Sa Lansangan Ng Maynila

FEU Advocate
December 09, 2023 10:43


Araw-araw, daan-daang tsuper ang bumabaybay sa kahabaan ng Morayta—Gastambide sakay ng kanilang mga dyip na sumilay na sa mga dekadang nagdaan. Ilang dekada na rin nilang binibigyang-buhay ang kulay-abong mga kalye at ang ngiti ng mga pasaherong sabik nang makauwi. 

Kabisado na ni Mang Jimmy, limampu’t isang taong gulang, ang pasikot-sikot ng Morayta. Taong 1997 pa lamang ay nagseserbisyo na siya sa mga komyuter. Likas na kay Mang Jimmy ang kasipagan—halos labing-tatlong oras din siyang bumabyahe. Subalit kahit sagad-sagarin niya ang pagkayod sa isang araw, hindi pa rin sapat ang kinikita upang tustusan ang paniningil ng pagkain, renta, at iba pang mga bayarin. 

“Sapat naman ang kinikita, titipid-tipid lang. Maraming nanghihingi ng baon e,” biro naman ni Mang Tata, apatnapu’t dawalang taong gulang. Bukod sa kanila ng kanyang misis, sinusuportahan din ni Mang Tata ang pag-aaral ng walo niyang mga apo. 

Kwento sa’kin ni Mang Tata ay tatlong taon na siyang tsuper ng Morayta. Bago ‘yon, ani niya, ay dalawampung taon muna siyang naging tricycle driver. Tinanong ko kung saan niya balak maghanap-buhay sakaling mawalan siya ng imamanehong dyip.

“Nakasanayan ko na kasing sa kalsada na maghanap-buhay,” may himig ng sentimyento ang mga katagang binitiwan ni Mang Tata. 

Sa mga kalsadang kanilang binabyaahe na tumanda at nagkapamilya ang mga jeepney driver ng Maynila. Deka-dekada kung sila’y manerbisyo sa masa at sagad-sagad kung magbanat ng buto, ngunit hindi pa rin makawala sa kadena ng kahirapan. Swertehan kung may sobra at pinipilit pagkasyahin ang meron. 

Masaya makipagkwentuhan sa mga lokal na tsuper ng Morayta. Kung hindi bumabiyahe’y matyetyempuhan mo silang namamahinga habang nakapila, puwera na lamang kung coding nila. Ngunit noong araw ng Miyerkules, ika-dalawampu’t dalawa ng Nobyembre, ibang ruta ang kanilang binaybay. 

Noong Miyerkules na iyon ay binaybay ng mga tsuper, operator, at mga aktibista ang kahabaan ng Quezon Ave. na may mabibigat na yapak. Matapang nilang binitbit ang kanilang mga panawagan at pikit-matang sinakripisyo ang kikitain para sa tigil-pasada — lahat ng ito upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing. 

“Makibaka! Huwag matakot!” Garagal na ang boses ng may hawak ng megaphone. Bakas ang pagod at desperasyon sa kasunod nitong mga sigaw, “Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!” 

“Ipatuloy ang paglaban sa ganitong mga pagmamalabis na ginagawa ng gobyerno sa ating mga nasa laylayan ng lipunan,” panawagan ni Mang Jimmy sa mga kabataan. 

Umaasa pa rin siyang pakikinggan sila na ibasura ang ‘di-makataong phaseout, “Sana magkaayos ang dalawang panig para hindi na rin tayo nags-strike. Ang hirap.”

“Sa mga kabataan na makakarinig o makaka-relate sa hanapbuhay namin, aralin nang mas malalim ang mga aralin sa Pilipinas,” hiling ni Mang Tata, “Para maunawaan ang anumang pinaghihirapan ng mga magulang para makapag-aral sila.”

Sa likod ng isang manggagawang Pilipinong nagsisilbi sa masang komyuter ay isang haligi ng tahanang nagsisilbi rin para sa kapakanan ng kaniyang pamilya. 

Hinihingal at sumsakit na ang mga binti ng mga nakimartsa pa-Mendiola. Nanunuyo man ang lalamunan sa uhaw ay sinigurado nilang aalingawngaw ang kanilang sigaw sa lansangan ng Maynila, “Ang laban ng tsuper ay laban ng komyuter!”

-Valerie Rose V. Ferido

(Dibuho ni Miles Munich Montreal Jimenez/FEU Advocate)