling Act of 2025, na naglalayong ipataw ang ganap na pagbabawal sa lahat ng anyo ng online gambling at mga transaksiyong kaugnay nito.

Kasama rin dito ang agarang paghinto sa transaksiyon sa GCash at Maya kung sakaling iutos ng Department of Justice (DOJ) o PAGCOR.

Inihain din sa House of Representatives ang House Bill 721 o Anti‑Online Gambling Promotions in E‑Wallet Act na naglalayong magparusa sa mga e‑wallet platform tulad ng GCash at Maya kung mag-eendoso ng sugal.

Ngunit kasabay ng mga panukalang ito, mainam din na pagnilayan kung sapat na nga ba ang pagbabawal sa mga ito. Hangga’t nananatiling walang hanapbuhay ang milyon-milyong Pilipino, hangga’t wala silang kongkretong alternatibo, paulit-ulit lamang silang matutulak sa parehong bitag.

Mas mabisang solusyon ang pagbibigay ng tunay na opsiyon—libreng pagsasanay, pagbibigay ng hanapbuhay, at mga industriyang handang tumanggap kahit sino ang handang magtrabaho.

Sapagkat hindi simpleng moralidad ang usapin ng online gambling, bagkus ay isang salamin ng sistemikong kabiguan at kawalan ng alternatibo. 

Kung hindi ito haharapin nang buo, paulit-ulit lang tayong magtatayo ng batas habang ang mismong dahilan ng pagkalulong ay nananatiling buhay at masalimuot.

Kailangang pagtibayin ang mga pagkilos na ito mula sa iba’t ibang sektor. Tungkulin ng gobyerno na protektahan ang mamamayan laban sa mga mapanlinlang na sistemang unti-unting umuubos sa kanilang kinabukasan. 

Sapagkat sa laro na buhay ang puhunan, hindi kailanman matatamasa ng mga nasa laylayan ang tunay na panalo. 

Tingnan ang pagsusugal bilang higit pa sa personal na desisyon. Isa itong sintomas ng mas malalim na suliranin—isang lipunang salat sa oportunidad, lugmok sa kahirapan, at napilitang kumapit sa isang ilusyon ng pag-angat. Dahil sa likod ng panandaliang ginhawa, isa itong laro na buhay ang nakataya at kinabukasan ang nawawala.

(Dibuho ni Kamyl Gelyzah Celi/FEU Advocate)