Sa ngalan ng mga iwinala

FEU Advocate
August 30, 2024 15:27


Daluyong
Ni Shayne Elizabeth T. Flores, Junior na Manunulat ng Balita

Mga mag-aaral, aktibista, at tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao—mga taong dati’y puno ng buhay ngunit ang pagkakakilanlan ay nauwi na lamang sa katawagang desaparecidos. Taliwas sa kuwentong baluktot na nasa mga mamamayang nananawagan ang kasamaan, ang tunay na banta sa ating soberanya ay ang estadong pilit silang dinadakip at pinatatahimik.

Nanggaling ang salitang desaparecido sa wikang Español. Itinatawag ito sa mga biktima ng mga forced disappearance o sapilitang pagkalaho–mga taong hindi lang basta-bastang nawala, bagkus ay iwinala

Madalas na biktima nito ay ang mga aktibistang nakararanas ng red-tagging o ang pagbabansag bilang mga komunista, terorista, o kalaban ng gobyerno. 

Ayon sa United Nations, ang isang tao ay maituturing na puwersahang iwinala kung siya ay pinagkaitan ng kalayaan labag sa kaniyang kalooban, dinakip ng mga tauhan ng estado, at pilit na itinatago ang kapalaran o kinaroroonan. 

Saklaw ng salitang ito ang pagsisikap ng gobyernong pawiin ang oposisyon o anumang banta sa kanilang kapangyarihan. Ngunit, sa halip na isang magiting na modelo ng kapangyarihan, nagmumukhang duwag lamang ang gobyerno sa pagpuntirya nito sa mga payak na mamamayan.

Sinimulang gamitin ng mga Pilipino ang salitang desaparecido sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr. sa katauhan ni Charlie Del Rosario, ang kinikilalang pinakaunang desaparecido sa bansa isang taon bago ang Batas Militar. 

Gaya ng karamihang sumunod sa kaniyang kapalaran, si Del Rosario ay isang aktibistang naglaho sa kasagsagan ng mga kilos-protesta. Subalit, hindi na natukoy ang kaniyang kinahinatnan magpahanggang-ngayon.

Sa pagpataw ni Marcos Sr. ng Martial Law sa bansa, kasabay ng pagkagahaman sa higit na kapangyarihan ay ang sumpa ng kaniyang kampong puksain ang sinumang sasalungat sa kanila. Nagbunga ito sa 1,032 desaparecidos ayon sa naitala ng FIND.

Nabigyang-tuldok man ang diktadurya kalaunan, nagpatuloy pa rin ang mga kaso. Naitala ang 825 biktima sa ilalim ng administrasyong Cory Aquino, 80 kay Fidel V. Ramos, 64 kay Joseph Estrada, 353 kay Gloria Macapagal Arroyo, 32 kay Benigno Aquino III, at 160 kay Rodrigo Duterte.

Makalipas ang limang dekada mula nang mawala ang kauna-unahan, mas nauna pang lumitaw muli kaysa sa mga iwinala ang pangalan ng yumaong diktador sa pagkaluklok ng kaniyang anak at katukayong si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.—isang malaking pangungutya sa hindi pa natutuldukang laban para sa hustisya.

Magmula nang maupo si Marcos Jr., 38 ang naiulat na iwinala na nagresulta sa kabuuang 2,586 desaparecidos mula sa rehimen ng kanyang ama hanggang sa kasalukuyan.

Kabilang dito ang environmental advocate na si Rowena ‘Owen’ Dasig na inaresto noong Hulyo 2023. Sinabing pinalaya siya noong ika-22 ng Agosto matapos mapawalang-sala mula sa kasong illegal possession of firearms. Gayunpaman, kahit anino man lang ni Owen ay hindi matagpuan hanggang ngayon.

