Sapat ba ang limandaan para sa blangkong hapag-kainan?

FEU Advocate
December 30, 2025 11:52


Ni Bianca Bumatayo 

Sa pagtatapos ng huling pahina ng taong 2025, tila may bumabalot pa ring anino ng kakapusan sa pamumuhay ng bawat Pilipino. Sa kabila ng hindi makatarungang sahod habang nakikipaglaban pa rin ang masa sa hamon ng buhay, patuloy nilang inaasam na magdiwang nang may masaganang hapag-kainan dala ang kanilang pitakang walang ibang laman kung hindi sakripisyo para sa pamilyang inuuwian. 

Itinalakay ng sekretarya ng Department of Trade and Industry (DTI) na si Cristina Roque noong ika-28 ng Nobyembre nitong taon ang ₱500 Noche Buena package.  

Ayon sa pahayag ng Philstar, iginiit ng kalihim na mapagkakasya na ang halagang ₱500 Noche Buena sa apat na miyembro ng isang pamilya.

Ngunit sa halip na mabigyan ng opsiyon ang mga konsyumer na makapagsalo-salo sa simpleng pamamaraan, naging sanhi ito ng pagkadismaya ng masa lalo na’t kasalukuyang lumulubha ang karanasan ng lipunan hinggil sa mababang sahod sa bansa.

Timbang ng limandaang piso 

Sa karaniwang pamumuhay pa lamang ng mamamayang Pilipino, mahirap nang pagkasyahin ang halagang ₱1,000 para sa mga pang-araw-araw na gastusin kada buwan.

Saklaw ng gastusin nito ang kuryente, tubig, matrikula sa eskuwelahan, at minsan, kasama pa ang bayad sa renta na tinutuluyan.

Ngunit sa kabila ng pinansiyal na paghihirap sa pang-araw-araw na gastusin, lalo pang ikinabahala ng mga Pilipino kung paano pagkakasyahin ang ₱500 para sa munting salo-salo sa pagsalubong ng Bagong Taon. 

Inilunsad ng DTI ang ideya ng ₱500 Noche Buena bilang gabay sa mga mamimili sa pagpili ng mas abot-kayang pagkain para sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon.

Layunin nitong maipakita na sa pamamagitan ng praktikal na pamimili, posible ang simpleng paghahanda na angkop sa badyet. 

Bunsod nito, lumutang ang iba’t ibang kritisismo at opinyon kaugnay ng inilunsad ng DTI dahil hindi realistiko ang halaga nito lalo na sa kasalukuyang presyo ng mga bilihin. 

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Lou Marie Ofrancia, isang administrative officer IV ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang kaniyang saloobin hinggil sa kalagayan ng presyo ng bilihin at sahod sa bansa.

“Kapag sinasabi mong ‘₱500 Noche Buena,’ ang dating pakiramdam ay kaya mo nang maghanda ng spaghetti, ham, keso, at kahit isang dessert. Ngayon, sa presyo ng bilihin, parang isang pack ng pasta, kaunting sauce, at isang maliit na fruit salad na lang ang kasya. Ramdam mo na lumiliit ang halaga ng pera habang hindi naman gaanong tumataas ang sahod,” saad ni Ofrancia. 

Nais pairalin ng DTI ang pagtitipid at pagkokompromiso sa pang-araw-araw na pangangailangan kompara sa masaganang handa. 

Ngunit isa itong malaking insulto para sa mga Pilipinong may bitbit na suliraning pinansiyal sa kanilang pamumuhay. 

Gaya ni Ofrancia, ipinahayag ni Bianca Mendoza, isang rehistradong medical technologist sa isang pribadong klinika sa Maynila, ang kaniyang pagkadismaya tungkol sa inilunsad ng DTI.

“Hindi sapat ang ₱500 Noche Buena package para sa isang buong pamilya. Maaaring makatulong ito bilang dagdag, ngunit hindi nito natutugunan ang kabuuang gastusin para sa isang disenteng handa, lalo na kung marami ang miyembro ng pamilya at tumataas ang presyo ng mga bilihin,” aniya.

Dulot nito, tila isang diskusyon ang sumilay sa isip ng madla—kung paano napagpasyahan ng DTI na sapat ang ₱500 sa gitna ng implasyon, kakulangan sa sahod, at lumalawak na agwat ng gastusin ng pamilyang Pilipino. 

Sangkap ng gutom at sakriprisyo 

Sa bawat rekadong nakahalo sa handang Noche Buena at Media Noche, saklaw rin ng mga putaheng ito ang sangkap ng sakriprisyo sa bawat Pilipino. 

Ito ang mga mamamayan na nagpupursiging mairaos ang pagsalubong ng panibagong taon, sa kabila ng mababang balik ng kanilang dedikasyon sa trabaho.

