A Victorious Fraud
- September 10, 2023 06:15
FEU Advocate
October 28, 2020 12:52
Nina Grace Estuesta at Norwin Trilles
Iniwan niya ang buhay-siyudad at nagpunla sa maliliit na binhi ng pagbabago sa malalaking kabundukan. Tangan ang prinsipyo at sinumpaang adhikain, nagsilbi siyang sinag ng pag-asa sa kabilang ibayo ng bayan. Sa tawag ng gampaning magsilbing tagapagpaganap ng mga nangangarap, nakipagsapalaran ang isang gurong dayo.
Pagsibol ng Adhikain
Wala sa listahan ng Batangueñang guro na si Melody Guevarra o mas kilala bilang Teacher Medz ang pagtuturo, sapagkat simula pagkabata hanggang sekondarya, malinaw ang kagustuhan nitong pasukin ang mundo ng medisina at computer technology. Kumuha ito ng Computer System Design and Programming sa AMA Computer Learning Center sa Candelaria, Quezon alinsunod sa kursong gusto nito sa kolehiyo.
Gayumpaman, makalipas ang isang taon sa nasabing kurso, napagdesisyunan ng pamilya na palipatin ng kurso si Guevarra upang mabigyan ng atensyong-medikal ang kanyang ina. Kaya naman sa taong panuruan 2006-2007, lumipat siya sa kursong Bachelor of Elementary Education Major in Preschool Education. Dala-dala ang mataas na respeto sa mga naging guro, pursigidong niyang natapos sa taong panuruan 2009-2010 ang kurso.
Sa pagsibol ng adhikaing makapagturo, agarang sinuklian ni Guevarra ang bungang diniligan ng kanyang ina. Obligasyong mang ituring ang pagsukli sa pamilya nito, hindi itinuring ni Guevarra bilang pananagutan lamang ang pagtatrabaho, tanda ito ng kanyang pagmamahal sa pamilya.
Ginugol niya sa pampribadong paaralan ang unang apat na taon sa pagtuturo, at piniling maging guro ng kindergarten. Alinsunod sa kanyang paniniwala, nagsisimula ang pagkatuto ng bata sa ganitong antas. Ayon pa sa kanya, habang musmos pa lamang, mahalaga nang magkaroon ng sapat na karunungan ang isang bata, at siya ang magsisilbing gabay upang maisakatuparan ito.
Makalipas ang ilang taon, dinala ng simoy ng hangin si Guevarra mula sa pagtuturo sa pampribadong paaralan patungo sa Mababang Paaralan ng Jaybanga, isang pampublikong paaralan sa Lobo, Batangas. Dito niya sinimulang payabungin, hindi lang ang karanasan kundi pati ang adhikaing edukasyon para sa mga musmos ng kabundukan.
Pagpapayabong ng karanasan
Alang-alang sa kagustuhang maging liwanag sa liblib na kaisipan ng mga bata, piniling iwan ni Guevarra ang nakasanayang buhay-siyudad. Tila nakakulong sa isang lugar na may malayang pagpupunla—sa mga nakagisnang gawain na may kalayaan sa pagkilos. Iniwan niya ang malalaking gusali ng kasaganahan kapalit ng kabundukang salat sa karangyaan, pati ang mga ingay ng sasakyang nakapagtatanggal ng pag-asa sa mga huni ng ibong mapagpalaya.
Minabuti ni Guevarra na manirahan malapit sa paaralan kung saan siya nagtuturo, upang mas matutukan ang tungkulin bilang guro. Aminado siya naging mahirap lalo na’t nariyan ang lungkot, pangamba at pangungulila. Ngunit walang puwang ang mga ito upang hindi tanggapin at labanan, sapagkat ang oportunidad na ito ang magpapalago sa kanyang kakayahan.
Unos sa pagpapayabong
Ang pananalagi sa kabundukan ang nagmulat sa totoong buhay ng noon ay 26-anyos pa lamang na si Guevarra. Dito, dinala siya ng sariling kapalaran sa mga bagay-bagay na hindi niya inakalang mangyayari sa tanang buhay—mga pangyayaring lalong nagpatibay sa ipinunlang adhikain.
Naranasan niyang tumawid sa rumaragasang tubig ng ilog na aabot hanggang beywang kung matataunang maulan. Naranasan din niyang sumakay sa bubong ng mga limitadong biyahe ng pampasehorong dyip patungong kabundukan.
Naging sakit din sa sektor ng edukasyon ang pandemyang pumasok sa bansa, kung saan naging hamon ito para sa maraming aspeto. Karamihan sa mga Pilipino ay unti-unting nang bumibitiw sa sanga ng pag-asa habang patuloy na rumurupok ang puno ng tagumpay. Tila nilalamon ng mapangambang emosyon— stress at anxiety ang lakas ng bawat isa.
