
FEU settles for SSL silver with another five-set loss vs NU
- July 16, 2024 21:51
FEU Advocate
September 29, 2025 19:20
Ni Eryl Cabiles
Pagpiglas sa mapang-aping sistema ang sinisimbolo ng “walkout” ng mga estudyanteng lumabas at nakibaka sa lansangan ngayong araw, ika-29 ng Setyembre. Ngunit lampas sa paglaban, representasyon ng kanilang galit at pagdurusa ang pagsigaw para sa katarungan.
Kaya’t sa kabila ng masamang panahon, bumaklas pa rin ang mahigit 1,000 estudyante ng Far Eastern University (FEU) sa regular na klase bilang protesta laban sa katiwalian ng gobyerno at “kontra-estudyanteng” polisiya ng Pamantasan.
‘Nakakabastos na’
Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan habang nagpoprotesta, ibinuhos din ng Communication student na si Gab Gonzales sa panayam ng FEU Advocate ang kaniyang hinaing.
“First time ko pong mag-protest ngayon dahil nakakabastos na ‘yung sistema ng FEU sa mga estudyante,” aniya.
Idinetalye ni Gonzales ang rason kung bakit niya piniling makiisa sa pagkilos. Para sa kaniya, panghihinayang sa ibinibayad na matrikula ng magulang ang dahilan ng kaniyang pakikibaka.
“Galing po ako [sa] malayong lugar, kaya nag-dorm po ako ngayon… [Pero] dapat ‘di po talaga ako magdo-dorm. Nagulat po ako no’ng sinabing hybrid [setup] pala [ang bagong sistema]. Parang nabastos po ako for my mother na nagbabayad ng dorm ko. Kaya ko namang magkomyut, pero bakit parang halos dalawang araw lang ako sa school? Parang nakakainis po ‘yung ang mahal-mahal ng tuition mo tapos [ilang araw] ka lang nakakalakad sa kampus,” paliwanag ng estudyante.
Kaya’t para sa katulad ni Gonzales na walang mapaglagyan ng galit, isinisigaw nila sa Nicanor Reyes Street ang mga emosyon na bumabagabag sa kanilang pag-aaral.
Karugtong ng kanilang galit ay ang awa sa magulang. Malinaw kay Gonzales na mahirap kitain ang mga perang ipinantutustos ng kaniyang magulang.
Bunsod nito, sabay na ipinaglalaban ng mga mag-aaral sa protesta ang kapakanan ng kanilang mga magulang. Kahit na hindi direktang naaapektuhan, ipinagluluksa ng mga naghihikahos na magulang ang mga matrikulang hindi napapakinabangan ng kani-kanilang anak.
‘Nakakagulat ito’
Hindi naman maiwasang magtanong ng Psychology student na si Timothy Estandarte sa mga pabago-bagong polisiya ng FEU. Ito ang kaniyang bitbit sa pakikisangkot.
“Bukod sa korapsiyon sa bansa natin, may korapsiyon din na nangyayari dito sa FEU. Doon pa lang daw sa pagsabi nila na wala raw tuition fee increase, laking gulat na lang namin no’ng mag-e-enroll kami, bigla-bigla na lang nagtaas ‘yung tuition fee… Hindi kami handa, nagulat kami no’ng magulang ko,” bulalas ni Estandarte.
Katulad ni Gonzales na iniisip ang paghihirap ng magulang, panghihinayang sa binabayad na matrikula ng kaniyang overseas Filipino worker (OFW) na magulang ang dala niyang panawagan.
“Lalo na sa magulang ko na OFW at single parent. Ramdam ko ‘yung paghihirap niya… So, napaka-unfair lang no’ng system na nagsisinungaling sila sa amin [nang] harap-harapan,” dagdag niya.
Marahil ay biktima rin ng ganitong sistema ang mga magulang na tumutustos sa mga matrikula ng mga estudyante. Dahil sa kahirapang kumita ng pera sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin, makatwiran lang na magtaka at magtanong ang mga estudyanteng nakadepende sa mga magulang na may sariling kinahaharap na problema bilang manggagawa.
‘Nakakagalit na’
Ayon naman sa panayam ng FEU Advocate sa second-year Finance student na si Recci Frulla, hindi makatarungan ang blended learning setup ng Pamantasan para sa mga katulad niya.
“Napakahirap po bilang isang nagdo-dorm na naka-data lang. Tapos ang dami pa pong inconsiderate na professors, hindi po sila nakikinig sa ‘Ma’am, hindi po kami makapag-open [camera].’ Gusto po nila na mag-adhere kami sa policy ni FEU when it’s not compatible with our situation,” daing niya.
Sa hiwalay na panayam naman kay Hanah Grace Bunsol, third-year na Economics and Law student, ipinaliwanag niya kung bakit konektado sa pagtaas ng matrikula ang kaniyang rason sa pagpunta.
“[Mayroong] mga hindi nagagamit na facilities kapag nag-o-online, mga utilities na needed natin as students… Nakakagalit po. Nakakagalit po kasi sa pagtaas ng tuition, hindi natin nagagamit ‘yung utilities… Hindi siya patas para sa students, especially ‘yung mga e-books,” anito.
Inilalantad ng kanilang emosyon ang nararanasang perhuwisyo mula sa bagong sistema ng pagkatuto. Hayag sa mga sentimyento nina Frulla at Bunsol ang paghihirap ng ilang mag-aaral sa mga umiiral na polisiya ng Unibersidad.
Mapapansin na hindi blangko ang galit at panghihinayang ng mga estudyanteng nagtungo sa lansangan. Kung titingnan sa malalim na anggulo, nakadantay ang kanilang mga emosyon sa pahirap na sistema at hindi maka-estudyanteng polisiya ng paaralan.
Ngunit sa kabila ng kanilang galit, hindi pa rin nila nalilimutang maghangad ng mas maayos na sistema. Paulit-ulit sa kanilang mga panayam ang salitang “sana,” isang salita na nagpapahiwatig ng paghiling ng kaginhawaan.
Inilalantad ng pagkilos na ito na makapangyarihan ang emosyon. Para sa mga estudyante ng Pamantasan, mula sa malalim at masalimuot na pagdurusa ang bitbit ng kanilang mga galit.
Kaugnay nito, malinaw na may mosyon sa kanilang emosyon. Binabaklas ng pagsusuring ito ang politikal na katayuan ng damdamin.
Ipinakikita ng pakiramdam ang hindi maaaring makita ng mga mata. Tanging ang pakikiramay lang sa mga pagod, galit, at naghahangad na estudyante ang makauunawa sa diwa ng kanilang kilos-protesta.
Malinaw na hindi lang personal na ekspresyon ang gamit ng emosyon. Sa mas malawak na pagtingin, isa itong puwersa na nagbibigay-buhay sa pulso ng nagagalit na mga mag-aaral.
Sa naganap na “walkout protest” ngayong araw, tumutulis ang galit bilang pagkilala sa kawalang-katarungan, samantalang binubuo ng sama-samang pagkilos sa lansangan ang espasyong kumukupkop sa kanilang paghihinagpis. At ang pag-asa sa bawat sigaw at panawagan ng galit na estudyante ay naglilimbag ng larawan ng isang mas makatarungang bukas.
(Kuha ni James Neil Tamayo/FEU Advocate)