Kung tutuusin, nananatiling mababa ang naitalang sahod sa Pilipinas na ₱695 kada araw sa buong NCR nitong Hulyo ng kasalukuyang taon.

Kaya naman hindi maiwasang ipahayag ni Ofrancia ang nakikita niyang epekto ng implasyon sa lipunan ng bansa. 

“Kapag tumataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa implasyon, mas malaki ang bahagi ng kita ng isang pamilya [na] napupunta sa pang-araw-araw na gastos. Ang dating badyet na may natitira para sa ipon ay nauubos sa pagkain, pamasahe, kuryente, at iba pang pangangailangan,” paliwanag nito. 

Kung kaya’t isa ring malaking pagdududa kay Mendoza kung posible nga bang makapaghanda ng Noche Buena at Media Noche ang ordinaryong pamilya sa halagang ₱500. 

“Bilang isang minimum wage earner, malaking salik ang sahod sa paghahanda para sa pagsalubong ng bagong taon. Kailangan magplano nang maaga, mag-ipon paunti-unti, at mamili ng mas murang alternatibo para may maihain pa rin sa hapag,” dagdag pa niya.

Dahil kung sisiyasatin nang maigi, habang patuloy na tumataas ang gastusin ng bawat Pilipino, lalo lamang lumulubha ang kahirapan sa lipunan. 

Sa katunayan, naitalang tumaas ng 1.5 porsiyento ang implasyon nitong Agosto ng kasalukuyang taon mula sa 0.9 na porsiyento noong Hulyo, isang buwan lamang ang pagitan.

Kasabayan din nito ang malinaw na epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya’t mas nahihirapan ang mga Pilipino na makapag-ipon lalo na tuwing kapaskuhan. 

Sa kasalukuyan, nasa ₱400 hanggang ₱500 kada kilo ang presyo ng baka, habang naglalaro naman sa ₱150 hanggang ₱330 kada kilo naman ang galunggong, bangus, at tilapia. 

Samantala, nasa ₱80 hanggang ₱140 kada kilo ang presyo ng talong, habang tumatayang nasa ₱80 hanggang ₱200 kada kilo naman ang ampalaya, kamatis, at sitaw. 

Bunsod ng mga datos na ito, tila kala-kalahating kilo lamang ng isda, karne at kaunting piraso ng gulay ang maaaring magkasya sa halagang ₱500. 

Malinaw na salungat ang panig ng mga ordinaryong Pilipino sa inilunsad ng DTI hinggil sa sapat na ₱500 Noche Buena. 

Inayunan naman ito ni Ofrancia bilang saksi sa kasalukuyang sistema ng mataas na presyo ng bilihin sa bansa. 

“Naapektuhan ng implasyon ang purchasing power, kaya ang pera na dati ay sapat para sa handa at ipon, ngayon ay kulang na kulang. Ang epekto nito ay mas kaunting ipon, mas maraming kompromiso, at minsan, utang pagkatapos ng holidays,” pagpapaliwanag ng empleado ng BSP. 

Sa halip na umunlad ang kabuhayan ng bawat Pilipino, patuloy silang naiipit sa pagitan ng mababang sahod at hindi matatawarang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kaya’t nagiging malaking palaisipan kung paano nga ba tinutugunan ng pamahalaan ang patuloy na kakulangan ng sahod at benepisyo ng mga manggagawang Pilipino, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin at kawalan ng pag-angat ng minimum wage

Bukod sa suliraning pansahod ng mga Pilipino, maraming manggagawa ang hindi pa rin ganap na nabebenepisyuhan ng proteksiyong panlipunan. Tulad na lamang ng pagsisiguro sa kalusugan, retirement pay, separation benefits, at iba pa. 

Sa bandang huli, nagsisilbing pananda ang inilunsad ng DTI bilang kabiguan ng estado na tiyaking sapat ang sahod at proteksiyon ng bawat manggagawa. Hangga’t may naghihikahos na mamamayan, mananatiling sakripisyo ang mga piging na pinagsasaluhan ng bawat pamilyang Pilipino.

Halaga ng lamesang may dignidad 

Sa kabila ng kakapusan sa pamumuhay ng mga Pilipino, isa lamang ang bukod-tanging hangad ng masa—ang maramdaman at salubungin ang Bagong Taon nang may dangal at dignidad.

Isang karangalan kung saan hindi kailangang isakripisyo ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino. Nang sa gayon, hindi na nababaon sa utang sa bawat pagtatapos ng pagdiriwang.

Dulot nito, ipinahayag ni Mendoza na nararapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang kaunlaran sa sahod ng mga manggagawang Pilipino. 