Samantala, matapos ang mahigit isang taong pagkawala, patuloy ang panawagan ng pamilya ng mga indigenous people defender na sina Gene Roz Jamil ‘Bazoo’ de Jesus at Dexter Capuyan para sa hustisya nang magsumite sila ng writ of amparo at writ of habeas data sa Korte Suprema nitong buwan.

Kahit anumang lente tingnan, malinaw ang ‘di makatarungang pang-aabuso sa mga aktibista, na para bang namana pa ng pangulo sa kanyang yumaong ama.

Sa patuloy na pagdami ng desaparecidos, ni hindi man lang maramdaman ang matagal nang naipasang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 na siyang dapat dumedepensa sa mga biktima ng sapilitang pagkawala.

Sa halip, ang mariing nararamdaman ng bansa ay ang Anti-Terrorism Act at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na lalong nagsasadlak sa mga mamamayang sumasalungat sa estado. Sa pamamagitan ng batas at puwersang ito, naikukubli ng pamahalaan ang kanilang lantarang paglabag sa karapatang pantao.

Huwad ang kanilang misyong protektahan ang kaayusan at seguridad ng estado laban sa mga kinikilala nilang ‘terorista.’

Ipinakikita nito kung paano mas naging madali para sa pamahalaang kontrahin at gipitin ang mga mamamayan imbis na panagutan ang sarili nilang mga pagkukulang. 

Bukod sa pagiging bingi sa hinaing ng sambayanan, bigo ang estadong makita ang mas malaking larawang nagbubunyag na ang pag-aalsa ay direktang reaksiyon lamang sa ‘di makataong pamamahala.

Sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address, hindi binanggit ni Bongbong ang karapatan at proteksyon para sa mga aktibista. Hindi niya binigyang-pansin ang pagbansag ng Global Witness sa Pilipinas bilang pinakanakamamatay na bansa sa Asya para sa mga land at environmental defender noong 2023.

Matatandaang minsan nang tinanggihan ng Pangulo ang mga panawagang buwagin ang NTF-ECLAC dahil ‘epektibo’ raw ito sa pagsugpo sa panganib na dulot ng mga rebeldeng komunista at ng armadong pakikibaka. Tila balewala sa kaniya ang mga tahasan at walang basehang red-tagging kung saan damay pati ang mga inosente.

Halos 52 taon na ang lumipas nang maipataw ang Batas Militar, ngunit ang isinilang nitong panunupil sa mga payak na mamamayan ay nananatili sa patuloy na pagdami ng desaparecidos. Hanggang ngayon, kalabang dapat sugpuin pa rin ang tingin ng estado sa mga Pilipinong hiling lamang ay ang pagbabago sa lipunan. 

Libo-libong tao na ang iwinala, at hangga’t walang naililitaw na katawan o kahit ang katotohanan sa likod ng kanilang kapalaran, ang mga desaparecido ay mananatiling palaisipan at alaala na lamang sa mga nakakikilala sa kanila, pati ang inaasam na hustisya.

Sa harap ng nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagang pamahalaan, ang pag-alala sa mga pangalan nina Charlie Del Rosario, Rowena Dasig, Bazoo de Jesus, Dexter Capuyan, kasama ng iba pang inagawan ng kinabukasan ang siyang magsasalba sa kanilang pagkakakilanlang pilit na ibinubura.

Sa patuloy na paghahanap sa mga desaparecido ng kanilang mga mahal sa buhay, tila hindi lang katawan ang mahirap makita ngunit pati na rin ang tunay na hustisya. Kasabay ng paghihintay sa kanilang paglitaw ay ang pag-uudyok na kilalanin at panagutin ang ugat ng paninirang-puri na nauwi sa kanilang pagkasawi. Sa kalagayan ng lipunan ngayon, maging ang pantay na karapatan at makataong pagdinig ay nagmimistulang desaparecido, sapilitang iniwala at hindi pa rin mahanap-hanap.

(Kuha ni Mark Vincent A. Durano/FEU Advocate)