Swiftly Exiled
- July 15, 2024 21:10
FEU Advocate
August 23, 2023 05:44
May bitbit na mahika ang katutubo mula sa Hilaga.
Marahil siguro sa awitin ng bundok sa bulong ni Kadaklan.
O kaya sa sayaw ng ilog tuwing dumadaan ang amihan.
Lupaing sumilang at lumikha sa tela ng Kalinga.
Telang may iniingatang alamat sa bawat daan ng sinulid.
Inihandog ang pula alay sa magiting nilang diwa,
Dilaw, para sa sinag na bigay ni Ageo sa lupa,
Na nagpayaman sa ani ng kanilang tahanan.
Telang alaala sa mga liriko nilang binuo,
At kinanta sa melodiya ng kanilang bayan.
Upang sumayaw ang sinulid ng kanilang kultura.
Patuloy naglalaro ang karayom sa bulak at abaca,
Gawa sa mga kamay ng iba’t ibang henerasyon,
Upang ikumot sa tuktok ng Pulag, tuwing sisikat ang buwan.
Malayang kikinang ang makulay na luwalhati sa pook ng Cordillera,
Sa tuwing sisilip ang araw sa makaharing Kalinga.
-Rowell E. Jallorina Jr.
(Dibuho ni Alexandra Lim)