“Inaasahan ko ang mas mataas na sahod na sasabay sa pagtaas ng presyo ng bilihin, dagdag na subsidyo sa pagkain at pamasahe tuwing kapaskuhan. Malaking tulong din ang maayos at sapat na benepisyo upang mas maging handa ang mga manggagawa sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at kinabukasan,” aniya. 

Bukod pa rito, saklaw rin ng panukalang taas-sahod ang maiangat ang minimum wage ng ₱100 hanggang ₱200 kada araw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Isinusulong ito bilang tugon sa mababang lakas ng pagbili ng mga manggagawa, upang mas matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. 

Bilang pagdaragdag, nararapat ding matutukan ang Cost of Living Allowance-based system, kung saan inaayon ang sahod sa pagtaas ng implasyon nang hindi nasasakripisyo ang bawat dagdag-sahod sa bawat manggagawa. 

Sakop din ng sistemang ito na makapagbigay-proteksiyon laban sa kahirapan. Layunin nitong hindi maapektuhan ang pamumuhay ng mga manggagawa sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan. 

Isa ang aksiyon na ito sa mga unang hakbang sa kahirapan ng lipunan kung sisikapin ng pamahalaan ang kaayusan sa subsidiya at angkop na benepisyo para sa bawat mamamayan.

Sinang-ayunan naman ito ni Ofrancia bilang isa sa naniniwala na malaking pagbabago sa lipunan ng Pilipinas kung agaran itong aaksiyonan ng gobyerno. 

“Para sa pangmatagalang pagbaba ng kahirapan, dapat itong maging bahagi ng mas komprehensibong polisiya—gaya ng pagsasaayos ng sahod, pagpapalakas ng trabaho, edukasyon, at serbisyong panlipunan. May lugar ang monetary policy sa papel nito na panatilihin ang price stability upang hindi maagawan ng implasyon ang benepisyo ng mga programang ito,” pagbibigay-halimbawa niya. 

Saklaw ng polisiyang ito na mapanatili ang kaayusan sa trabaho ng mga Pilipino at maprotektahan ang kanilang ipon at pamumuhunan. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng kaligtasan at katiyakan ang mga manggagawa sa kanilang kinikita at iniipon.

Bunsod ng seguridad nito, potensiyal din nitong mapapalakas ang kapital sa ekonomiya sapagkat nagtataguyod ito ng matatag at ingklusibong paglago ng bansa.

Mula sa kanilang mga pahayag, malinaw na kailangang magsagawa ng agarang hakbang ang gobyerno hinggil sa marangal na pamumuhay ng manggagawang Pilipino. 

Higit sa lahat, isa rin itong pananda bilang bunga ng pagiging gahaman ng mga makapangyarihan. 

Sa ganitong kalagayan, ang sistematikong korapsiyon at maling paggamit ng pondo ng bayan ay nagreresulta sa lumulubhang kahirapan at pagkakait ng disenteng pamumuhay sa karaniwang mamamayan.

Kung sisipatin nang maigi, kung mabibigyan ng gobyerno ng karapat-dapat na tugon ang suliraning ito, mas mapapalaganap ang pangmatagalang reporma na hahaligi sa matibay na pundasyon ng mekanismo laban sa implasyon at kahinaan sa lakas ng pagbili ng bansa. 

Sa katunayan, ang mababang sahod at kakulangan sa benepisyo ay hindi usapin ng kakapusan sa pagpupursigi ng mga manggagawa, kung hindi bunga ng isang sistemang lubos na may kakulangan sa pagbibigay-prayoridad sa makataong kabuhayan. 

Habang patuloy itong lumalala, nagiging mas malinaw ang pangangailangan para sa gobyerno na muling suriin ang mga umiiral na subsidyo, polisiya sa sahod, at mekanismo ng price control upang patuloy na matugunan ang pang-araw-araw na gastusin ng bawat Pilipino.

Hindi nasusukat ang masaganang piging sa bilang ng pagkain na kayang pagsaluhan ng isang pamilya—kung hindi sa kakayahan nitong magbigay ng dignidad, seguridad, at tunay na kaginhawaan sa bawat kasaping bumubuo nito. 

Sa mata ng manggagawang Pilipino na inialay ang dugo’t pawis para sa kani-kanilang pamilya, higit sa isang dilaw na kuwenta ang makapagpupuna sa kanilang hapag-kainan—isang matuwid na pagbabago para sa makataong sahod at benepisyo para sa mamamayan. 

Sa diwa ng pamilyang Pilipino, ang tunay na tugon sa busog na hapag-kainan ay pangmatagalang reporma sa sahod, presyo, at oportunidad sa trabahong hango sa dedikasyon at tiyagang walang kapantay. Sa pagsalubong ng panibagong taon, hindi lamang lamesa ang dapat masagana, kung hindi ang pamumuhay rin ng magigiting na manggagawang Pilipino.

(Latag ni Armina Juliana Guerrero/FEU Advocate)