Hamon naman sa mga guro na kagaya ni Guevarra ang ipinatutupad na bagong normal sa pagtuturo o mas kilala sa tawag na modular distance learning, sa pangambang walang kasiguraduhan na may natututunan ang mga bata. Gayunpaman, nananatili itong positibo at mas piniling patatagin ang sarili at patuloy na umagapay sa mga batang kaniyang tinuturuan.
“Sa kasalukuyan ay nahihirapan ang mga guro sa bagong birtwal na normal sapagkat hindi namin alam kung talaga bang matututo ang mga bata… ginagawa namin ang aming makakaya upang mabigyan ang mga mag-aaral ng edukasyon na nararapat sa kanila,” turan ni Guevarra.
Sang-ayon naman siya sa bagong estratehiya ng pagtuturo, sapagkat dapat isaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral na nasa proseso ng pagpapaunlad. Sa kabila ng mga problema sa sektor ng edukasyon, kailanman ay hindi niya naisip na magpalipat ng paaralan. Kapalit ng pinili nitong propesyon ang pagtitiis at pagtulong sa mga mag-aaral na itinuturing siyang pangalawang magulang.
“May mga batang nanggagaling pa sa malalayong lugar na naglalakad lamang upang makapasok sa paaralan. Kaya naman bilang isang guro sinusuklian ko ito ng kasipagan sa pagtuturo upang higit silang matuto sa bawat araw,” pahayag ni Guevarra.
Pag-abot sa mga bungang diniligan ng pag-asa
Para kay Guevarra, hindi dapat tumigil ang mga batang nasa malalayong lugar sa pagpapaunlad ng kanilang sarili kahit na ang mga pinagdadaana’y animo’y mga anay na pilit kinakain ang naipundar na karunungan at kaalaman. Patuloy din ang kanyang paalala na sa anumang oras handa siya at ang nakamaraming guro para manatiling tuntungan ng mga mumunting bata na nagnanais lumago katulad nila.
“Ang masasabi ko ay huwag tumigil na mangarap sapagkat ang sabi nga, ‘libre ang mangarap’. Kung susuko tayo hindi natin makakamit ang tagumpay. Ang buhay sa mundo ay parang takbuhan. Kapag sumuko ka hindi ka makakarating sa finish line pero ‘pag nagsikap ka at dumiretso ka ng takbo, makakamit mo ang tagumpay,” pahayag nito.
Mariin din niyang iginigiit na walang makapipigil sa kanyang pagtuturo hangga’t may mga batang umaasa sa kanya. Patunay na hindi dapat mangamba ang mga bata, at sa mga pagkakataon na akala nila’y mababali ang sanga ng kanilang tagumpay, meron pa ring mga taong aalalay na maabot ang kanilang mga pangarap, lalo na ngayong may pandemiya.
“Para sa mga mag-aaral na nahihirapan din sa bagong normal, hindi natatapos ang ating buhay dito. Tuloy lamang ang buhay. Tuloy lamang ang edukasyon. Balang araw, maiintindihan din ng mga bata ang lahat ng nangyayari bagaman napakahirap ay kakayanin. Malalampasan natin ito sa tulong ng Diyos… mahalaga ang edukasyon dahil ito ang sumasalamin sa ating pagkatao bilang isang indibidwal. Dito nakasalalay ang iyong tagumpay pagdating ng panahon,” turan ni Guevarra.
Tunay ngang nakagagalak isipin na sa kabila ng hamon ng mundong ginagalawan, marami pa rin ang handang isangkalan ang sarili matulungan lamang ang iba na maabot ang daan patungong tagumpay.
Malayo man sa kabihasnan ang piniling titigilan, hindi ito naging hadlang upang gamitin ang sarili para sa adhikaing may patutunguhan. Ang kanyang presensiya na naagpa-angat sa nakatungong sibol ng pag-asa ay mananatili sa puso ng mga musmos.
Ngayong hinahamon tayong lahat ng kabilaang mga problema, maging inspirasyon sana ang buhay ni Guevarra na huwag tayong susuko sa mga unos na dumarating at darating pa. Magpatuloy tayo sa pag-abot ng ating mga pangarap para sa mga taong nagpapatuloy para sa atin.
Itanim natin ang matatabang lupa ng pagkakaisa, katuwang ang malinis na adhikain para sa kapwa. Diligan ang diwa ng sapat na kaalaman at maging mapagmatyag sa mga nangyayari sa kapaligiran. Gamitin natin ang ating mga pribilehiyo sa buhay upang ang bunga nito’y maipamahagi sa iba. Nawa’y katulad ni Guevarra, makiisa tayo sa panawagan ng pagbabagong magbubunga sa mapagpalayang karunungan.
(Ilustrasyon ni Margaux Rivera)