Sapagkat sa Aking Pagpikit

FEU Advocate
August 21, 2024 17:54


Bulag ang kanilang mga mata,
bingi sa aming pagmamakaawa,
noong pinabaga nila ang lupa
at pinaulanan kami ng mga bala.

Ngunit hayag pa sa aking tanaw
na tuyot na ang kanilang pagkatao;
dahil ba uhaw na uhaw silang 
mga terorista sa pagbabago?

Hindi ko alam. 
Nag-aalab ang aking damdamin
at nag-aapoy na ang kalamnang may tama ng baril.
Kailanma’y hindi ko rin maiintindihan.

Sapagkat sa aking pagpikit,
dadaloy sa aking mga ugat ang poot.
Aagos ang aking pagkamuhi, 
hanggang mahaplos kayo ng aking dalamhati.

Bubuhos ang dugo ng mga inosenteng bangkay
mula sa uhaw nilang marahas na mga kamay.
Sakim ang kanilang mga layunin.
Hindi ko sila patatawarin.

Sapagkat sa aking pagpikit,
ako naman ang matutulog nang mahimbing;
at ang nais ko lamang ay
kayo ang magising.

- Kristine Aimee M. Millonte
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)